“Paano Ako Makadarama ng Kapayapaan Kapag Parang Nakakalungkot ang Pasko?,” Liahona, Dis. 2023.
Mga Young Adult
Paano Ako Makadarama ng Kapayapaan Kapag Parang Nakakalungkot ang Pasko?
Ang mga holiday o pista-opisyal ay maaaring nakakalungkot na panahon, pero ang paghahanap ng maliliit na paraan para magtuon kay Cristo ay naghahatid ng kapayapaan at kagalakan.
Ang Pasko ay nilayong maging panahon ng kagalakan, pagmamahal, at kapayapaan, pero hindi iyan laging pinadadali ng ating sitwasyon. Dalawang Pasko ang ginugol ko sa isang misyon sa Brazil, malayo sa aking pamilya at sa di-pamilyar na kultura. Ang mga Kapaskuhang iyon ay nagkaroon ng mabubuting sandali, pero iyon ang mga unang pagkakataon na nakadama ako ng ilang negatibong emosyon sa panahon ng mga holiday o pista opisyal, na panghihina-ng-loob at pangungulila sa pamilya.
Nang makauwi ako mula sa aking misyon, hindi pa rin naging masayang katulad noong bata ako ang panahon ng mga holiday. Habang lumalaki ako na may mas maraming responsibilidad, madalas akong malungkot sa kaabalahan ng panahon para ipagdiwang ang Pasko sa paraang inasahan ko. Bagama’t gusto kong mapahinga sa bahay, mag-ukol ng oras sa paglilingkod sa iba, o magsaya sa mga holiday kasama ang mga mahal sa buhay, kinailangan kong gugulin ang halos buong Disyembre sa pagtatrabaho, sa pagsisikap na makapunta sa mga kaganapan, makabili ng mga regalo, at makapag-aral para sa finals sa kolehiyo.
Marami din akong ibang kakilala na madalas gugulin ang Kapaskuhan na nagdadalamhati sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay, malayo sa tahanan, nahihirapan sa mga relasyon, o nalulungkot lalo na sa panahong ito ng taon.
Pero nang pag-isipan ko ang kaguluhan ng panahong ito, nag-isip ako—nanaisin ba ni Cristo na nakasentro sa Kanya ang isang holiday para bigyan tayo ng alalahanin, kawalang-pag-asa, at kapaguran?
Naniniwala ako na kung narito si Jesucristo, nanaisin Niyang makadama tayo ng kapayapaan at pag-asa sa panahon ng mga holiday. Tutal, isinilang Siya para tulungan tayong madama ang mga bagay na iyon mismo. Naparito Siya sa lupa para tulungan tayong harapin at daigin ang ating mga hamon.
Tulad ng itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Nagpapatotoo ako na kapag tayo ay mabuti, lahat ng ating luha ng kalungkutan, paghihirap, at kawalang-katiyakan ay matutugunan at maitatama sa Kanya, na pinakamamahal na Anak ng Diyos.”1
Sa kabila ng ating mga hamon at listahan ng mga dapat gawin at alalahanin na dumarami sa panahong ito ng taon, maaaring mapasimple ang ating buhay at mapaghilom ang ating mga dalamhati kapag nagtuon tayo sa dahilan ng Pasko—ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ang Simpleng Mensahe ng Liwanag at Pagmamahal
Taun-taon mula noong bata ako, nabasa na ng pamilya ko ang salaysay sa Bagong Tipan tungkol sa pagsilang ni Cristo sa liwanag ng kandila sa Bisperas ng Pasko.
Bawat isa sa amin ay tumatanggap ng ilang talata ng banal na kasulatan sa mga piraso ng papel. Bawat isa sa amin ay may hawak na mahabang kandila, pero ang unang tao lamang na magbabasa nang malakas ang nagsisindi ng kanyang kandila. Ang maliit na apoy nila ang tanging ilaw sa kuwarto kapag nagsimula silang magbasa mula sa Lucas kabanata 1:
“Nang ikaanim na buwan, sinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea, na tinatawag na Nazaret,
“Sa isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaki, na ang pangalan ay Jose, mula sa sambahayan ni David. Ang pangalan ng birhen ay Maria.
“[At] lumapit ang anghel sa kanya, at sinabi, ‘Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo’” (Lucas 1:26–28).
Kapag nabasa na ng unang tao ang mga talatang ito, ginagamit niya ang kanyang may sinding kandila para sindihan ang kandila ng susunod na tao. Pinapatay ng unang mambabasa ang apoy ng kandila, at nagpapatuloy ang kuwento:
“At ngayon, maglilihi ka sa iyong sinapupunan at magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus” (Lucas 1:31).
“At kanyang isinilang ang kanyang panganay na anak na lalaki, binalot niya ito ng mga lampin, at inihiga sa isang sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan” (Lucas 2:7).
Ang kuwento ng pagsilang ni Cristo ay mapitagang nagpapatuloy sa ganitong pattern, sa paisa-isang tao at paisa-isang kandila. Sa pagtatapos ng pagbabasa ng banal na kasulatang ito, napupuno ng Espiritu at mga kislap ng liwanag ang madilim na silid.
Kahit noong bata pa ako at halos hindi ko nauunawaan ang pananalita sa Bagong Tipan, gustung-gusto ko palagi ang tradisyong pagbabasa ng aming pamilya tungkol sa pagsilang ni Cristo sa liwanag ng kandila. Ang simpleng tradisyong ito ay patuloy na nagpapakita sa akin na hindi natin kailangan ng magagastos na kaganapan sa panahong ito ng taon para magkaroon ng magagandang alaala ng Pasko o mapalakas ang ating patotoo tungkol sa Tagapagligtas.
Kapag pinananatili natin si Jesucristo at ang Kanyang mga simpleng mensahe ng liwanag at pagmamahal sa sentro ng ating buhay, lahat ng iba pang alalahanin at responsibilidad ay napupunta sa tamang lugar.
Nakatuon ba Ako kay Cristo?
Gustung-gusto ko ang Pasko at ang lahat ng kasiyahang kaugnay nito: mga tradisyon, dekorasyon, pagkain, at musika. Gustung-gusto ko lalo na nakatuon ang Paskong iyon sa Tagapagligtas. Pero halos bawat taon, ginugunita ko ang mga holiday o pista-opisyal at medyo nadidismaya ako. Napakaabala ng buhay para matupad ang pangarap kong ilaan ang buong buwan para lamang sa mga pagdiriwang ng Pasko.
Sa mga pagsisikap kong lumikha ng masayang holiday o pista-opisyal, madalas kong pahirapan ang sarili ko at mas pagtuunan ang di-mahalagang mga detalye kaysa sa relasyon ko sa Tagapagligtas. Pero nalaman ko na ang pinakamahalaga ay mag-ukol ng oras para sa maliliit na gawing nakasentro kay Cristo. Sa halip na mapilitang magsabi ng oo sa bawat sosyalan o maghanap ng mga perpektong regalo, maaari tayong magtuon sa paggawa ng kabutihan at pag-uukol ng oras para sa Kanya araw-araw. At mapapansin natin ang ating mga pagsisikap na ibahagi at anyayahan ang Kanyang liwanag, kahit tila maliliit ang mga ito.
Nagsalita si Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagpapasimple ng ating buhay para makapokus sa Tagapagligtas. Sabi niya: “Kapag hinahangad nating dalisayin ang ating buhay at isinasaalang-alang si Cristo sa bawat pag-iisip [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:36], lahat ng iba pang bagay ay nagsisimulang tumugma. Ang buhay ay hindi na parang mahabang listahan ng magkakahiwalay na gawain na hindi maayos na nababalanse.
Kapag sinusuri natin ang ating buhay at nakikitang napakarami pa nating dapat gawin, tayo ay napanghihinaan-ng-loob. Kapag tinitingnan natin ang isang bagay—ang pagmamahal at paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak, sa maraming iba’t ibang paraan—magagawa natin ang mga bagay na iyon nang may kagalakan.”2
Tuwing nakadarama ako ng lungkot na kung minsa’y kaakibat ng Kapaskuhan, ipinapaalala ko sa sarili ko na kung nakatuon ako kay Cristo, sapat na ang ginagawa ko.
Maaaring inasahan na ng mga Judio sa Bagong Tipan na paparito sa lupa ang kanilang Tagapagligtas sa magarbong paraan, pero sa halip ay pumarito siya sa mundo na lantad sa mga elemento at kasama ng mga hayop. Hindi siya nakaupo sa isang trono, kundi sa isang sabsaban. Ang pagsilang at buhay ni Jesucristo ay mga pangunahing halimbawa ng kasimplehan at pagpapakumbaba na maaari nating anyayahan sa ating buhay, lalo na sa panahong ito ng taon.
Ipinagpapatuloy ng pamilya ko ang tradisyon ng pagbabasa tungkol sa pagsilang ni Cristo sa liwanag ng kandila taun-taon. Isang Disyembre nang magkaroon ako ng problema tungkol sa final exams sa paaralan, naisip ko na nakalagpas sa akin ang pagkakataong magsaya sa Kapaskuhan. Pero ang simpleng tradisyong ito ang isang aktibidad na naging dahilan para manatili akong masigla, masaya, at nagpapasalamat. Ang pag-alaala sa pagsilang ni Cristo ay naghatid ng higit na kasiyahan kaysa anumang regalong natanggap ko o anumang dekorasyong isinabit ko noong taon na iyon.
Ang Ating Pinakadakilang Regalo
Kapag parang malungkot o madilim ang buhay, lalo na sa abalang panahon ng mga holiday o pista-opisyal, alalahanin na si Cristo ang tanging pinagmumulan ng nagtatagal na liwanag. Tulad ng sabi Niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12).
Kamakailan ay nagugol ko ang mga araw ng Disyembre sa pagpooproblema tungkol sa mga sosyalan, pag-aalala tungkol sa aking pinansyal na sitwasyon, at pagmamasid sa mga miyembro ng aking pamilya na nangungulila sa mga mahal sa buhay na pumanaw na. Pero nag-ukol din ako ng oras na magpasalamat sa panalangin para sa maraming pagpapalang nasa akin. Nagsikap pa akong lalo na maglingkod na tulad ni Cristo. Nag-ukol ako ng ilang sandali sa paggunita kung paano ako napangalagaan ng Diyos noon, at alam ko na maaari akong magtiwala sa Kanya anuman ang aking sitwasyon. Muli, nagbasa ang pamilya ko tungkol sa pagsilang ni Cristo sa liwanag ng kandila, at naalala ko ang Kanyang pagmamahal at kapayapaan.
Kung hahanapin natin Siya nang higit sa lahat sa panahong ito ng taon—sa mga simbolo ng Pasko, mga kasayahang nilalahukan natin, mga regalong binibili natin, at paglilingkod na ibinibigay natin—matatagpuan natin Siya (tingnan sa Mateo 7:8). Ang Kanyang impluwensya at Espiritu ay mapapasaatin hindi lamang sa Kapaskuhan, kundi sa tuwina.
Sa mga salita ni Elder José A. Teixeira ng Pitumpu: “Dahil naparito Siya, may kabuluhan ang ating buhay. Dahil naparito Siya, may pag-asa. Siya ang Tagapagligtas ng mundo, at Siya ang ating pinakadakilang regalo.”3
Anuman ang maaaring kinakaharap natin, maaaring anyayahan nating lahat sa ating buhay ang pag-asa, kapayapaan, kapanatagan, at kagalakang ipinangako ng Tagapagligtas.*