Konteksto ng Bagong Tipan
Mga Pamamaraan ng Pag-unawa sa Aklat ng Apocalipsis
Makikinabang tayo sa pagbabasa ng paghahayag ni Juan sa iba’t ibang paraan.
Ang aklat ng Apocalipsis ay walang katulad sa Bagong Tipan. Hindi ito nakatuon sa mga detalyadong salaysay tungkol sa mortal na ministeryo ni Jesucristo, tulad ng apat na Ebanghelyo. Ni hindi nito inilalarawan ang mahihirap na sitwasyong dinanas ng sinaunang Simbahang Kristiyano, tulad ng nakasaad sa mga sulat. Sa halip, ang aklat ng Apocalipsis ay naglalahad ng isang bagay na mas pamilyar sa mga mambabasa ng makabagong epic fantasy: Pinahirapan ng isang dragon ang mundo. Umahon ang isang halimaw sa dagat. Lumaganap ang kaguluhan at pagkawasak. Nagsimulang maglaho ang pag-asa—hanggang sa lumabas ang isang kabayong puti at nilupig ang dragon, at naghatid ng kapayapaan at kasaganaan sa lupain.
Kaya, paano ba dapat makahanap ng kahulugan at aplikasyon ang isang tapat na mambabasa ng aklat ng Apocalipsis sa ika-21 siglo sa isang aklat na mahirap maunawaan?
Iba’t ibang Makabagong Pamamaraan
Una sa lahat, mas magtatagumpay kayo sa pag-unawa sa aklat ng Apocalipsis sa pamamagitan ng pagdarasal para sa diwa ng propesiya at paghahayag. Ang Doktrina at mga Tipan 77, isang paghahayag kung saan tumanggap ng kabatiran si Joseph Smith mula sa Panginoon tungkol sa tagpo at marami sa mga simbolong naroon sa aklat ng Apocalipsis, ay dapat ding maging bahagi ng iyong pag-aaral.
Bukod pa rito, maaaring makatulong na unawain kung paano ipinaliliwanag ng iba’t ibang mambabasa at scholar ngayon ang aklat ng Apocalipsis. Karaniwan, ang mga pamamaraan sa konteksto at kahulugang nilayon sa aklat ng Apocalipsis ay halos nabuo sa apat na kategorya. Bawat isa sa mga ito ay may mga kalakasan at kahinaan:
1. Ang aklat ng Apocalipsis ay simbolikong paglalahad ng kasaysayan. Sa tradisyong ito, ang mga imahe at simbolo ng aklat ng Apocalipsis ay itinuturing na nakaayon sa mahahalagang tao at pangyayari mula pa sa pagsisimula ng Simbahang Kristiyano hanggang sa Ikalawang Pagparito. Ang problema sa pamamaraang ito ay kadalasang mga haka-haka, lubhang nakabatay sa alinmang mga tao o pangyayari sa kasaysayan na pinipiling pagtuunan ng pansin ng interpreter. At madalas ay kailangang baguhin o palitan ng mga mambabasa ang kanilang mga interpretasyon sa paglipas ng panahon nang hindi kasama ang pagbabalik ni Jesucristo. Bagama’t talagang popular ang pamamaraang ito noong bago sumapit ang ika-20 siglo, hindi na ito gaanong popular ngayon.
2. Ang saklaw ng aklat ng Apocalipsis ay limitado sa unang siglo AD. Itinuturing ng pamamaraang ito ang mga pangyayari at simbolo sa aklat ng Apocalipsis na para lamang talaga sa Simbahang Kristiyano noong unang siglo ng pag-iral nito. Ang pakinabang ng pagbabasang ito ay nananatili itong nakatuon sa mga Kristiyano noong unang siglo at sa katotohanan na ang mensahe ng aklat ay para sa kanila. Ngunit ang pangunahing problema sa pamamaraang ito ay na maaari itong humantong sa pag-iisip ng mga tao na ang aklat ng Apocalipsis ay gawa-gawang kasaysayan sa halip na kung ano ito: buhay na banal na kasulatan na maaaring pagkunan ng mga espirituwal na aral ngayon.
3. Karamihan sa mga pangyayari sa aklat ng Apocalipsis ay hindi pa nagkakatotoo. Ipinahihiwatig ng pananaw na ito na karamihan sa mga pangyayaring inilarawan sa aklat ng Apocalipsis ay matutupad sa hinaharap. Naniniwala ito na ang aklat ay nagbibigay ng kronolohiya ng mga pangyayari—ngunit para sa hinaharap sa halip na sa nakaraan. Makakakuha ang mga mambabasa ng malinaw na timeline ng mga mangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng pagbuo ng hiwa-hiwalay na mga palatandaang nagkalat sa buong aklat. Ang mga futurist [mga taong pinag-aaralan at hinuhulaan ang hinaharap] ay may mas literal na interpretasyon sa mga pangyayari at tauhan sa aklat ng Apocalipsis. Ang lakas ng pamamaraang ito ay na patuloy nitong itinutuon ang mambabasa sa mga pangyayari sa Apocalipsis—maaaring mangyari ang mga iyon bukas! Sa pangitain ni Nephi na nakatala sa 1 Nephi 11–14, sinabi sa kanya ng isang anghel na susulat din si Juan “hinggil sa katapusan ng daigdig” (1 Nephi 14:22), kaya malamang na ang bahagi ng aklat ng Apocalipsis ay tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap. Ang problema sa pamamaraang ito ay na halos buung-buo nitong inaalis ang aklat ng Apocalipsis mula sa konteksto nito tungkol sa unang siglo at nanganganib na hindi makita ng mga mambabasa ang ilan sa kahulugang nais ni Juan na matanggap ng mga mambabasa niya mismo.
4. Ang aklat ng Apocalipsis ay isang talinghaga tungkol sa digmaan sa pagitan ng mabuti at masama. Ang pagbabasa sa pananaw na ito sa aklat ng Apocalipsis ay hindi tumutukoy sa partikular na mga pangyayari sa nakaraan o sa hinaharap kundi bilang talinghaga tungkol sa paligsahan sa pagitan ni Jesucristo at ni Satanas, sa pagitan ng mabuti at masama, sa pagitan ng Simbahan ng Kordero at ng simbahan ng diyablo. Sa pananaw na ito, nilayong suportahan ng aklat ng Apocalipsis ang ilang pamantayan: na si Jesucristo ay magtatagumpay, na ang mabuti ay susuportahan, na ang masama ay parurusahan. Ang mga pangyayaring inilarawan sa aklat ng Apocalipsis ay matalinghagang kasangkapan para sa mas malalawak na alituntuning iyon. Ang kalakasan ng pamamaraang ito ay na ang pagpili sa pagitan ng mabuti at masama ay angkop kaninuman anumang oras. Ang isang kahinaan ay na maaaring hindi makita ng mga mambabasa ang mga tanda o simbolo na nilayong tumukoy sa partikular na mga pangyayari o panahon.
Tatlong Bagay na Isasaisip Habang Binabasa Mo ang Aklat ng Apocalipsis
Maraming mambabasa (kasama na ako) ang gumagamit ng mga bahagi ng bawat isa sa mga pamamaraang ito. Naniniwala ako na ang pamamaraang ito ay nakaayon nang husto sa naihayag ng makabagong banal na kasulatan at paghahayag tungkol sa pag-unawa sa aklat ng Apocalipsis (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 77, halimbawa). Sinasalungat ng aklat ang anumang madaling pagkategorya at ginagantimpalaan ang mga mambabasang gumagamit ng iba’t ibang interpretasyon. Ang ilang pamamaraang gumagana nang husto sa Apocalipsis 5 ay maaaring hindi makatulong sa Apocalipsis 11.
Habang sinisiyasat ng mga mambabasa ang iba’t ibang paraan ng pagbabasa ng aklat ng Apocalipsis, inirerekomenda ko na isaisip ang tatlong bagay.
1. Laging alalahanin ang mga unang salita sa aklat: “Ang Paghahayag ni Juan, na isang tagapaglingkod ng Diyos, na ibinigay sa kanya ni Jesucristo.”1
Ang aklat na ito ay tungkol sa Tagapagligtas. Bawat simbolo, bawat kuwento, ay naghahayag sa atin ng isang bagay tungkol kay Jesucristo. Siya ang Kordero na maghahatid ng kapayapaan sa Kanyang mga tao, at Siya ang taong nakadamit ng pula na lilipol sa kaaway. Siya ang Lalaking Ikakasal na mananatiling tapat sa babaeng Kanyang pakakasalan at sa Diyos, na nakaupo sa Kanyang trono.
Ang salitang Griyego na isinalin bilang “Paghahayag” sa pamagat ng aklat ay apocalypsis, na ibig sabihin ay “ibunyag” o “ihayag.” Iyan mismo ang ginagawa ni Juan para sa kanyang mga mambabasa—na humihila sa tabing at naghahayag sa atin kung sino talaga si Jesucristo. Ang pangalang Jesus ay medyo madalang lumitaw sa aklat ng Apocalipsis (mga labindalawang beses), pero ang Kanyang impluwensya, ang Kanyang kahalagahan, ay nasa likod ng bawat talata.
2. Isaisip ang pahayag ni Joseph Smith na ang aklat ng Apocalipsis “ay isa sa pinakamalilinaw na aklat na ipinasulat ng Diyos.”2
Ang isa sa mga problema na maaaring maranasan ng mga mambabasa ng aklat ng Apocalipsis ay ang kabiguang nagmumula sa pakiramdam na hindi nila nauunawaan ang nangyayari, dahil tila lalo pa silang inilalayo ng sunud-sunod na mga simbolo mula sa anumang uri ng aktuwal na angkop na kahulugan. Ngunit ipinapaalala sa atin ni Joseph Smith na ang aklat ng Apocalipsis ay isang “malinaw” na aklat, na ibig sabihin ay nilayon na maging malinaw.
Madalas kong sabihin sa mga estudyante ko na maibubuod ko nang maikli ang aklat ng Apocalipsis: “Nagwagi ang Tagapagligtas na si Jesucristo!” Magsimula sa pagbabasa nito na nasasaisip ang ideyang iyon. Kapag may naraanan kang isang simbolo o kuwento na tila nakalilito, itanong sa iyong sarili kung paano nito ipinapaalam sa iyong pagkaunawa ang tagumpay ni Jesucristo. Maaaring hindi nito masagot ang lahat ng tanong mo, pero tutulungan ka nitong bumuo ng mahalagang balangkas.
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang karaniwang paniniwala na [ang aklat ng Apocalipsis] ay may mga hayop at salot at mahiwagang simbolismo na hindi mauunawaan ay hindi lamang totoo” at idinagdag na “karamihan sa aklat … ay malinaw na malinaw at dapat maunawaan ng mga tao ng Panginoon.” Oo, may ilang imahe at simbolo na mas mahirap maunawaan kaysa sa iba, pero “hindi iyan nangangahulugan na hindi natin kayang unawain ang mga iyon kung lalago ang ating pananampalataya tulad ng nararapat.”3 Sa madaling salita, huwag matakot sa aklat ng Apocalipsis—maaaring mahirap itong maunawaan, ngunit sulit ito!
3. Laging sikaping basahin ang aklat ng Apocalipsis nang may patnubay ng Espiritu at bukas na isipan.
Nakakatukso talaga, tulad ng nagawa ng marami, na kunin ang lahat ng paglalarawan sa mga hayop at numero at pangyayari at subukang ilimita ang lahat ng simbolong ito sa partikular na mga detalye, na para bang ibibigay nito sa mambabasa ang lihim na impormasyong nananatiling nakatago sa masa.
Ngunit ang kagandahan ng isang aklat na gaya ng aklat ng Apocalipsis ay na ang laganap na mga simbolo, numero, at pangyayari dito ay maaaring humantong sa iba’t ibang wasto at kapaki-pakinabang na mga interpretasyon, lalo na kapag ipinagdasal natin na magdala ang Espiritu ng mahahalagang kasangkapan sa ating pag-aaral tulad ng 1 Nephi 11–14, Doktrina at mga Tipan 77, at Pagsasalin ni Joseph Smith. Marahil ay binasa ng isang tao ang salaysay ni Juan tungkol sa Kordero at dragon na sumasagisag sa makasaysayang digmaan sa pagitan ng Sion at Babilonia na nagmula sa mga pinakaunang pahina ng Biblia. Nakita ng isa pa sa mga isinulat ni Juan ang pagbabadya ng Ikalawang Pagparito at ang di-maiiwasang pagtatagumpay ni Jesucristo at nakatuklas ng pag-asa sa isang mundong patuloy na nagdidilim. Kasabay nito, nakakita ng personal na aplikasyon ang pangatlo sa pagkaalam ng mga posibleng paraan para madaig ang kaaway sa kanyang araw-araw na pakikibaka sa kalayaang pumili. Ang pambihirang bagay tungkol sa aklat ng Apocalipsis ay na nakahanap ang lahat ng tatlong ito ng kapaki-pakinabang at malinaw na paraan ng pagbabasa ayon sa patnubay ng Banal na Espiritu.
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na “sa tuwing nagbibigay ang Diyos ng pangitain ng isang imahe, o halimaw, o anumang klaseng anyo, lagi niyang inaako ang responsibilidad na magbigay ng paghahayag o interpretasyon ng kahulugan nito, at kung hindi ay hindi tayo responsable o mananagot kung maniwala tayo rito.”4 Kapag binuksan natin ang aklat ng Apocalipsis at sinimulang pag-aralan ito, tutulungan tayo ng Diyos kapag nagsikap tayong pumulot ng dagdag na liwanag at kaalaman mula sa pambihirang pangitain ni Juan.
Napakalaki ng halagang maituturo sa atin ng aklat ng Apocalipsis. Nawa’y makahanap ang bawat isa sa atin ng inspiradong kahulugan at mas malalim na aplikasyon habang mapanalangin nating sinisikap na unawain ang tekstong ito na nakakapukaw ng damdamin at nakakahikayat ng espiritu.