“Paano Nakikibahagi sa Ating Buhay ang Ama sa Langit at si Jesucristo,” Liahona, Dis. 2023.
Mga Young Adult
Paano Nakikibahagi sa Ating Buhay ang Ama sa Langit at si Jesucristo
Ang paghahandang magmisyon ay nagbigay sa akin ng pagkakataong malaman ang iba pa tungkol sa kung paano Sila nakikita sa aking buhay.
Habang lumalaki ako, labis akong naapektuhan na masaksihan ang pag-uwi ng mga full-time missionary sa aming isla ng Tonga at ang pagpapatotoo nila. Ang mga sandaling ito ay laging nakahikayat sa akin na magmisyon. Nang dumating ang panahon para magsimula akong maghanda, marami akong natutuhan tungkol sa nadarama ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas tungkol sa atin.
Narito ang ilang katotohanang natutuhan ko tungkol sa Kanilang papel sa ating buhay.
1. Alam Nila ang Nangyayari sa Atin
Nang sumali ako sa missionary preparation class, hindi naging maayos ang mga bagay-bagay. Nagtatalo ang kalooban ko at nag-alala na hindi ako makagagawa ng kaibhan bilang missionary. Lalo akong nabalisa bawat araw.
Nahirapan ako sandali sa mga damdaming ito at ipinagdasal ko na malaman kung talagang sapat ang kabutihan ko para maglingkod.
Isang araw, nang tingnan ko ang email ko, nagbukas ako ng mensahe mula sa ComeuntoChrist.org. Nakasulat doon, sa malalaki at bold na letra, ang mga salitang “Sapat Ka na!”
Tumimo sa puso ko ang mga salitang ito, at napanatag ako. Nasagot ang aking mga dalangin. Natanto ko na lubos na nalalaman ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang ating sitwasyon at masasagot ang ating mga dalangin sa napakapersonal na mga paraan.
2. Kung Magtitiwala Tayo sa Kanila, Aakayin Nila Tayo
Kahit gusto kong magmisyon, nahirapan pa rin akong magdesisyon. Nagkaroon ako ng maraming personal na hangarin na kakailanganing ipagpaliban kung maglilingkod ako. Nagsimula ako sa aking freshman year sa unibersidad, nag-alangan akong iwanan ang mahalaga kong mga kaibigan, at matagal ko nang planong sumapi sa Tongan Armed Forces. Kamakailan ay nagpakamatay rin ang kapatid ko, at nahirapan akong magpatuloy dahil sa kalungkutang nadama ko.
Madalas kong inisip, “Tama ba talaga na magmisyon ako?”
Kaya, dinala ko ang lahat ng tanong ko sa pangkalahatang kumperensya. Sa kumperensyang iyon, sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf, “Kapag masigasig ninyong sinasaliksik ang katotohanan—ang walang hanggan at di-nagbabagong katotohanan—nagiging mas malinaw ang inyong mga pagpipilian.”1
Nadama ko ang katotohanan ng pahayag na iyon. Kung minsa’y maaaring mahirap magtiwala na maglalaan ang Diyos ng mas mabuting bagay kapag hindi tayo makahiwalay sa mga dati nating hangarin. Pero sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagdarasal, at mga mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya, personal kong natutuhan na kapag nagtitiwala tayo sa Diyos, madalas nating makikita na inaakay Niya tayo patungo sa mas malalaking oportunidad at pagpapala kaysa sa kaya nating matantong mag-isa (tingnan sa Mga Hebreo 11:40).
Tulad noong maglaan ang Diyos para sa mga Israelita sa ilang nang magsisi sila sa pag-alis sa Ehipto (tingnan sa Exodo 16:3), at tulad noong akayin Niya ang pamilya ni Lehi patawid ng ilang papunta sa lupang pangako (tingnan sa 1 Nephi 18), maaari tayong magtiwala palagi na aakayin Niya tayo kung saan tayo kailangan kung mananampalataya tayo.
3. Naglalaan pa rin Sila ng mga Himala
Ang pag-aaral tungkol sa lahat ng kamangha-manghang paraan na nakikibahagi sa ating buhay ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nagpapanibago ng aking pag-asa na lahat ng bagay ay posible sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo (tingnan sa Mateo 19:26). Kahit kapag nakikibaka tayo sa mga damdamin ng kakulangan, bibiyayaan Nila tayo ng kinakailangang tulong at mga himalang kailangan natin para sa ating mga partikular na sitwasyon.
Sa kabila ng aking mga pangamba, biniyayaan ako ng Diyos ng himala ng tiwala na magmisyon.
Sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo, makasusumpong tayo ng kapayapaan at mga himala sa ating buhay habang nagsisikap tayong sundan Siya sa landas ng tipan. Sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Ama sa Langit, “nakabigkis na tayo sa isa’t isa,” tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson. At “dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. Ang Diyos ay may espesyal na pagmamahal para sa bawat isa sa atin. Malaki ang inaasahan Niya para sa atin.”2 Kapag hinanap natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo, makikita natin ang Kanilang mahimalang impluwensya sa ating buhay.
Inihayag sa akin ng paghahanda para sa misyon kung gaano kalaki ang pasasalamat ng ating Tagapagligtas at Ama sa Langit sa kahandaan nating magsakripisyo para sa Kanilang layunin. Nakita ko kung paano talaga ako natutulungan ng pagbibigay ng aking oras, mga talento, at puso sa Kanila na “mapanatili ang positibong espirituwal na momentum”3 at daigin ang mundo.4 Buong puso akong naniniwala na may malalaking pagpapalang naghihintay sa atin kapag handa tayong maglingkod sa Panginoon.