Digital Lamang: Mga Young Adult
3 Katotohanan tungkol kay Jesucristo na Natatangi sa Ating Simbahan
Ang ating mga paniniwala sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihan maging katulad Niya.
Hinanap ng mga pastol at pantas ang kanilang Tagapagligtas na si Jesucristo, kasunod ng Kanyang pagsilang. Nakakita ng isang anghel ang mga pastol, at sumunod ang mga pantas sa isang bituin (tingnan sa Mateo 2:9–10; Lucas 2:8–12).
Ngayon, napakaraming paraan para matuto tayo tungkol sa Tagapagligtas at “[maparito] upang siya’y sambahin” (Mateo 2:2).
Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, mapalad tayong maturuan ng mga buhay na propeta at ng Aklat ni Mormon, bukod pa sa Biblia, tungkol sa ating Manunubos. Narito ang tatlong katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na natatangi sa Simbahan.
1. Hiwalay Siya sa Personahe ng Ama
Habang ipinaliliwanag ang Kanyang tungkulin bilang Bugtong na Anak, sinabi ni Jesus, “Ako at ang [aking] Ama ay iisa” (Juan 10:30). Ngunit alam ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang Ama at ang Anak ay “iisa” sa layunin, hindi sa katauhan. Isinulat ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa orihinal na wikang Griyego, ang ‘iisa’ ay walang kasarian, at samakatwid ay nagpapahayag ng pagkakaisa sa mga katangian, kapangyarihan, o layunin, at hindi ng iisang personalidad na mangangailangan ng kasariang panlalaki.”1
Bago siya pinagbabato, nakita ni Esteban “ang Anak ng tao na nakatindig sa kanan ng Diyos” (Mga Gawa 7:56). “Nakakita [si Propetang Joseph Smith] ng dalawang Katauhan” sa isang pangitain (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Ang Tagapagligtas mismo ay nanalangin nang madalas sa Kanyang Ama.
Sinasamba pa rin natin ang Ama bilang ating Diyos at iginagalang ang Anak bilang pinuno ng Simbahan. Ngunit pinabubulaanan natin ang karaniwang paniniwala ng Kristiyanismo sa “pagkakaisa ng tatlong persona,” isang paniniwalang napagkasunduan sa Council of Nicaea halos 300 taon pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo.2
2. Iniuugnay Niya Tayo sa Ama sa Langit
Dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, nawalay tayo sa kinaroroonan ng Diyos (tingnan sa Alma 42:7). Gayunman, pinag-uugnay ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas ang agwat na nilikha ng paglabag ni Adan at ibinabalik tayo sa presensya ng Diyos para mahatulan ayon sa ating mga gawa (tingnan sa 2 Nephi 2:5–10; Helaman 14:15–17). Ngunit mapapatawad at malilinis tayo mula sa batik ng sarili nating mga kasalanan kung ating “[ga]gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo” (Mosias 4:2). Paghikayat ni Cristo, “Kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan” (3 Nephi 18:19), ibig sabihin nagdarasal tayo sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Sa Simbahan, gumagawa tayo ng mga tipan—mga kasunduan kung saan nangangako tayong susundin ang mga kautusan at nangangako ang Ama sa Langit na pagpapalain tayo bilang kapalit. Ang perpektong halimbawa ni Cristo ay nagpapakita sa atin kung paano tuparin ang mga tipang ito at mas mapalapit sa Diyos. Sa ating tipan sa binyag, halimbawa, nangangako tayong “lagi siyang alalahanin at [sundin] ang kanyang mga kautusan …, nang [mapasaatin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” (Doktrina at mga Tipan 20:77).
Sabi ni Jesucristo, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko” [Juan 14:6]. Ipinapakita sa atin ng Kanyang mga utos at halimbawa kung sino ang nais ng Diyos na kahinatnan natin. Ang tungkulin ni Cristo bilang Tagapamagitan ay hindi nagpapahina sa pagkabigkis natin sa Ama sa Langit. Sa halip, ipinapakita sa atin ng ating Tagapamagitan kung paano magkaroon ng mas matibay na bigkis sa Ama (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:3–5).
3. Siya ay Nagbayad-sala sa Krus at sa Halamanan
Itinuturing ng maraming Kristiyano ang krus bilang pinakamataas na simbolo ng walang-hanggang pagmamahal ni Cristo. Gayunman, hindi ito karaniwan sa mga Kristiyanong Banal sa mga Huling Araw, dahil “ang [ating tuon ay nasa] ganap na himala ng misyon ni Cristo.”3 “Kasama sa Pagbabayad-sala ang Kanyang paghihirap sa Halamanan ng Getsemani at Kanyang pagdurusa at pagkamatay sa krus, at natapos] ito sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.”4
Ang tatlong pangyayaring ito ang bumubuo sa kabuuan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Manunubos. Sa Halamanan ng Getsemani, dumanas Siya ng “mga pasakit at hirap at … tukso” (Alma 7:11) para matupad ang propesiya ni Isaias na Siya’y “[masu]sugatan dahil sa ating mga pagsuway” at “[mabubugbog] dahil sa ating mga kasamaan” (Isaias 53:5).
Hindi natin binabalewala ang paghihirap ng pisikal na pagkamatay sa krus. Gayunman, nauunawaan din natin na ang pagbubuhos ng dugo “sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Mateo 26:28) at “[tagumpay na paglunok] niya [ng] kamatayan” (Isaias 25:8) sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli ay lubos na mas mabigat kaysa sa panandaliang pagkamatay sa kamay ng mga makasalanan.
Si Jesucristo ang Daan
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, hindi natin ginagamit ang mga pagkakaibang ito para hamakin ang mga taong iba ang relihiyon; iginagalang natin ang kanilang mga paniniwala, tulad ng pag-asa ng igagalang nila ang sa atin. Maaari nating pasalamatan ang magkakaiba nating paniniwala para sa taglay nating karagdagang mga katotohanang “malinaw at mahalaga” (1 Nephi 13:34–35) dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo, sa Aklat ni Mormon, at sa mga salita ng Panginoon mismo sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol.
Kung may isang bagay na itinuturo sa atin sa huli ang ating mga paniniwala bilang mga Banal sa mga Huling Araw, iyon ay na personal tayong kilala ni Jesucristo. Na mahal Niya ang bawat isa sa atin. “Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo. Siya ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.” Sa Kapaskuhan—at sa buong taon—masasabi talaga natin, kasabay ng ating mga makabagong propeta, “Salamat sa Diyos sa Kanyang walang kapantay na kaloob na Kanyang banal na Anak.”5