2023
Natanggap Mo na ang Iyong Endowment. Ano Na ang Gagawin Mo?
Disyembre 2023


“Natanggap Mo na ang Iyong Endowment. Ano na ang Gagawin Mo?,” Liahona, Dis. 2023.

Natanggap Mo na ang Iyong Endowment. Ano Na ang Gagawin Mo?

Ano ang susunod pagkatapos matanggap ang endowment sa bahay ng Panginoon?

Oakland California Temple

Larawan ng Oakland California Temple na kuha ni Mason Coberly

Binabati kita! Nakagawa ka na ng malaking hakbang sa “landas ng tipan pabalik sa ating mga Magulang sa Langit at … mga mahal natin sa buhay.”1 Napakaraming nakalaan ang Panginoon para sa iyo.

Bumalik sa Templo nang Madalas Hangga’t Kaya Mo

Ngayong natanggap mo na ang sarili mong endowment, bumalik ka nang madalas hangga’t kaya mo! Marahil ay pinalalakas mo pa rin ang iyong patotoo tungkol sa templo, at OK lang iyan. Hindi mo kailangang maunawaan ang lahat ng bagay ngayon. Ang pag-unawa at relasyon mo sa Diyos sa tipan ay lalago kapag bumabalik ka sa templo.

Kung nakatira ka malapit sa isang templo, ingatan na huwag hayaang makahadlang sa iyo “[ang] kagaanan ng paraan, o kadalian nito” (1 Nephi 17:41) sa pagbalik nang madalas. Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nakita ko na maraming beses nang nagsakripisyo ang mga tao para makapunta sa isang malayong templo. … Kapag malapit ang templo, may maliliit na bagay na maaaring humadlang sa mga plano ninyong pumunta sa templo. Magtakda ng mga mithiin, na iniisip ang inyong mga kalagayan, kung kailan kayo maaaring lumahok at lalahok sa mga ordenansa sa templo. At huwag ninyong hayaang may humadlang sa planong iyan.”2

Pahalagahan ang Iyong Recommend

Maaaring magkakaiba kung gaano kadalas tayo maaaring sumamba sa templo, pero maaaring pahalagahan ng bawat isa sa atin ang ating temple recommend. Ang iyong recommend ay hindi lamang isang permission slip. Nakikita rito ang tiwala ng Panginoon sa iyo habang inaanyayahan ka Niya sa Kanyang bahay sa lupa. Ang marapat na paghawak ng temple recommend ay nagpapahiwatig din ng hangarin mong makabalik balang-araw sa Kanyang tahanan sa langit. Hinikayat tayo ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol na araw-araw na mamuhay nang “rekomendado sa Panginoon”:

“Ang temple recommend ninyo ay nagpapakita ng malalim at espirituwal na hangarin na sinisikap ninyong ipamuhay ang mga batas ng Panginoon at naisin nang lubos ang Kanyang ninanais: kababaang-loob, kaamuan, katatagan, pag-ibig sa kapwa, tapang, habag, pagpapatawad, at pagsunod. At tapat ninyong iniaayon ang inyong sarili sa mga pamantayang iyon kapag pinirmahan ninyo ang sagradong dokumentong iyon. …

“Ang maging ‘rekomendado sa Panginoon’ ay ang mapaalalahanan ng kung ano ang inaasahan mula sa isang Banal sa mga Huling Araw na tumutupad sa tipan.”3

Pakamahalin ang Iyong Temple Garments

Tulad ng ipinahayag ng Unang Panguluhan, ang sagradong pribilehiyo ng matapat na pagsusuot ng temple garment ay “panlabas na pagpapahayag ng marubdob na pangako na sundin ang Tagapagligtas na si Jesucristo.”4

Ang wastong pagsusuot ng temple garments ay maituturing na “paraan ng Panginoon para payagan tayong mapasaatin ang bahagi ng templo pag-alis natin. … At bagama’t hindi tayo palaging nasa templo, maaaring mapasaatin palagi ang bahagi nito para pagpalain ang ating buhay.”5

Binigyan ka ng Ama sa Langit ng isang dakilang kaloob (iyan ang kahulugan ng endowment). Ang magalang na pagsusuot at pagsasalita tungkol sa iyong temple garment ay mga simpleng paraan na maipapakita mo ang iyong pasasalamat para sa regalong ito.

Maging Matapat

Ang katapatan ay hindi nangangahulugan na laging nag-uumapaw ang Espiritu ng Panginoon sa atin. Ang ibig sabihin nito ay nagtitiis tayo nang may pananampalataya kahit hindi tayo nakatitiyak. Tiniyak na ng Panginoon ang malalaking pagpapala sa mga taong pumipili sa Kanya.

“Kayo ay maliliit na bata, at hindi pa ninyo nauunawaan kung gaano kadakila ang mga pagpapala na mayroon ang Ama sa kanyang sariling mga kamay at inihanda para sa inyo;

“… gayunpaman, magalak, sapagkat akin kayong aakayin. Ang kaharian ay sa inyo at ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 78:17–18).

Nagdagdag si Pangulong Russell M. Nelson sa mga pangakong ito:

“Ipinapangako ko sa inyo na sa paglipas ng panahon, ang templo ay magiging lugar ng kaligtasan, kapanatagan, at paghahayag.”6

“Ipinapangako ko na kapag dinagdagan ninyo ang oras sa templo at sa gawain sa family history, madaragdagan at mag-iibayo ang kakayahan ninyong mapakinggan Siya.”7

“Itangi at igalang ang inyong mga tipan nang higit kaysa sa lahat ng iba pang mga pangako. Habang hinahayaan ninyong manaig ang Diyos sa inyong buhay, nangangako ako sa inyo [ng] higit na kapayapaan, kumpiyansa, kagalakan, at oo, kapahingahan.”8

Bawat isa sa mga pagpapalang ito ay mapapasaiyo kapag sinikap mong patuloy na payabungin ang iyong pakikipagtipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo—ang pinakamahalagang relasyon sa buhay mo.