2023
Paglilingkod nang May Katapatan
Disyembre 2023


“Ministering o Paglilingkod nang May Katapatan,” Liahona, Dis. 2023.

Mga Alituntunin ng Ministering

Paglilingkod nang May Katapatan

Makakagawa tayo ng malaking kaibhan sa pamamagitan ng pag-minister o paglilingkod nang may katapatan.

Larawan
lalaking nagtatanggal ng niyebe gamit ang traktora

Larawang kuha ni Kay Lynn Hodges

Ang buhay ni Apostol Pedro ay isang nagbibigay-inspirasyong halimbawa ng katapatan at pagsunod sa Tagapagligtas. Pero kinailangang matutuhan at mapalago ni Pedro ang mga katangiang ito, tulad nating lahat. Kahit dati na niyang naipahayag na si Jesus ang Mesiyas (tingnan sa Mateo 16:16) at naging handa pa nga siyang mamatay para sa Kanya (tingnan sa Lucas 22:33), itinatwa niya na kilala niya si Jesus nang tanungin siya (tingnan sa Mateo 26:69–74). Pagkatapos ng pagkakanulong ito, si Pedro ay “mapait na tumangis” (tingnan sa Mateo 26:75). Pinatawad ni Jesus si Pedro, at kalaunan bilang punong Apostol, pinamunuan ni Pedro ang naunang Simbahan ni Jesucristo.

Itinuturo sa atin ng salaysay na ito na kahit nabigo tayo, maaari tayong mapatawad sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo kung tunay tayong magsisisi at magiging tapat sa Kanya. Si Pedro ay naging kamangha-manghang halimbawa ng katapatan sa buong buhay niya, sa kabila ng pag-uusig at pagdurusa nang paglingkuran niya ang Panginoon. Kalaunan, ibinuwis niya ang kanyang buhay.

Itinuro ni Pedro na pagpapalain tayo kung tapat tayo sa Tagapagligtas kahit dumaranas tayo ng mga pagsubok at pag-uusig:

“Kung kayo’y inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo ay mapapalad kayo; sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian at … ng Diyos ay [nananahan] sa inyo: [masama ang sinasabi nila tungkol sa kanya, ngunit siya ay inyong niluluwalhati]. …

“Ngunit kung ang isang tao ay nagdurusa bilang Cristiano, huwag niyang ikahiya ito, kundi luwalhatiin niya ang Diyos sa pangalang ito” (1 Pedro 4:14, 16).

Maipapakita natin ang walang-maliw na katapatan sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng paggawa ng hinihiling Niyang gawin natin, at maaari tayong magpakita ng katapatan sa ating mga pinaglilingkuran sa pagsisikap na bumuo ng tunay at tapat na pagkakaibigan.

Pagkakaroon ng Katapatan

Ang katapatan ay isang katangiang tulad ng kay Cristo na maaari pa nating mas matutuhan at mapaunlad sa ating sarili. Narito ang ilang ideya:

  1. Epektibong makipag-ugnayan: Sa pagiging malinaw at bukas sa inyong pakikipag-usap at aktibong pakikinig sa mga pananaw ng iba, maaari kayong magkaroon ng mas malalim na pang-unawa at tiwala, na tumutulong sa inyo na magkaroon at mapanatili ang matatapat na relasyon.

  2. Huwag magpabagu-bago: Kapag makakaasa ang mga tao na naririyan kayo para sa kanila at magiging tapat kayo sa inyong mga pangako, magtitiwala at aasa sila sa inyo, na humahantong sa matitibay at matatapat na relasyon.

  3. Manalangin: Kapag nanalangin kayo para sa mga pinaglilingkuran ninyo, likas kayong magiging tapat sa kanila.

Larawan
babaeng naglalakad sa niyebe na may kasamang bata

Larawang kuha ni Shirlene Stoddard

Paglilingkod nang May Katapatan

  1. Maging maaasahan: Tumupad sa mga pangako at sumuporta kapag nangailangan ng panghihikayat ang inyong mga pinaglilingkuran.

  2. Aktibong makinig: Sa totoong pakikinig, pag-unawa, at pagtuon sa mga taong pinaglilingkuran ninyo, makabubuo kayo ng mas matitibay na koneksyon at maipapakita ninyo na nagmamalasakit kayo sa kanilang kapakanan.

  3. Huwag maghayag ng mga kumpidensyal na bagay: Ang isang matapat na kaibigan ay hindi naghahayag ng mga kumpidensyal na bagay kapag naglilingkod—at sa lahat ng oras. (Sa mga espesyal na sitwasyon, tulad ng mga sitwasyon ng pang-aabuso, humingi ng pahintulot at pagkatapos ay tulungan silang humingi ng tamang tulong.)

  4. Magpakita ng pagmamahal at habag: Kapag talagang nagmamalasakit kayo sa mga taong pinaglilingkuran ninyo, madarama nila na sila ay pinahahalagahan at pinasasalamatan, na lumilikha ng relasyon kung saan maaaring lumago ang katapatan.

  5. Maglingkod: Kapag naglilingkod tayo sa isa’t isa nang may pagmamahal, nagpapakita tayo ng ating katapatan sa Tagapagligtas at ng kahandaan nating pakainin ang Kanyang mga tupa (tingnan sa Juan 21:15–17).

Print