2023
Ang Pantakip sa Ilalim ng Christmas Tree ni Sharon
Disyembre 2023


“Ang Pantakip sa Ilalim ng Christmas Tree ni Sharon,” Liahona, Dis. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Pantakip sa Ilalim ng Christmas Tree ni Sharon

Para sa akin, ang regalo ng hipag ko ay naging simbolo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

pantakip sa ilalim ng Christmas tree

Larawang-guhit ni Anastasia Suvorova

Noong nasa kolehiyo kaming mag-asawa at maraming taon pagkaraan niyon, nahirapan kami sa pera. Sa halip na bumili ng mga regalo, ginawa ko ang mga iyon. Isang taon, gumawa ako ng mga pantakip sa ilalim ng Christmas tree para ibigay sa mga kapatid kong babae at hipag.

Nangalap ako ng pira-piraso at pinagtabasang mga materyal na berde, pula, puti, o kumbinasyon ng mga kulay na iyon. Karamihan sa mga tela ay walang disenyong Pamasko. Ginupit ko ang mga iyon sa mga simpleng parisukat at tinahi ang mga ito para gawing pantakip sa ilalim ng Christmas tree. Bawat pantakip ay may iba’t ibang uri ng tela.

Para sa Pasko noong taon na iyon, nagpunta kami sa bahay ng mga biyenan ko. Nakatira sa malapit si Sharon, ang hipag ko, kaya binisita namin ang kanyang pamilya at inihatid ang aming mga regalo.

Nadismaya akong makita sa ilalim ng kanyang Christmas tree ang isang maayos na nakatahi at quilted na pantakip na yari sa mga materyal na may disenyong Pamasko at naka-scallop ang mga gilid. Si Sharon ay magaling sa pananahi, quilting, appliquéing, tatting, paghabi, at iba pa. Maaga siyang nakagawa ng pantakip sa ilalim ng Christmas tree sa taon na iyon.

Hindi ko magpigilang ikumpara ang magandang pantakip niya sa simple kong gawa. Nahiya akong ibigay iyon sa kanya. Sinabi ko sa kanya na maiintindihan ko kung ayaw niyang gamitin iyon.

Nang buksan namin ang aming regalo mula kay Sharon nang sumunod na taon, nagulat kami na ibinigay na niya sa amin ang pantakip sa ilalim ng Christmas tree na hinangaan ko noong nakaraang taon. Malugod niyang tinanggap ang aking simpleng regalo at kapalit niyon ay binigyan niya kami ng mas magandang regalo.

Matapos labanan ang isang pisikal na karamdaman sa loob ng 12 taon, pumanaw si Sharon noong siya ay 38 taong gulang lamang. Ilang taon na ang nakararaan, nang ilagay ko ang kanyang pantakip sa ilalim ng Christmas tree at maisip siya, naging simbolo ng regalo ng Pagbabayad-salang ibinibigay sa atin ng Tagapagligtas ang pantakip na iyon. Gaano man natin hangaring magpakabuti, lahat tayo ay mortal, may mga kapintasan at kahinaan. Hindi tayo perpekto, gaya ng simpleng pantakip sa ilalim ng Christmas tree na naibigay ko kay Sharon.

Kumpara sa kagandahan ng buhay ng Tagapagligtas, lagi tayong magkukulang. Pero kung gagawin natin ang lahat para makapaghandog sa Tagapagligtas ng bagbag na puso at nagsisising espiritu, kapalit niyan ay hinahandugan Niya tayo ng mga pagpapala ng Kanyang magandang Pagbabayad-sala. Tumatanggap tayo ng isang bagay na higit pa sa regalo natin sa Kanya.

Nagpapasalamat ako sa espesyal na paalala ng Kanyang Pagbabayad-sala na siyang ginawa ng pantakip ng Christmas tree para sa akin.