2023
Ang Ibig Sabihin ng Pasko ay Pag-asa, Kapayapaan, at Pagmamahal
Disyembre 2023


“Ang Ibig Sabihin ng Pasko ay Pag-asa, Kapayapaan, at Pagmamahal,” Liahona, Disyembre 2023.

Ang Ibig Sabihin ng Pasko ay Pag-asa, Kapayapaan, at Pagmamahal

Ang sanggol na si Jesus na minamahal at sinasamba natin sa Kapaskuhan ay nag-aalok sa atin ng pag-asa, kapayapaan, at pagmamahal sa ating mga oras ng pagsubok.

Larawan
mukha ng batang babae

Si Hope Gentile, apart na araw bago ang una niyang chemotherapy treatment noong Marso 2015.

Mga larawan ni Hope na kuha ni Nicholas Gentile

“Tuwing may isisilang na sanggol,” pagtuturo ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “napapanibago sa kawalang-malay ang daigdig.”1 At dahil sa ipinangakong pagsilang ng isang bata noong araw “sa lunsod ni David” (tingnan sa Lucas 2:11), ang puso ng mga taong tumatanggap sa batang iyon at sa Kanyang misyon ay maaaring mapanibago araw-araw sa pag-asa at kapayapaan at pagmamahal.

Ang pag-asa, kapayapaan, at pagmamahal ay matatagpuan sa “dakilang liwanag” (Isaias 9:2) na hatid ni Jesucristo sa ating nagdidilim na mundo. Ang pag-asa, kapayapaan, at pagmamahal ay matatagpuan din sa “magandang balita ng malaking kagalakan” (Lucas 2:10) na nagpapala sa lahat ng anak ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagsilang.

Kapaskuhan ang perpektong pagkakataon para ituon ang ating puso’t isipan sa batang Cristo na napakatagal nang isinilang at sa kapayapaan at pag-asang hatid ng mensahe ng Kanyang ebanghelyo sa puso ng bawat isa sa atin kapag handa tayong sumunod sa Kanya.

Pag-asa sa Tagapagligtas

Ilang taon na ang nakararaan, itinulak ng isang salita—kanser—ang bata pang pamilya nina Nicholas at Christina Gentile sa tinawag ni Brother Gentil na “malalalim na pagsubok ng buhay o kamatayan.” Nasuring may tumor ang kanilang 19-na-buwang anak na babaeng si Hope sa bandang ibaba ng kanyang likod.

“Nang sumunod na limang buwan ng mga operasyon at chemotherapy,” paggunita ni Brother Gentile, “ang pag-asa ni Hope na mabuhay ay lumikha ng maraming iba’t ibang karanasan na sa huli ay nagpalakas sa patotoo ng aming pamilya sa biyaya ng Tagapagligtas.”

Ang pagsubok at kawalang-katiyakan sa hinaharap ay mas naglapit sa pamilya—sa isa’t isa at sa Tagapagligtas.

“Alam namin na ang nakita namin ay bahagi lamang ng katotohanang nakita ng Diyos kay Hope,” sabi ni Brother Gentile. “Sa kabila ng kadiliman, nagtiwala kami sa Kanya, anuman ang mangyari.”

Isang madilim na gabi sa ikalawang araw ng chemotherapy ni Hope, napansin ni Brother Gentile kung gaano karaming buhok ang nawala rito sa nakaraang ilang araw. Ang natitira niyang kakapiranggot na buhok na kulay strawberry blonde ay isang masakit na paalala sa kanya tungkol sa mortalidad nito. Gayunman, nakadama siya ng kapanatagan sa pangako ng Panginoon na “ni isang buhok sa kanyang ulo ay hindi malalaglag sa lupa nang hindi namamalayan” (Doktrina at mga Tipan 84:116).

“Nadama ko na alam na alam ni Jesucristo ang pinagdaraanan ni Hope—at ang aming pighati,” sabi ni Brother Gentile. “Hindi Niya ‘[kami iniwang] nag-iisa’ [Juan 14:18].”

Isang gabi sa oras ng pagtulog habang binabasahan niya ng isang aklat si Hope, nagtanong si Brother Gentile sa nakakatuwang tinig, “Ano ang sinasabi ng kuwago?” Humahagikgik, sumagot si Hope ng, “Hoo, hoo!” Pagkatapos ay nagtanong siya, “Ano ang sinasabi ng baka?” Mapagmalaking sumagot si Hope ng, “Moo, moo!”

Sa sandaling iyon, isang larawan ng Tagapagligtas sa dingding ng silid ang napansin ni Brother Gentile. Hinikayat siya ng Espiritu na magtanong ng, “Hope, at ano ang sinasabi ni Jesus?”

Habang hinihintay niya ang sagot ng anak, yumakap ito sa kanyang balikat, iminulat ang kanyang kulay asul na malalaking mata, at bumulong, “‘Yakapin po kita.’ Sabi ni Jesus, ‘Yakapin po kita.’”

Marahang niyakap ni Brother Gentile ang munting katawan ni Hope habang humihikbi. Habang yakap siya ni Hope sa munting mga bisig nito, ibinulong nito, “Mahal kita, Dada.”

Naibigay ng Diyos kay Brother Gentile at sa kanyang pamilya ang sandaling iyon sa isang espesyal na dahilan: “Yakap ni Jesus ang aming pamilya sa Kanyang mapagmahal na mga bisig,” sabi niya. “Mula noong sagradong gabing iyon, napagnilayan ko ang magiliw na katotohanang itinuro sa akin ng Diyos sa pamamagitan ng mga salita ng aking anak: Yayakapin tayo ni Jesus at pagpapalain sa ating mga pagsubok kung hahayaan natin Siya. Ang mga pagpapalang ito ay dumarating ayon sa Kanyang perpektong panahon, paraan, at kalooban, pero dumarating talaga ang mga ito. Alam ko ang mga katotohanang ito dahil tinulungan ako ng Espiritu Santo na madama ang mga ito sa kuwarto ni Hope noong madilim na gabing iyon.”2

Larawan
ang Tagapagligtas na yakap ang isang batang babae

Security Blanket [Kumot na Nakakapanatag], ni David Bowman, hindi maaaring kopyahin

Kapayapaan kay Cristo

Masaya akong iulat na nasagot ang pananampalataya at mga dalangin ng pamilya Gentile. Ngayon, si Hope ay isa nang malusog at masayang 10-taong-gulang na bata.

Pero ano ang mga pagkakataon na ang sagot ng Diyos ay hindi naging katulad ng inasahan natin? Maaari bang dumating ang kapayapaan sa gitna ng personal na pighati?

Tulad ng nalaman ng pamilya Gentile, palaging matatagpuan ang kapayapaan kapag bumaling tayo sa Tagapagligtas, na ang pagsilang sa Bethlehem ay ipinagdiriwang natin sa panahong ito. Sa Kapaskuhan, kapag kadalasa’y napipigilan ng personal na mga pagsubok, dalamhati, at karamdaman ang mga pagdiriwang natin ng Pasko, nagdudulot ng kapayapaan ang ating patotoo tungkol sa pagsilang, pagkamatay, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.

Itinuro sa atin ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson: “Kung paanong nag-aalok ng kapayapaan ang Tagapagligtas na “[hindi maabot] ng pag-iisip” [Filipos 4:7], gayundin naman na nag-aalok Siya ng matindi, malalim, at malawak na kagalakan na hindi masayod ng isipan ng tao. Halimbawa, tila imposibleng magalak kapag may malubhang karamdaman ang anak mo o nawalan ka ng trabaho o nagtaksil ang asawa mo. Ngunit iyon mismo ang kagalakang iniaalok ng Tagapagligtas. Ang Kanyang kagalakan ay hindi nagbabago, na tinitiyak sa atin na ang ating ‘mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang’ [Doktrina at mga Tipan 121:7] at ilalaan sa ating kapakinabangan [tingnan sa 2 Nephi 2:2].”3

Kapag nangusap ng kapanatagan ang Panginoon sa ating kaluluwa, maaari tayong sumali sa “malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos at nagsasabing, ‘Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:13–14).

Maaari tayong [magsabing] “halina … mga nananalig … [sa Bethlehem].”4

Maaari tayong “payapang [matulog],”5 batid na, sa huli, lahat ay magiging maayos at maitatama ayon sa mga pangako at perpektong panahon, paraan, at kalooban ng Diyos.

Larawan
dalawang larawan ni Hope Gentile

Kaliwa: Si Hope pagkaraan ng kanyang ikaapat na chemotherapy treatment noong Hunyo 2015. Kanan: Si Hope sa edad na siyam na taon.

Ang Regalong Pagmamahal

Kilalang-kilala ng Ama ang bawat isa sa atin—ang ating mga pagsubok at kakulangan, ang ating mga pag-asam at kawalan. Dahil mahal Niya tayo, ibinigay Niya sa atin ang pinakadakilang regalong matatanggap natin.

“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).

Dahil mahal din tayo ng Anak, kusa Niyang ibinigay ang Kanyang buhay para sa atin.

“Hindi … gumagawa [ang Anak] ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya,” pagpopropesiya ni Nephi tungkol sa Tagapagligtas. “Dahil dito, wala siyang inuutusan na hindi sila makababahagi ng kanyang [pagliligtas]” (2 Nephi 26:24).

Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas sa mga huling araw, responsibilidad at pagpapala nating ibahagi ang pagmamahal ng Ama at ng Anak para sa atin. Ibinabahagi natin ang pagmamahal na iyan kapag nagpapatotoo tayo sa mga anak ng Diyos tungkol sa mahalagang kaalaman natin na ang Diyos ay buhay, na ang Kanyang Anak ay pumarito sa lupa upang iligtas tayo mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan, at na sa ating panahon ay naipanumbalik ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang regalong Bugtong na Anak ng Diyos ang dahilan kaya natin ipinagdiriwang ang Pasko. Ang ibig sabihin ng Pasko ay walang-hanggang pag-asa at kapayapaan na naging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas dahil sa pagmamahal sa atin. Ang ibig sabihin ng Pasko ay buhay na walang-hanggan at mga walang-hanggang pagkikita-kitang muli na naging posible sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansang isinasagawa sa mga banal na templo.

“Ang pangunahing dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang Pasko ay dahil sa Pasko ng Pagkabuhay,” sabi ni Pangulong Nelson. Dagdag pa niya, “Dahil kay Jesucristo, maaari tayong magsisi at mapatawad sa ating mga kasalanan. Dahil sa Kanya, ang bawat isa sa atin ay mabubuhay na [mag-uli].”6

Mababasa natin ang mga sagradong salaysay sa Bagong Tipan tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas. Ang kuwentong ito ang sentro ng marami sa ating mga paboritong tradisyon sa Pasko. Gayunman, habang ipinagdiriwang natin ang Kanyang pagsilang, huwag nating kalimutan na kung wala ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at Pagbabayad-sala, hindi tayo magkakaroon ng Pasko.

Pinatototohanan ng Aklat ni Mormon ang katunayan ng nagbangon na Cristo gayundin ang yaman at lalim ng doktrina ni Cristo. Sa Kapaskuhan, ang mga gumagamit ng mga katotohanan tungkol kay Cristo na matatagpuan sa loob ng mga pahina nito ay magdaragdag ng higit na kahulugan sa mga pagdiriwang ng Pasko ng kanilang pamilya.

Alam ko na dahil sa pagmamahal at mahalagang papel ng Tagapagligtas sa plano ng kaligtasan, matatanggap natin ang Kanyang kapayapaan (tingnan sa Juan 14:27) at ang “higit na mainam na pag-asa” (Eter 12:32)—sa Kapaskuhan at sa tuwina.

Mga Tala

  1. Boyd K. Packer, “Mga Bata,” Liahona, Hulyo 2002, 8.

  2. Nagpapasalamat ako kay Nicholas Gentile at sa kanyang anak na si Hope sa pagpayag na ibahagi ko ang kuwento ng kanilang pamilya. Si Brother Gentile ay naglilingkod bilang institute director at coordinator para sa Seminaries and Institutes of Religion sa East Lansing, Michigan, USA.

  3. Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82.

  4. Halina, Magdiwang,” Mga Himno, blg. 122.

  5. Kay Tahimik ng Paligid,” Mga Himno, blg. 125.

  6. Russell M. Nelson, “Ang Sagot ay Laging Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 127.

Print