“Paano Kung May Malasakit ang Diyos sa Laro, Hindi Lang sa Team?,” Liahona, Dis. 2023.
Paano Kung May Malasakit ang Diyos sa Laro, Hindi Lang sa Team?
“Ang Simbahan ni Jesucristo ay tapat na nangangakong maglilingkod sa mga nangangailangan, at tapat ding nangangakong makikipagtulungan sa iba sa pagsisikap na iyon.”1
Ang sports ay maaaring malaki ang pagkakatulad sa relihiyon (sasabihin ng ilan na sila ay isang relihiyon). Ang mga ito ay nagiging sanhi ng matitinding damdamin. Ang mga ito ay humihingi ng katapatan. Ito ay nagbibigay ng mga puwang ng nakapapanatag na komunidad.
Gaya ng mga sports team, ang pananampalataya ng mundo ay may sariling mga pangalan at icon. Matutukoy mo ang isang Katolikong pari kumpara sa isang Judiong rabbi, sa isang Muslim imam, sa isang missionary na Banal sa mga Huling Araw. Ang mga taong relihiyoso ay nagpapakita ng katapatan sa iba’t ibang paraan: madalas tayong magpunta sa mga bahay-sambahan; pinansyal nating sinusuportahan ang ating mga kongregasyon; ipinagdiriwang natin ang pista-opisyal ng mga relihiyon; pinaglilingkuran natin ang ating kapwa; nagmimisyon tayo.
At tulad ng nangyayari sa sports, kung minsa’y tinutulutan ng mga taong may pananampalataya ang mga pagkakaiba na bulagin sila sa mga paniniwala nila na kapareho ng sa iba. Ang pag-uugaling ito ay humahadlang sa kabutihang magagawa lamang kapag nagsama-sama tayo para tulungan ang isa’t isa at pagpalain ang mundo.
Ang buong sangkatauhan—kapag nakatuon sa paggawa ng kabutihan—ay parang mga kamay sa guwantes sa isang umagang napakaginaw: mainit ang mga daliri kapag magkakasama. Ang isang komunidad na abala sa mga makabuluhang adhikain ay nagpapasigla sa kaluluwa.
Ang Laro at ang Team
Nagsalita minsan si Rabbi Lord Jonathan Sacks (1948–2020), dating punong rabbi ng United Kingdom, tungkol sa pagdalo sa isang football match sa Highbury Stadium (tahanan ng Arsenal) kasama ang archbishop ng Canterbury. Naglalaro ang Arsenal sa Manchester United. Matapos pansinin ng public address announcer ang presensya ng mga lider ng mga relihiyon, sinabi ni Rabbi Sacks, “Maririnig ninyo ang bulungan sa paligid na kaninong team ka man panig, kahit paano, noong gabing iyon, may maimpluwensyang mga kaibigan ang Arsenal. Imposibleng matalo sila.
“Nang gabing iyon,” dagdag pa niya, “pinakamatinding talo ang nangyari sa Arsenal sa sarili nilang lugar sa loob ng animnapu’t tatlong taon.”
Kinabukasan naglabas ng artikulo ang isang pahayagang British na nagsasabi, na walang dudang pabiro, na kung hindi makapaghatid ng tagumpay ang presensya ng dalawang kilalang lider na ito ng relihiyon para sa Arsenal, “hindi ba patunay ito na walang Diyos?” Na sinagot ni Rabbi Sacks ng, “Patunay ito na mayroong Diyos. Kaya lang, Manchester United ang sinusuportahan niya.”
Sinabi ni Rabbi Sacks na ang nakatutuwang kuwentong ito ay naglalaman ng mga binhi ng seryosong pananaw tungkol sa kahalagahan ng pagkakasundo ng iba’t ibang relihiyon at ng mundo. “Paano kung hindi lang sa akin nakapanig ang Diyos, kundi pati sa kabila?” tanong niya. “Paano kung may malasakit ang Diyos sa laro, hindi lang sa team? … Ang karaniwan nating pagkatao ay nauuna kaysa sa mga pagkakaiba natin sa relihiyon.”2
Ang laro ng buhay ay mailalarawan sa mga salitang ito na sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa isang journalist: “Ito ang matandang walang-hanggang digmaan. … Ang mga puwersa ng kasamaan laban sa mga puwersa ng kabutihan.”3 Bilang mga alagad ni Jesucristo, nasa panig tayo ng Tagapagligtas, “[na] naglibot … na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38) at nagbabahagi ng Kanyang sikat ng araw at ulan sa lahat (tingnan sa Mateo 5:45).
Bagama’t kung minsa’y kailangan tayong maiba at panghawakan ang ating natatanging doktrina, makakagawa tayo ng kabutihan nang hindi inilalagay sa alanganin ang ating mga paniniwala. Makakaapekto tayo nang husto kapag nakiisa tayo sa iba na may mabuting kalooban at mga mithiing kapareho ng sa atin. Marahil ay pinakamalinaw itong nakikita sa pagsisimula ng mga kalamidad na dulot ng kalikasan at iba pang mga krisis, kung saan nagkakaisa tayo sa kakaibang mga paraan. Sabi nga ng Church Humanitarian Services director na si Sharon Eubank, “Samantalang nagkakawatak-watak ang [Estados Unidos] at bumabalik ang mga tao sa kanilang mga lipi, palagay ko ang isa sa mahahalagang aral na maaaring matutuhan—kung mayroon mang anumang positibong epekto ang isang kalamidad—ay na … maaari nating isantabi ang pulitika, at maaari nating makita ang pagkakatulad para muling itayo ang ating mga komunidad.”4
Ang pakikihalubilo at pagkatuto sa iba ay likas na bunga ng pangangalaga at pagbabahagi ng mga turo ni Jesucristo. Tinuturuan tayo ni Jesus na mahalin ang ating kapwa at magkaisa. Hindi Siya natakot sa kabutihang ginawa ng iba pang mga grupo.
Hindi tayo nakikipagkumpitensya sa iba. Ang kanilang pananampalataya at kabutihan ay maaaring magpalakas sa sarili nating pananampalataya at kabutihan. At mas maraming kabutihan tayong magagawa kapag magkakasama tayo kaysa magkakahiwalay.
Ang sumusunod na apat na halimbawa ay nagpapakita kung paano namumuhay ang mga miyembro at lider sa Simbahan ni Jesucristo nang bukas ang puso’t isipan sa iba—na gumagawa ng kabutihan kapwa para sa kanila at kasama nila.
Pagtulong sa mga Muslim na Sumamba sa Ghana
Nagsalita si Joseph Smith tungkol sa kahalagahan ng pag-aasikaso sa mga estranghero at sekta, at pinangakuan sila na pakikinggan sila nang sabihin niyang, “Magsasalita sila sa aking pulpito buong araw.”5
Patuloy ang pinagpalang tradisyong iyan ngayon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ihalimbawa natin ang mapagbigay na mga Banal sa Ghana. Dahil sa konstruksyon, walang lugar ang mga lokal na Muslim kung saan maaaring magtipon ang malalaking grupo para sumamba sa loob ng ilang buwan noong 2022. Noong Abril ng taon na iyon, magiliw na pinayagan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang 2,000 alagad ng Islam na gamitin ang Takoradi Ghana Stake center para sa mga pagkain at panalangin sa panahon ng Ramadan. Makalipas ang dalawang buwan, malugod na tinanggap ng mga lider ng mga Banal sa mga Huling Araw ang grupo nang ipagdiwang nila ang Eid al-Adha. Ito ang dalawa sa pinakamalalaking pista-opisyal ng Islam.6
Nagpasalamat ang mga kaibigan naming Muslim. “Lahat tayo ay magkakapatid. Iisa ang ating pamana,” sabi ng lokal na punong imam ng mga Muslim na si Alhaji Mohammad Awal na tumutukoy sa mga anak ni Abraham na sina Ismael at Isaac.7
Sinabi ni Emmanuel Botwe, na tinawag na mamuno sa pakikipag-ugnayan sa Takoradi Ghana Stake, na napagyaman niya ang mga relasyon sa iba pang mga relihiyon sa lugar mula noong 2018. Inanyayahan niya silang maglaro ng football at dumalo sa isang religious symposium, sa mga stake conference, at sa paglalaan ng isang bagong meetinghouse.
“Kailangan nating lahat na igalang at pangalagaan ang isa’t isa anuman ang ating mga pagkakaiba,” sabi ni Brother Botwe. “Nakahikayat iyan sa akin na tumulong—lalo na sa ating mga kapatid na Muslim.” Ang mga Muslim ay bumubuo lamang ng 19 na porsiyento ng Ghana, isang bansa na Kristiyano ang nakararami. “Lahat tayo ay mga anak na lalaki at anak na babae ng ating Ama,” pagpapatuloy niya, “kaya kailangan natin silang makasundo.”
Binabalanse ng paglilingkod ni Brother Botwe ang kabaitan sa alituntunin. Tradisyonal ang pagdiriwang ng mga Muslim sa Eid al-Adha sa pamamagitan ng pag-aalay ng hayop tulad ng isang lalaking tupa o kambing. Ginagawa nila ito bilang pag-alaala sa pagtutulot ng Diyos kay Abraham na mag-alay ng isang lalaking tupa sa halip na ialay ang kanyang anak na si Isaac.
“Sinabi namin [sa mga kaibigan naming Muslim] na hindi posibleng patayin nila ang tupa sa bakuran ng aming simbahan. Ipinaliwanag namin ang ating paniniwala na ang pinakadakilang sakripisyo ay nagawa na ng Makapangyarihang Diyos. At iginalang nila ang aming hiling,” sabi ni Brother Botwe. “Pagkatapos ng serbisyo, lumipat sila sa mosque, kung saan ginawa ng punong imam ang sakripisyo.”
Para sa kabaitan ni Brother Botwe, niregaluhan siya ng punong imam ng kaunting karne ng tupa. Malugod iyong tinanggap ni Brother Botwe.
“Kapag nagsimula ka sa paggalang sa kanilang mga pinahahalagahan at paniniwala, na iginagalang sila sa kung sino sila—at hindi sila kinokondena, hindi sila hinahamak, kahit hindi kayo sang-ayon sa kanila—magkakaroon ng paggalang sa isa’t isa,” sabi ni Brother Botwe.
Pagpapakain sa mga Nagugutom sa Boston
Nakikipagtulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Massachusetts, USA, sa Azusa Christian Community at Catholic Charities para magdala ng pagkain sa mga maralita sa Boston, Malden, at Springfield. Noong Nobyembre 2022 namigay ang Simbahan ng 3,000 mga frozen turkey at 40 tonelada ng mga pagkaing hindi nabubulok o nasisira.
Dumating sa Boston ang tatlong semitruck ng pagkain mula sa Bishops’ Central Storehouse sa Salt Lake City noong Nobyembre 19. Isang libong turkey o pabo ang ipinadala sa Catholic Charities Boston para tulungan sila sa kanilang pamamahagi ng 1,400 pagkain para sa Thanksgiving sa mga pamilya sa purok ng Dorchester sa lungsod. Nagbaba ng 2,000 pang turkey o pabo, na may kasamang 40 tonelada ng pagkain, sa isang meetinghouse ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Newton. At pagkatapos ay nagdatingan ang mga boluntaryo—mga 400 sa kanila—na ginugol ang kanilang Sabado sa pagbababa ng mga pagkain at muling pagpapakete ng mga ito sa 2,000 mga food kit.
Dalawa sa mga boluntaryong iyon, si Charles Inouye at ang kanyang anak na si Kan, ang tumulong sa paghahatid at pag-set up ng mahahabang mesa at mga manika sa meetinghouse parking lot. Tumulong si Kan sa pagbubukas at pagsasalansan ng mga kahon. Ang tatay niya ang nagpaandar ng forklift.
“Itinuro ni Jesus na sumisikat ang araw sa lahat at na bumabagsak ang ulan sa mga makatarungan at hindi makatarungan,” sabi ni Brother Inouye. “Nag-iisip ako palagi nitong huli tungkol sa kahulugan ng ‘kayo nga’y maging sakdal’ [Mateo 5:48]. Maaari ba tayong maging katulad ng araw at ulan—nagbibigay nang perpekto sa kahit sino, kahit saan, kahit kailan?”
Bumisita sa Newton si Reverend Eugene Rivers, na namumuno sa Azusa Christian Community, nang umagang iyon. Sinabi niya na ang mga taong may pananampalataya at mabuting kalooban na nagsasama-sama sa mabubuting adhikain ang “huling pag-asa” ng lipunan para hindi tayo lumubog sa mas matinding pagkakawatak-watak.
“Maliban kung mas aktibong nakikibahagi ang mga komunidad ng pananampalataya sa isa’t isa, tanda ito na may masamang mangyayari sa bansang ito,” sabi ni Reverend Rivers.
Ang mga grupo ng mga relihiyon na nagsasama-sama habang nasa Boston sila, sabi ni Reverend Rivers, ay isang matalino at epektibong solusyong Kristiyano—at ang “tanging magandang opsyon ng ating bansa” para magkaroon ng pagkakaisa at pagkabuo.
Pagtulong sa mga Ina sa Memphis
Sa Tennessee, USA, ilang Banal sa mga Huling Araw ang sumama sa mga kapatid ng National Association for the Advancement of Colored People (NAACP) para tulungan ang mga ina at kanilang mga sanggol na umunlad sa isang lugar na may isa sa pinakamataas na bilang ng namamatay na mga sanggol sa Estados Unidos. Ang pagsisikap na ito ay tumutulong na maisakatuparan ang vision ni Pangulong Russell M. Nelson na naka-outline noong 2021 tungkol sa dalawang organisasyong nagsasama sa paglilingkod sa komunidad.8
Noong Nobyembre 2022, apat na miyembro ng pamilya Dudley mula sa Memphis Tennessee Stake ang nakiisa sa ilang tao sa NAACP Memphis Branch para mamigay ng mga flier tungkol sa isang programa ng mga klase na dinisenyo para tulungan ang bago at nagdadalantaong mga ina na mas maalagaan ang kanilang mga anak.
“Nagkaroon kami ng pagkakataong kumatok sa pintuan ng isang babaeng buntis ngayon,” sabi ni Marc Allan Dudley, na namahagi ng mga flier kasama ang kanyang asawang si Sonya at dalawa sa kanilang mga anak na babae. “Medyo nagningning ang kanyang mga mata, at nagpasalamat siya para sa programa. … Masaya ang mga tao na may nakapansin na may problema at na may ginagawa ang isang tao tungkol doon.”
“Ang pagsasamahang ito ay inorden ng Diyos at binigyang-inspirasyon ng Diyos,” dagdag pa ng NAACP Memphis Branch president na si Van Turner. “Napakasaya ko na nangyayari ito sa napaka-kritikal na panahon sa ating lungsod. Ginagawan namin ng solusyon ang kaligtasan ng publiko, ang kawalan ng tirahan, ang kahirapan. [Mahalagang talakayin] ang pinagmulan ng sangkatauhan, habang nasa sinapupunan ang mga kabataang ito, at sikaping matiyak na mabigyan sila ng wastong pag-aalaga habang nasa sinapupunan [at pagkatapos ay] lumabas at manatiling buhay at malusog. Kapag nangyari iyan, maganda ang simula nila sa buhay.”9
Pagiging Ilaw ng Sanlibutan sa Tulong ng mga Giving Machine
Simula noong 2017, naglalaan na ang Simbahan ng mga vending machine na nakatuon sa pagbibigay (na tinatawag na mga Light the World Giving Machine) bilang kakaibang paraan para makapag-ambag ang mga tao sa pagtulong sa mga nangangailangan. Noong 2022, ginamit ang mga machine na ito sa 28 lokasyon mula Manila hanggang Mexico City. Ang mga patron ay maaaring bumili ng mga item para sa iba tulad ng mga grocery, bakuna, kama, sariwang tubig, at alagaing hayop. Napupunta ang mga donasyon sa mga lokal at pandaigdigang partner na kawanggawa ng Simbahan.
Gumawa ng espesyal na quilt ang Banal sa mga Huling Araw na si Jenny Doan para makaipon ng pera para sa mga Giving Machine sa kanyang lugar. “Palagay ko napakaespesyal [ng mga machine na ito] dahil hindi lang ito [tumutulong] sa kanilang lugar, bagama’t mahalaga iyan,” sabi ni Sister Doan. “Maaari kang magbigay ng kambing sa isang pamilyang nangangailangan ng kambing—hindi ito isang bagay na karaniwan mong maibabalot at maipapasok sa kahon. Pero dito ay may pagkakataon kang gawin iyan. At ang gayong uri ng mga bagay ay nagpapabago ng buhay ng mga tao.”10
Tinawag ni Tiffany Bird, isang Banal sa mga Huling Araw sa Atlanta, Georgia, ang mga Giving Machine na isang “kakaibang paraan ng pagtulong sa aking mga anak na maranasang magbigay sa iba. Kapag nakikita nila ang mga produkto sa mga machine, natatanto nila na may mga pamilya at bata sa paligid nila na walang mga pangunahing pangangailangan nila araw-araw. At isang pagkakataon ito para gumawa sila ng isang bagay tungkol diyan.”11
Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022, binanggit ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang turo ni Elder Orson F. Whitney na “Hindi lang isang grupo ng mga tao ang ginagamit ng Diyos para maisakatuparan ang kanyang dakila at kagila-gilalas na gawain. … Napakalawak, napakahirap nito para gawin ng isang grupo lamang.” Pagkatapos ay pinayuhan tayo ni Pangulong Oaks na “magkaroon ng higit na kamalayan at pagpapahalaga sa paglilingkod ng iba.”12
Tulad ng sabi ni Rabbi Sacks, tungkol ito sa laro, hindi lang sa team. Banal sa mga Huling Araw man o hindi, magkakasama tayong lahat dito.