“Paghahandang Dumalo sa Templo,” Liahona, Dis. 2023.
Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo
Paghahandang Dumalo sa Templo
Sa mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw maaari tayong tumanggap ng mga sagradong tipan at ordenansa para sa ating sarili at sa ating mga ninuno. Dumadalo tayo sa templo para ipakita ang ating pagmamahal at pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari tayong maghandang dumalo sa templo sa pamamagitan ng pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga templo, tingnan sa artikulo sa Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo na “Gawain sa Templo” sa isyu ng Liahona noong Oktubre 2021.
Ang Bahay ng Panginoon
Ang mga templo ay tinatawag na “bahay ng Panginoon.” Mga sagradong lugar ito kung saan madarama natin ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang pagmamahal sa atin. Mga lugar din ito kung saan maaari tayong makipagtipan at tumanggap ng mga espesyal na ordenansa na maghahanda sa atin na magkaroon ng buhay na walang-hanggan. (Ang mga tipan ay mga sagradong pangako sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak.) Ang pagiging tapat sa ating mga tipan at pagtanggap ng mga ordenansang ito ay tumutulong sa atin na magkaroon ng espesyal na relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Sino ang Maaaring Dumalo sa Templo?
Ang mga miyembro ng Simbahan ay maaaring magpabinyag para sa mga patay simula sa taon na mag-edad 12 anyos sila. Ang isang miyembro ay maaaring tumanggap ng endowment kung siya ay 18 taong gulang man lang, naging miyembro ng Simbahan kahit isang taon man lang, at nais gumawa at tumupad ng mga tipan sa templo (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 27.2.2, ChurchofJesusChrist.org). Ang isang lalaki at isang babae na tumanggap na ng kanilang endowment sa templo ay maaaring mabuklod (ikasal) para sa kawalang-hanggan sa templo.
Mga Tipan at mga Ordenansa
Gagawa ka ng mga tipan at tatanggap ng mga ordenansa sa templo. “Ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagbibigkis sa atin sa Kanya sa isang paraan na mas pinadadali ang lahat sa buhay” (Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 97). Ang ordenansa ay isang sagradong pisikal na gawaing isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Ang mga ordenansa ay may malalim na espirituwal na kahulugan. Halimbawa, kapag lumalahok ka sa isang ordenansa, ipinapakita mo sa Diyos na handa kang tanggapin at tuparin ang Kanyang mga tipan.
Personal na Paghahanda
Espirituwal na maghanda sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo ni Jesucristo at pagtupad sa mga tipan na ginawa mo sa Diyos sa binyag. Maaari mo ring pag-aralan ang resources ng Simbahan, tulad ng mga banal na kasulatan at mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Ang Temples.ChurchofJesusChrist.org ay nagbibigay ng impormasyon kung ano ang aasahan kapag dumalo ka sa templo. Kabilang din dito ang iba pang mga detalye tungkol sa mga tipan, ordenansa, at simbolismo sa templo.
Simbolismo
Madalas magturo ang Panginoon gamit ang mga simbolo. Halimbawa, ang binyag—paglubog sa tubig at pag-ahon muli—ay katulad ng pagkamatay ng dati mong sarili at pagsilang na muli ng bago mong sarili (tingnan sa Roma 6:3–6). Nakaturo ang mga ordenansa sa templo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Maaaring mahirap maunawaan ang lahat ng simbolismo sa unang pagkakataon na dumalo ka sa templo, pero maaari kang patuloy na matuto kapag bumabalik ka sa templo sa buong buhay mo.
Temple Recommend
Para makapasok sa templo, ikaw ay kailangang maging handa at karapat-dapat. Maaari kang tumanggap ng recommend na makapasok sa templo matapos kang interbyuhin ng iyong bishop o branch president at ng stake o mission president. Ang mga lider na ito ay may set ng mga tanong para matiyak na ipinamumuhay mo ang ebanghelyo ni Jesucristo. Maaaring kausapin ka nang maaga ng iyong mga lider tungkol sa mga tanong na ito.
Pagbalik sa Templo para sa Iyong mga Ninuno
Nais ng Ama sa Langit na makipagtipan sa Kanya ang lahat ng Kanyang mga anak at tumanggap ng mga sagradong ordenansa. Ang mga ordenansang ito, tulad ng binyag at endowment, ay kailangang gawin sa mga templo para sa mga taong pumanaw nang hindi natatanggap ang ebanghelyo. Maaari kang bumalik sa templo para gawin ang mga ordenansa para sa iyong mga yumaong kapamilya.