Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo
Gawain sa Templo
Ang mga templo ay bahay ng Panginoon. Maaari tayong tumanggap ng mga ordenansa at makipagtipan sa Kanya sa mga templo. Maaari din tayong magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa ating mga ninuno.
Sa buong kasaysayan, inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo. Ang mga templo ay mga banal na lugar kung saan maaari tayong makadama ng pagmamahal ng Diyos, tumanggap ng mga ordenansa, at gumawa ng mga pangako sa Kanya. Nagtatayo ang Simbahan ng mga templo sa buong mundo upang mas marami pang tao ang magkaroon ng mga pagpapalang ito.
Ang Endowment
Ang mga miyembro ng Simbahan na namumuhay nang matwid ay pumupunta sa templo para tumanggap ng mga ordenansa at gumawa ng mga tipan, o mga pangako, sa Diyos. Ang isang ordenansang tinatanggap natin sa templo ay ang endowment. Ang ibig sabihin ng salitang endowment ay “isang kaloob.” Ang temple endowment ay isang kaloob mula sa Diyos. Natututuhan natin sa ordenansang ito ang plano ng Ama sa Langit para sa ating kaligtasan, at nakikipagtipan tayo na susundin natin ang mga utos ng Diyos. Kung tapat tayo sa mga tipang ginagawa natin, pagpapalain tayo ng Diyos.
Pagbubuklod nang Sama-sama sa mga Pamilya
Ang isang kasal sa templo ay tinatawag ding pagbubuklod. Kapag nabuklod ang isang mag-asawa sa templo at tinutupad nila ang kanilang mga tipan, mananatili silang kasal magpakailanman. Kung mayroon silang mga anak, mabubuklod din ang mga anak na iyon sa kanila. Ang mga magulang na nabuklod pagkatapos nilang magkaroon ng mga anak ay maaaring ipabuklod ang mga anak nila sa kanila. Kung mamumuhay sila nang matwid, magiging isang pamilya sila sa buong kawalang-hanggan.
Gawain sa Templo para sa Lahat ng Anak ng Diyos
Gumagawa tayo ng family history para makaalam tungkol sa ating mga ninuno. Pagkatapos ay gumagawa tayo ng gawain sa templo para sa kanila. Ginagawa natin para sa kanila ang lahat ng ordenansang kailangan ng mga buhay: binyag, kumpirmasyon, pagtanggap ng priesthood (para sa kalalakihan), endowment, at pagbubuklod. Pagkatapos ay maaari nilang piliin kung nais nilang tanggapin ang mga ordenansang ito. Sa ganitong paraan, matatamasa ng lahat ng anak ng Diyos ang mga pagpapala ng ebanghelyo.
Mga Pagpapala ng Gawain sa Templo
Kung tinutupad natin ang mga tipang ginagawa natin sa templo, tayo ay pagpapalain, pangangalagaan, at palalakasin. Mapapasaatin ang kapangyarihan ng priesthood. Magkakasama-sama ang ating mga pamilya magpakailanman.
Ang templo ay isa ring lugar ng kapayapaan at paghahayag. Kapag gumagawa tayo ng gawain sa templo, maaari tayong tumanggap ng espirituwal na patnubay at madarama natin ang pagmamahal ng Diyos.