Ang Dakilang Tagasaliw
Sa gitna ng aking pagrereklamo, isang simple ngunit makapangyarihang ideya ang pumasok sa isipan ko at nagpaibayo sa aking pasasalamat.
Nakakatuwang maupo sa isang bangko, magpatong ng mga kamay sa mga tekladong ivory ng piyano, habang hinihintay ang hudyat sa iyo ng tagakumpas. Isa sa mga paborito kong libangan ang magsaliw, pero hindi ito isang bagay na napapansin. Kung minsa’y nahahadlangan ako ng aking labis na pagtingin sa sarili, at gusto kong kilalanin ng tao ang mga pagsisikap ko.
Kaming mga tagasaliw ang sumusuporta sa mga nagtatanghal, nagpapanatili ng tempo, at gumagawa ng armonya at damdamin ng musika. Kung minsan, tinatakpan pa namin ang mga pagkakamali ng mga nagtatanghal. Gumugugol kami ng mahabang oras bago at pagkatapos ng mga ensayo. Kung minsa’y kami ang huling nakakatanggap ng musika pero unang inaasahang matutuhan iyon.
Sa isang mahirap na panahon, hirap na hirap ako sa damdaming ito. Pakiramdam ko ay walang nagpahalaga sa ginawa ko. Isang gabi, lumuhod ako sa tabi ng kama ko para sabihin ito sa Ama sa Langit.
Sinimulan ko ang aking panala-ngin sa pag-isa-isa ng lahat ng ginagawa ko at hindi ako pinasasalamatan. Hindi ko kailangan ng sobrang pasasalamat, pero kailangan kong matanggap iyon kahit kaunti. Sinabi ko sa Kanya na pakiramdam ko ay kinalimutan ako.
Habang nagrereklamo ako, ibinulong ng Espiritu ang isang ideya sa aking isipan na nagpabago sa aking buong pananaw.
Tumigil ako sa pagdarasal nang bigla kong makita ang sitwasyon ko sa ibang anggulo. Sinimulan kong isa-isahin ang mga reklamo ko, na iniisip ang mga ito sa paningin ng Ama sa Langit bilang tagasaliw. Nagulat ako at napakumbaba nang maisip ko na maaaring hindi natin natatanto kung gaano kalaki ang itinutulong Niya sa atin, binibigyang-kahulugan ang ating buhay, pinagtatakpan ang ating mga pagkakamali, at “hindi [um]iidlip ni [n]atutulog man” (Mga Awit 121:4) para sa ating kapakanan. Siya ba ang huli nating inaanyayahan ngunit inaasahan nating Siya ang unang dumating?
Pagkatapos ng karanasang iyon, sinimulan kong pasalamatan Siya para sa Kanyang napakahusay na pagsaliw sa aking buhay. Ang buo kong pagkatao ay dahil sa Kanya at sa Kanyang Anak. Napakakakaibang pananaw nito! Hindi Niya ako pinarusahan dahil sa damdamin o pagrereklamo ko. Sa halip, pinili Niyang turuan ako. Tinuruan Niya ako ng ibang paraan ng pagtingin sa Kanya at sa iba.
Ngayon, kapag naaawa ako sa aking sarili, naaalala ko ang aking Dakilang Tagasaliw—Siya na kasama ko sa pag-eensayo at Siya na kailangan kong pasalamatan. Tinuruan ako ng Ama sa Langit na pahalagahan Siya sa ibang paraan kaysa rati, na tingnan ang mga nasa paligid ko nang may higit na pagpapahalaga, na magkaroon ng mas mapagpasalamat na puso, at alalahanin ang mga salita ng Kanyang Anak: “Ako’y pumarito upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang may kasaganaan” (Juan 10:10).