2021
9 na Paraan para Makagawa ng Malaking Kaibhan: Paglikha ng Damdamin ng Pagiging Kabilang sa Simbahan
Oktubre 2021


Digital Lamang: Mga Alituntunin ng Ministering

9 na Paraan para Makagawa ng Malaking Kaibhan: Paglikha ng Damdamin ng Pagiging Kabilang sa Simbahan

Lahat tayo ay may papel na ginagampanan para gawing isang masayang lugar ang simbahan.

grupo ng mga kabataang babae sa Ghana na nag-uusap at nagtatawanan

Ang pagtanggap sa iba, pagsasali sa kanila, at pagtulong na malaman nila na sila ay kabilang ay pawang mahahalagang paraan na sinusuportahan natin ang isa’t isa sa landas ng tipan upang mapagaling tayo ng Tagapagligtas (tingnan sa Mga Hebreo 12:12–13; 3 Nephi 18:22–23, 32). Ang pagkakaisa ay isang mahalagang bahagi rin ng pagtatayo ng Sion (tingnan sa 4 Nephi 1:15–17; Doktrina at mga Tipan 38:24–27; Moises 7:18–19).

Bago ka man sa Simbahan, kalilipat lang sa isang bagong ward, o matagal-tagal na sa isang ward, narito ang siyam na paraan na magagawa natin ang simbahan na isang masayang lugar kung saan lahat ay kabilang.

Kung Bago Ka sa Ward

  1. Dumalo sa mga miting at aktibidad. Tulad ng dati, nakikipagkaibigan tayo sa pamamagitan ng pagsama sa ibang tao at pagkilala sa kanila. Dumating sa mga miting at aktibidad ng Simbahan nang mas maaga nang ilang minuto o manatili pagkatapos para makilala ang mga baguhan. Maaari ka ring mag-sign up para maglingkod kapag kailangan ang tulong. Ito ay madadaling paraan para magkaroon ng mga koneksyon na maaaring mauwi sa pagkakaibigan.

  2. Maghanap ng mga kalakasan. Ipakita nang hayagan at pribado ang mga kalakasang nakikita mo sa iyong bagong ward, mga lider, at komunidad. Sa halip na isipin lamang ang magandang lugar na iniwan mo, tuklasin kung ano ang kahanga-hanga sa bago mong ward at pag-usapan kung sino ang nakilala mo ngayon. Humingi ng impormasyon at mga ideya sa iba kung ano ang gagawin, saan mamimili, at paano makakahanap ng isang magaling na dentista o mga lugar na makakainan. Isiping magkasamang pumunta sa ilan sa mga lugar na napag-usapan ninyo.

  3. Kaibiganin ang mga baguhan. Huwag ipalagay na matagal nang naroon ang maraming taong nakaupo sa tabi mo sa Sunday School. Ipalagay na bago rin sila, at na hinihintay ka nilang tumulong na madama nila na masaya sa ward. Magpakilala at mag-usisa tungkol sa kanila, gaano man sila katagal nang naroon. At gawin iyong muli sa susunod na mga linggo.

  4. Magtiyaga. Maging mapagpasensya sa iyong sarili at sa iba habang sinisikap mong makipagkaibigan. Kung hindi interesado ang taong inaanyayahan mong maghapunan, tanungin ang iba. Kung lumipas ang isa pang buwan na wala kang natatanggap na calling, kausaping muli ang mga lider ng ward kung paano ka makapaglilingkod.

Kung Matagal-tagal Ka nang Nasa Ward

  1. Ipagdasal kung saan ka uupo. Maaaring hindi mo palaging gustong makatabi sa upuan ang isang taong hindi mo kilala, ngunit pagdating mo sa isang miting ng Simbahan, maging handang huminto sandali sa pintuan at humingi ng patnubay sa panalangin kung sino ang dapat mong tabihan. Pagkatapos ay kumilos ayon sa mga pahiwatig na mas kilalanin pa ang iba.

  2. Itanong kung paano ka makapaglilingkod sa iba. Ipaalam sa mga lider ng ward na handa kang makilala ang isang baguhan at na handa kang tumulong kapag may ibang nangangailangan ng kaibigan. Ang paglilingkod sa iba at pagkatutong tunay na magmalasakit ay isa sa mga pinakamaiinam na paraan para makipagkaibigan. Ipagdasal na malaman kung ano ang magagawa mo para maipadama sa iba na sila ay tanggap at minamahal, gaano man sila katagal na sa ward.

  3. Magpraktis na magpakita ng pagmamahal. Ang paglikha ng isang komunidad na nadarama ng iba na sila ay kabilang ay pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo na sinisikap nating taglayin. Ngunit hindi tayo pare-parehong pinagkalooban ng mga kasanayan o ng predisposisyon ng pagiging matagumpay. Kung ang pagtulong sa iba ay hindi likas na dumarating sa iyo, humanap ng mga paraan para hindi ka gaanong matakot na kaibiganin ang iba, tulad ng pag-anyaya sa ikatlong kaibigan na sumali sa mga pag-uusap ninyo o sa mga pamamasyal o pag-anyaya sa kanila sa mga aktibidad na pinupuntahan mo na.

Kung Ikaw ay Isang Lider ng Ward

  1. Bumati sa may pintuan. Tumayo malapit sa mga pintuan ng chapel (o ipagawa ito sa iba pang mga miyembro ng ward) para batiin ang mga taong kasasapi o kalilipat kamakailan. Kilalanin sila at hingin ang kanilang contact information; maaari mo ring hilingin sa kanila na magpakuha ng retratong maibabahagi mo sa iba pang mga lider ng ward. Kung madalas magkaroon ng maraming bagong move-in sa inyong ward, isiping lumikha ng makukulay na bag na may impormasyon tungkol sa ward at ng isang makakain na ibibigay sa sinumang baguhan. Anyayahan ang lahat ng miyembro ng ward na bantayan ang makukulay na bag na iyon at magsikap pang batiin ang sinumang mayhawak nito.

  2. Gawin itong isang pagsisikap ng ward. Isiping gawing mithiin ng ward ang pakikipagkaibigan at pagsasali. Sama-samang pag-usapan sa mga miting ng korum at klase kung paano maipadarama sa iba na may kaibigan sila. Magsama ng paminsan-minsang paalala sa mga komunikasyon sa ward o sa mga bulletin board.