2021
Pagdarasal na Makahanap ng Paraan para Matagpuan Ko ang mga Talaan tungkol sa Aking Pamilya
Oktubre 2021


Digital Lamang

Pagdarasal na Makahanap ng Paraan para Matagpuan Ko ang mga Talaan tungkol sa Aking Pamilya

Ang awtor ay naninirahan sa Virginia, USA.

Tinulungan ako ng kaibigan kong parang anghel na si Shirley na matagpuan ang mga aklat tungkol sa kasaysayan ng pamilya ng aking mga ninuno.

taong nakatingin sa mga talaan ng pamilya

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Maraming taon na ang nakararaan, nadama ko na kailangan kong kausapin ang lolo ko tungkol sa family history namin. Nang bisitahin ko si Lolo, mahina na siya at payat. Hiniling ng tita ko na huwag ko siyang abalahin, kaya hindi ko siya tinanong tungkol sa family history namin. Makalipas ang ilang buwan, nag-asawa ako at lumipat mula Taiwan patungong Estados Unidos. Nanghinayang ako na hindi na ako nagkaroon ng ibang pagkakataong makausap si Lolo bago siya pumanaw. Tinanong ko ang iba pang mga kapamilya tungkol sa aming genealogy, pero walang makatulong sa akin. Nalungkot ako at nadismaya sa sarili ko na naghintay ako ng matagal para malaman ang tungkol kay Lolo at sa pagbalewala sa mga pahiwatig ng Espiritu na kausapin siya tungkol sa kasaysayan ng kanyang buhay.

Isang araw habang binabasa ko ang aking patriarchal blessing, humanga ako sa isang talatang naglalarawan kung paano ako makakatulong na magsagawa ng isang kagila-gilalas na gawain para sa yumao kong mga ninuno at sa iba pang nabubuhay. Naisip ko, “Paano ito mangyayari kung hindi ko alam kung saan magsisimula?” Kalauna’y nabasa ko sa Doktrina at mga Tipan 82:8, 10:

“Ibinibigay ko sa inyo ang isang bagong kautusan, upang inyong maunawaan ang aking kalooban hinggil sa inyo; …

“Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako.”

Nadama ko na hinihikayat ako ng Panginoon, at ipinagdasal ko na makahanap ng paraan para matagpuan ko ang mga talaan tungkol sa kasaysayan ng aking pamilya.

Makalipas ang ilang buwan habang nasa Shanghai, China, nakilala ko si Shirley Wu, na bumisita mula sa Taiwan. Hindi nagtagal ay naging mabuti kaming magkaibigan. Nang malaman niya na hinahanap ko ang genealogy ng aking pamilya, hinikayat niya akong huwag sumuko. Iminungkahi niya na bilang panimulang lugar, dapat akong magpunta sa lokal na household records department sa Taiwan para humiling ng mga lumang address. “Baka sakaling may mangyari,” sabi niya.

Lumipad ako papuntang Taiwan, na umaasang matagpuan ang talaan ng bahay ng aking lolo-sa-tuhod, pero sa kasamaang-palad, wala na iyon. Hindi ko rin alam kung saan siya ipinanganak o ang pangalan ng aking ninuno na unang dumating sa Taiwan. Sa kabila ng problemang ito, sinabi sa akin ni Shirley na huwag mag-alala. “Manampalataya ka lang,” sabi niya. “Tutulungan tayo ng Diyos, at tutulong din ang mga ninuno mo sa kabilang panig ng tabing.” Makalipas ang ilang araw, bumalik ako sa Shanghai, na umaasa at ipinagdarasal na magkaroon ng himala.

Isang Linggo ng hapon, nagpadala sa akin si Shirley ng isang larawan ng ilang talaan ng genealogy. Tinanong niya ako kung pamilyar sa akin ang anuman sa mga pangalan.

Nagulat ako. Nasa pahinang iyon ang mga pangalan ng aking mga ninuno! Nang itanong ko kung paano niya natagpuan ang mga iyon, ikinuwento niya sa akin ang sumusunod na himala:

Ilang linggo na akong nag-iisip tungkol sa genealogy mo, at nadama ko na dapat kong puntahan ang address ng bahay ng iyong lolo-sa-tuhod para tingnan ang lugar.

Pagkaraan ng dalawang oras sa mabilis na tren, sumakay ako ng bus papuntang lunsod ng Chi Kan, isang lugar na hindi ko pa napuntahan noon. Nakatulog ako, at sa huling istasyon ay ginising ako ng drayber. Bumaba ako, tumingin sa paligid, at nakita ko na nasa isang nayon ako ng mga mangingisda. Humingi ako ng direksyon sa isang bata pang may-ari ng tindahan sa kabila ng kalye. Itinawag niya ako ng taksi at tinuruan ang drayber papunta sa isang lugar kung saan nakatira ang isang matandang lalaki. Nang dumating ako at nagtanong sa lalaking iyon kung saan ko matatagpuan ang talaan ng genealogy sa bayan, sinabihan niya akong maglakad nang ilang kanto papunta sa templo sa tabing-dagat.

Sa templo, nakita ko ang isang grupo ng kalalakihan na umiinom ng tsaa at nag-uusap. Sabi nila nagsisimula pa lang sila ng taunang pulong ng genealogy ng pamilya Liu Shi para paghandaan ang isang malaking kumperensya sa Oktubre. Ipinaliwanag ko na naroon ako para hanapin ang pangalan ng mga kapamilya ng kaibigan ko.

“Karaniwa’y walang tao sa templong ito,” sabi nila. “Nakakandado ang pinto maliban sa dalawa hanggang tatlong oras na nagdaraos kami ng taunang miting. Napakapalad mong makipagkita sa amin dito.”

Nang sabihin ko sa mga lalaki na hinahanap ko ang pangalang Liu Bei, sinabi nila sa akin na matagal na nilang kinokolekta ang genealogy ng pamilya Liu at hindi nila maalala ang pangalang iyon. Magiliw na inalok ng isa sa mga lalaki ang mga talaan ng genealogy niya para tingnan ko. Itinuloy nila ang kanilang miting habang sinasaliksik ko ang mga talaan. Pagkaraan ng mga 10–15 minuto, sumigaw ako, “Nakita ko na!”

Gulat, tumigil sila sa pag-uusap at sinunggaban ang aklat. Ipinakita ko sa kanila ang pangalan, at sinabi nila sa akin na nanggaling iyon sa linya ng pamilya ni Mr. Liu Qiu Shan, na kasama nila sa miting noong araw na iyon. Bumili ako ng kopya ng aklat ng genealogy, na naglalaman ng mga talaan na pabalik hanggang 26 na henerasyon at 2,460 taon ng mga pangalan ng mga ninuno sa linya ng mga kamag-anakan.

Kalaunan ay isinakay ako ni Mr. Liu Qiu Shan papunta sa istasyon ng tren. Sinabi niya sa akin na kung dumating ako na mas maaga nang isang oras o kinabukasan, wala sana akong nakitang sinuman o anuman doon. Sabi niya, “Laging nakakandado ang lugar na ito. Pinagpala ka siguro ng mga ninuno. Isang himala talaga ito.”

Si Shirley ang anghel ko. Puspos siya ng pagmamahal ni Cristo at laging sabik na tumulong sa paggawa ng gawain ng Diyos. Isa siyang malaking halimbawa ng paglilingkod sa iba. Ang kahandaan niyang maglingkod ay nakapaghatid ng malalaking pagpapala at isang himala sa daan-daang kaluluwa. Pinatototohanan ko na may mga anghel sa ating paligid, pero kailangan nating hangaring gawin ang utos ng Panginoon upang matanggap ang kanilang tulong. Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Maniwala sa inyong sarili. Maniwala sa kakayahan ninyong gawin ang malalaki at mabubuting bagay. Maniwala na walang bundok na napakataas na hindi ninyo kayang akyatin. Maniwala na walang bagyo na napakalakas na hindi ninyo kayang malampasan.”1 Kapag hinangad natin ang patnubay ng Panginoon, makikita natin ang Kanyang kamay at ang mga anghel sa ating buhay, at magagawa natin ang ipinagagawa Niya sa atin.

Tala

  1. Discourses of President Gordon B. Hinckley, Volume 2: 2000–2004 (2005), 452.