2021
Mga Anghel sa Templo
Oktubre 2021


Mga Anghel sa Templo

Nag-alala ako na baka makagambala ang pagkanerbiyoso ko sa mga iba pang nasa templo—hanggang sa marinig ko ang nakapapanatag na mga salita ng isang mag-asawa.

Washington D.C. Temple

Larawan ng Washington D.C. Temple na kuha ni Candace Read

Ang templo ang pinakapayapa at tahimik na lugar sa mundo, hindi ba? Hindi siguro para sa isang taong katulad ko na may Tourette’s syndrome. Dahil sa kondisyong ito sa utak, hindi ko mapigilang gumalaw at mag-ingay. Ang Tourette’s ko ay nakakaasiwa sa mga tao kapag malapit ako sa kanila sa isang tahimik na lugar.

Isang araw sa isang endowment session sa Washington D.C. Temple, nag-alala ako na baka maabala o magambala ko ang iba. Kailangang magtuon ako nang husto para mapigilan ko ang mga pagkislot ko, na humahadlang sa akin na magtuon sa iba pang bagay. Kaya, nang subukan kong magtuon sa endowment, naging imposible para sa akin na ganap na pigilan ang mga pagkislot ko, bagama’t ginawa ko ang lahat ng kaya ko. Mas nahirapan ako kaysa dati sa oras ng sesyon.

Pagkatapos, nang palabas na ako ng silid-selestiyal, nakarinig ako ng nakapapanatag na tinig sa likuran ko na nagsabing, “Bumalik ka. Pumunta ka palagi sa templo.”

Ang tinig ay nagmula sa isang mag-asawa na nakakita sa paghihirap ko. Gusto nilang tiyakin sa akin na palagi akong malugod na tatanggapin sa templo anumang pag-iingay o paggalaw ang ginawa ko. Ipinadama sa akin ng kanilang mga salita na tanggap ako at kailangan doon tulad ng iba.

Nang yakapin nila ako, pinagpala ako ng Espiritu Santo ng kapayapaan at kagalakan. Pinadalhan ako ng Diyos ng magiliw na awa sa anyo ng dalawang anghel na iyon, na nagpanatag sa akin at ipinakita na nagmamalasakit Siya sa akin. Dahil sa kanila, nagkaroon ako ng payapa, panatag, at tahimik na damdamin na inasam kong madama sa templo noong araw na iyon.

“Hindi lahat ng anghel ay mula sa kabila ng [tabing],” sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ilan sa kanila ay na[ka]kasama natin sa paglakad at na[ka]kausap—dito, ngayon, at araw-araw.”1

Lahat tayo ay maaaring maging mga anghel sa mga taong nakapaligid sa atin kapag nagpaparating tayo ng “pagmamahal at pag-aalala sa [mga anak ng Diyos].”2

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng mga Anghel,” Liahona, Nob. 2008, 30.

  2. Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng mga Anghel,” 29.