2021
Paano Ako Naging Isang Taong Mapagmahal sa Templo
Oktubre 2021


Paano Ako Naging Isang Taong Mapagmahal sa Templo

Nangako akong dadalo sa templo tuwing Biyernes, pero isang umaga ay sinubok ng ilang pulgada ng niyebe ang pangakong iyon.

calendar with days circled

Larawang kuha mula sa Getty Images

Nag-aaral ako sa Brigham Young University noong 1994 nang payuhan ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na maging “mga taong paladalo at mapagmahal sa templo.” Sabi niya, “Magmadali tayo sa pagpunta sa templo nang madalas hangga’t makakaya ng ating panahon at salapi at personal na mga kalagayan.”1

Noong panahong iyon, nakatira ako sa isang apartment na 15-minutong paglalakad lamang ang layo mula sa Provo Utah Temple. Wala akong kotse, pero alam ko na wala akong dahilan para hindi dumalo sa templo nang regular. Nagpasiya akong gawin iyong prayoridad.

Inayos ko ang iskedyul ng klase ko para libre ako tuwing Biyernes. Pagkatapos ay nangako akong gawin iyong araw ng pagpunta ko sa templo. Tuwing Biyernes noong semestreng iyon, umulan man o umaraw, naglakad ako papunta sa templo nang alas-7:30 n.u. para mabinyagan para sa mga patay. Kung may malaking sulatin o proyektong kailangang isumite, nagpupunta muna ako sa templo at pagkatapos ay inilalaan ko ang natitirang oras ng araw ko sa mga gawain sa paaralan.

Isang umaga ng taglamig, nagising ako na ilang pulgada na ang taas ng niyebe. Dahil tubong gitnang California ako, hindi ako sanay sa niyebe at takot akong lumakad paakyat sa templo. Pero sa halip na mangatwiran at manatili sa bahay, nagsuot ako ng makapal na bota, binitbit ko ang sapatos kong pangsimba, at nagsimula akong maglakad papunta sa templo.

Pagdating ko, binati ako ng isang pamilyar na temple worker na nasiyahang makita na nakarating ako sa kabila ng makulimlim na panahon. Nang makapasok ako sa loob, nakadama ako ng saya na may kahalong pasasalamat. Napagtanto ko, tulad ng hiniling ng propeta, na ako ay naging isang taong “paladalo at mapagmahal sa templo.”

Sa mga taon magmula noon, ilang beses nang nagbago ang aking oras, kabuhayan, at sitwasyon, gayundin ang distansya ko sa templo. Ngunit sa bawat pagbabago, naiayos ko ang iskedyul ko para patuloy kong magawang prayoridad sa buhay ko ang pagdalo sa templo.

Nang magawa ko ito, dumating sa buhay ko ang mga pagpapala ng templo, tulad ng ipinangako ni Pangulong Hunter.

Tala

  1. Howard W. Hunter, “The Great Symbol of Our Membership,” Liahona, Okt. 1994, 5.