2021
Pinagpapala ng Gawain sa Templo ang Lahat, Buhay at Patay
Oktubre 2021


Pinagpapala ng Gawain sa Templo ang Lahat, Buhay at Patay

Ang awtor ay naninirahan sa Gauteng, South Africa.

Noong 2018, minithi kong tumanggap ng temple recommend. Makalipas ang isang taon, nabuklod kami ng nobya ko sa templo para sa buong kawalang-hanggan.

Johannesburg South Africa Temple

Johannesburg South Africa Temple

Kaliwa: larawang kuha ni Fernando Bragança

Nang ibalita ang mga pagbisita sa templo para sa branch namin, dumalo ako. Kahit hindi pa ako makakapasok sa templo, madalas akong maglakad-lakad sa bakuran ng templo. Ipinagdasal ko sa Ama sa Langit ang pinakamarubdob kong mga haranging makapasok sa templo balang araw. Ang ilan sa mga pagbisitang ito ay 10 minuto lang, pero matindi ang naging epekto nito sa aking espiritu.

Isang napakalamig at maulang gabi, dumating ako sa templo na gabing-gabi na. Bagama’t sarado ang bakuran, pinayagan ako ng temple security na mamalagi nang ilang sandali sa bakuran. Dala ko ang isang kopya ng panalangin sa paglalaan ng templo. May nagbunsod sa akin na basahin ito.

Napuspos ako ng emosyon nang mabasa ko ang sumusunod na mga salita: “Nawa’y bulungan Ninyo ng kapayapaan ang Inyong mga tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Inyong Espiritu kapag pumaparito sila na may bigat sa puso upang humiling ng patnubay sa kanilang mga kalituhan. Nawa’y aliwin at alalayan Ninyo sila kapag pumaparito sila sa mga panahon ng kalungkutan. Nawa’y bigyan Ninyo sila ng lakas ng loob, patnubay, at pananampalataya, kapag sila ay nagtitipon, tulad sa isang kanlungan, mula sa kaguluhan ng mundo. Nawa’y muli Ninyong tiyakin sa kanila ang Inyong katotohanan at kabanalan, at ang katotohanan at kabanalan ng Inyong nabuhay na mag-uling Anak.”1

Nalaman ko noon na ang mga pagbisita ko sa bakuran ng templo ay may halaga sa Panginoon, kahit wala ako sa loob ng templo.

Ang Mithiin Kong Dumalo

Ang hangarin kong makadalo sa templo ay nagsimula isang umaga ng Disyembre 2018. Nakaupo ako noon sa kama at nagbabasa ng isang mensahe ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1999. Nagsalita siya tungkol sa kahalagahan ng pagiging karapat-dapat na pumasok sa templo. Sabi niya, ang templo “ay isang lugar ng kapayapaan, katahimikan, at inspirasyon. Ang regular na pagdalo ay pagyayamanin ang inyong buhay nang may higit na dakilang layunin.” Nagpatuloy siya sa pagdaragdag ng napakagandang pahayag na ito: “Magpunta sa templo. Alam ninyo na ito ang tamang gawin. Gawin ito ngayon din.”2

Minarkahan ko ang talatang ito, tiningnan ko ang aking 2019 stake calendar, at napansin ko na nakaiskedyul ang branch namin na bumisita sa Johannesburg South Africa Temple tuwing ikalawang Biyernes ng buwan. Minithi kong makapunta sa bakuran ng templo kahit minsan sa isang buwan kasama ang branch namin o ako lang mag-isa, kahit wala pa akong temple recommend.

Karapat-dapat na Pumasok

Noong mga unang araw ng Enero, kinausap ko ang aking branch president tungkol sa pagtanggap ng recommend at pagpasok kalaunan sa templo. Sabik na akong makamit ang mithiing ito.

Noong Agosto, nakakuha ako ng limited-use recommend at nabisita ko ang bautismuhan kasama ang mga kabataan ng branch namin. Nabinyagan ako para sa dalawang tito ko at lolo sa ina. Sinimulan ko ring dumalo sa temple preparation class sa pag-asang matanggap ang aking endowment. Hangga’t wala pa, patuloy akong bumisita sa templo at lumahok sa mga pagbibinyag.

Sa wakas, noong Nobyembre 2, 2019, pumasok kami ng nobya ko sa templo, at lumabas kami bilang mag-asawa, na ibinuklod na magsasama sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Hindi maipaliwanag ang espirituwal na damdaming namayani sa dakilang okasyong ito. Patuloy kaming dumalong mag-asawa sa templo. Nagkaroon kami ng maraming mahalaga at sagradong karanasan hanggang sa isara ang mga templo sa buong mundo noong 2020 dahil sa COVID-19.

Sister and Brother Mncwabe on the day of their sealing, with family members

Sina Sister at Brother Mncwabe (gitna) sa araw ng kanilang pagbubuklod, kasama ang mga miyembro ng pamilya.

Itaas: larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Mncwabe

Ang Templo ay para sa Lahat

Ang kapatid na babae ng aking ina ay hindi miyembro ng Simbahan, pero nagpunta siya sa templo para sa aming pagbubuklod. Pagkatapos, ibinahagi niya ang naging karanasan niya matapos bumisita sa bakuran ng templo. Nanaginip siya na nasa templo siyang muli para sa aming pagbubuklod, pero sa pagkakataong ito ay kasama namin ang lahat ng miyembro ng aking pamilya (kabilang na ang mga nagawan ko ng binyag). “Naroon din ang nanay mo,” wika niya, “pero panay ang sabi niyang, ‘Hindi ko makita ang anak ko. Bakit hindi ko makita ang anak ko?’”

Napaiyak ako nang marinig ko ito, at alam ko kung bakit hindi ako makita ng nanay ko. Namatay siya noong 2002, at matagal kong naipagpaliban ang pagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanya sa templo. Nagpasiya akong gawin ito sa lalong madaling panahon. Hindi nagtagal nagkaroon ako ng pribilehiyong isagawa ang kanyang binyag at sabihin ang kanyang buong pangalan nang binyagan ko ang dalagitang nag-proxy para sa nanay ko.

Malakas ang aking patotoo na ang templo ay ang bahay ng Diyos. Maa-access natin ang Kanyang kapangyarihan kapag naroon tayo. Alam ko rin na ang templo ay naghahandog ng mga pagpapala sa lahat ng anak ng Diyos, buhay o patay.

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, Johannesburg South Africa Temple dedicatory prayer, Ago. 24, 1985, ChurchofJesusChrist.org.

  2. Richard G. Scott, “Receive the Temple Blessings,” Ensign, Mayo 1999, 26–27.