2021
Ministering sa Pamamagitan ng Pagpapadama ng Pagiging Kabilang
Oktubre 2021


Mga Alituntunin ng Ministering

Ministering sa Pamamagitan ng Pagpapadama ng Pagiging Kabilang

woman giving a hug to another woman

Itaas na inset: larawang kuha ni Catherine Frost; ibabang kanan: larawang kuha ni Scott Law

Karaniwan na sa atin ang makasama sa isang grupo pero pakiramdam natin ay hindi tayo kabilang dito. Kapag nangyayari ito sa simbahan, maaaring mas mahirap ito para sa isang taong maaaring may pinagdaraanan.

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na lahat ng sumasapi sa Simbahan ay nangangailangan ng isang kaibigan.1 Ang mga ministering brother at sister ay may oportunidad na tiyakin na alam ng bawat miyembro na may kaibigan sila sa loob ng ward o branch.

Mahalaga ito lalo na para sa sinumang nakadarama na hindi siya nababagay sa “grupo.” Maaaring kabilang sa mga nakadarama na hindi sila nababagay ay ang mga bagong miyembro, bagong move-in, walang asawa, walang anak, bata pa, matanda na, di-gaanong aktibo, tahimik, o nahihirapan sa anumang paraan. Kabilang dito ang mga taong naiiba ang hitsura, pananalita, pag-iisip, pananamit, o kilos kaysa sa iba pa sa grupo. Sa madaling salita, maaaring madama ng sinuman sa atin kung minsan na parang hindi tayo kabilang.

Sabi ni Alissia, isang babaeng nahirapang umakma dahil sa kanyang lahi, “Ang pagiging naiiba ay maaaring mahirap, at mahirap ipaliwanag ang pakiramdam na ito sa isang taong hindi pa nakaranas nito.” Gayunman, wika niya, “Nadama ko na napapansin at kabilang ako sa pamamagitan ng mga simpleng pagpapakita ng kabaitan at pagtulong. Nadarama ko na kabilang ako kapag sinisikap ng mga tao na talagang kausapin ako, pag-ukulan ako ng oras, o anyayahan akong sumama sa kanila. Napakasarap sa pakiramdam kapag ipinapakita ng mga tao na gusto nilang makasama ka.”2

Mga Ideya sa Pagpapadama ng Pagiging Kabilang

Ano ang magagawa ng mga ministering sister at brother para makatulong na lumikha ng isang lugar kung saan nadarama ng iba na kabilang sila?

  1. Pakinggan sila. Nadarama natin na kabilang tayo kapag alam natin na pinakikinggan at napapansin tayo bilang tayo, sa kabila ng ating pagiging hindi perpekto. Hindi natin kailangang lutasin ang mga problema ng isang tao—sa katunayan, kadalasa’y hindi natin iyon kayang gawin. Pero maaari tayong makinig nang may habag at interes, pag-isipan ang ating narinig upang matiyak na nauunawaan natin iyon, at magtanong kung ano pa ang nasa isipan nila. Ito ay mga kakayahan sa pakikipag-ugnayan na maaari nating personal na praktisin at gawing huwaran para sa iba.

  2. Ipagdasal sila. Maaaring makadama tayo ng pahiwatig na ipagdasal sila. Maaari ding may magbunsod sa atin na magtanong kung maaari tayong magdasal na kasama sila o magtanong kung ano ang maaari nating ipagdasal para sa kanila.

  3. group of hikers

    Itaas: larawang kuha mula sa Getty Images

    Anyayahan, ipakilala, at isali. Anyayahan sila sa mga aktibidad ng ward, mga service project, mga social event, o di-pormal na mga aktibidad ng grupo. Isama ninyo sila kung maaari, ipakilala sila sa iba, at isali sila sa mga usapan sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanila ng mga bagay na masasagot nila. Tulungan ang mga bagong lipat na malaman kung sino ang iba pang mga bagong lipat, dahil maaaring naghahanap din sila ng mga kaibigan.

  4. Suriin. Tanungin sila nang tuwiran kung gaano sila nakakaugnay sa ward. Sino ang mga kaibigan nila? Sino ang maaaring maging kaibigan nila? Magtanong tungkol sa kanilang mga interes, libangan, anak, at alalahanin para maging alisto kayo sa mga oportunidad na maiugnay sila sa iba na mayroong mga bagay na kapareho nila, o maaaring nangangailangan ng kanilang mga kasanayan.

  5. Tukuyin ang mga kalakasan. Nadarama natin na kabilang tayo kapag alam natin na may maiaambag tayo. Tukuyin ang mga bagay na napapansin ninyo na nagagawa nila nang mahusay. Tanungin ang isang taong kilalang-kilala sila kung ano ang masasabi niyang mga kalakasan nila. Kung hindi nila alam, hikayatin silang magtanong. Humanap ng mga paraan kung paano mapapalakas ng kanilang mga kalakasan ang iba.

  6. Humingi ng payo sa mga lider. Kung naaangkop, ipaalam sa mga lider ng ward kung ano ang mga kalakasan at pangangailangan ng iba pang mga taong ito para alam ng mga lider ang impormasyong kailangan nila kapag humingi sila ng inspirasyon para sa makabuluhang mga assignment at calling.

  7. Palakasin sila. Tulungan silang pahalagahan ang mga kasanayang mayroon sila sa pamamagitan ng pagtatanong na katulad ng mga ito: Noong mangailangan kayo ng mga bagong kaibigan, ano ang ginawa ninyo? Kung gusto ninyong palalimin ang pakikipagkaibigan sa isang tao, ano ang gagawin ninyo? Ano na ang nasubukan ninyong gawin sa ngayon para makaugnay sa iba? Ano pa ang maaari ninyong subukang gawin?

Mga Tala

  1. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 47.

  2. Alissia H., “Mas Mainam Kapag Magkakasama Tayo” (artikulong digital lamang), Liahona, Set. 2021.