2021
Isang Napakagandang Doktrina
Oktubre 2021


Mga Unang Kababaihan ng Pagpapanumbalik

Isang Napakagandang Doktrina

Nawa’y madama nating lahat ang katuwaang nadama ni Vilate Kimball nang malaman niya na maaari siyang mabinyagan para sa kanyang mga ninuno.

woman writing a letter by candlelight

Paglalarawan ni Toni Oka

Noong Oktubre 1840, lumiham ang 34-na-taong-gulang na si Vilate Kimball sa kanyang asawang si Elder Heber C. Kimball ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Binuksan ni Pangulong [Joseph] Smith ang isang bago at napakagandang paksa … na naging dahilan upang muling magkaroon ng sigla sa simbahan,” pagsulat ni Vilate kay Heber, na naglilingkod noon sa kanyang ikalawang misyon sa Great Britain. Ang paksa ng turo ni Joseph Smith sa okasyong ito ay ang binyag para sa mga taong hindi nagkaroon ng oportunidad noong sila ay nabubuhay.

“Natanggap ni Joseph ang mas buong paliwanag tungkol dito sa pamamagitan ng Paghahayag,” pag-uulat niya. “Pribilehiyo [ng mga miyembro] ng simbahang ito na mabinyagan para sa lahat ng kanilang kamag-anak na pumanaw bago pa dumating ang Ebanghelyong ito.” Ipinagdiwang ni Vilate ang paghahayag na sa paggawa ng mga proxy baptism na ito para sa mga yumaong kapamilya, “tayo ang kumakatawan sa kanila; at binibigyan natin sila ng pribilehiyong magbangon sa unang pagkabuhay na mag-uli.”

Ang mga Kimball ay lumipat mula sa New York para makasama ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, at pagkatapos ay lumipat sa Far West, Missouri. Makalipas lamang ang isang taon, noong 1839, kinailangan nilang tumakas sa Missouri kasama ang libu-libong iba pang mga Banal sa mga Huling Araw upang takasan ang pag-uusig sa mga kamay ng mararahas na mandurumog. Nanirahan sila sa Nauvoo, daan-daang milya ang layo mula sa pinagsimulan ng kanilang paglalakbay.

Bagama’t naging mahirap ang sitwasyon nang dumating sila sa Nauvoo, punung-puno ng tuwa ang liham ni Vilate sa kanyang asawa noong Oktubre 1840. “Gusto kong mabinyagan para kay Inay,” bulalas niya. “Pinili kong maghintay hanggang sa makauwi ka, pero noong huling magsalita si Joseph tungkol sa paksa, pinayuhan niya ang bawat isa na kumilos at aktibong lumahok, at palayain ang kanilang mga kaibigan mula sa pagkaalipin sa lalong madaling panahon. … Kaya makikita mong may pag-asa para sa lahat. Hindi ba napakagandang doktrina nito?”

Si Vilate ay isa sa mga unang babaeng nabinyagan para sa mga patay sa Nauvoo.