Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya
Nanalig Ako na Gagabayan ng Diyos ang Kanyang Propeta
Natanto ko na dahil matagal na nating sinasabing “mga Mormon” at “LDS,” hindi napansin ng mga tao ang buong pangalan ng Simbahan.
Nang bumisita kaming magkompanyon sa isang bagong binyag na miyembro, dumating ang isang kaibigan niyang pastor. “Ah, mga LDS missionary!” sabi nito. Natuwa kami na kilala niya kami, at nakita namin na interesado siya. Nang batiin namin siya, nadama ko na kailangan naming ipakilala nang wasto ang aming sarili.
“Mga missionary kami ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi namin sa kanya.
“Oo,” sagot niya. “Mga Mormon, o LDS.”
Hindi iyon naging maganda sa pandinig ko. Sinabi ko sa kanya na tinatawag kami ng mga tao na Mormon dahil sa Aklat ni Mormon.
“Hindi,” sabi nito. “Pati mga miyembro ninyo, tinatawag ang sarili nila sa pangalang iyon.”
Sinubukan namin ang lahat para maipaunawa sa kanya ang tunay na pangalan ng Simbahan, at nagpatotoo kami tungkol sa katotohanan ng Simbahan. Inanyayahan din namin ang bagong binyag na miyembro na magpatotoo.
Ipinaalala sa akin ng pangyayaring ito ang kahalagahan ng paggamit ng tunay na pangalan ng Simbahan. Hindi ko alam na nakakaligtaan ko ang pangalan ng Tagapagligtas nang paikliin ko ang pangalan ng Kanyang Simbahan. Ngayo’y unti-unti ko nang mas nauunawaan ang ilang talata sa banal na kasulatan na nabasa ko nang maraming beses. Naipaunawa sa akin ng mga talata sa 3 Nephi ang matinding pangangailangan na huwag baguhin ang pangalan ng Simbahan ng Panginoon kung talagang gusto kong taglayin sa aking sarili ang Kanyang pangalan:
“Hindi ba nila nabasa ang mga banal na kasulatan, na nagsasabing inyong taglayin ang pangalan ni Cristo, na aking pangalan? Sapagkat sa pangalang ito kayo tatawagin sa huling araw. …
“Kaya nga, anuman ang inyong gagawin, gawin ninyo ito sa aking pangalan; kaya nga tatawagin ninyo ang simbahan sa aking pangalan; at kayo ay mananawagan sa Ama sa aking pangalan upang kanyang pagpalain ang simbahan alang-alang sa akin” (3 Nephi 27:5, 7).
Kalaunan, habang sinisikap kong makasakay papunta sa chapel, ginamit ko ang buong pangalan ng Simbahan para ituro sa drayber kung saan kami pupunta. Iningatan kong huwag kaligtaan ang “Jesucristo.”
Nagulat ako nang sabihin sa amin ng drayber na hindi niya alam ang lugar. Nang tanungin ng kompanyon ko ang lalaki kung narinig niya ang tungkol sa Simbahang LDS, sabi niya, “Oo.”
Dahil matagal na nating sinasabing “mga Mormon” at “LDS,” hindi napansin ng mga tao ang buong pangalan ng Simbahan. Nagpasiya akong ipagdasal na matanto nating mga miyembro ng Simbahan ang ating pagkakamali. Habang iniisip ito, naalala ko ang propeta. Naunawaan ko na ang propeta lamang ang makapagsasalita para sa Panginoon sa buong mundo, kaya kung may pagbabagong mangyayari, kailangang magmula ito sa kanya.
Pero naisip ko sa sarili ko, “Paano ba naging posible ito? Kahit ang website ng Simbahan ay pinaikli na ‘LDS.org.’ Paano ito mababago?”
Sa aming mga panalangin, masigasig kaming nagsumamo sa Ama sa Langit na bigyang-inspirasyon ang Kanyang lingkod, ang propeta, na gabayan tayo sa mahalagang bagay na ito. Nanalig ako na talagang inihahayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang propeta.
Nakaiskedyul akong ma-release mula sa Nigeria Benin City Mission noong Setyembre 2018. Pero nagbago ang petsa ng release ko at naging Oktubre—ang Oktubre ding iyon na ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang mahalagang mensahe sa pandaigdigang Simbahan:
“Halos sa buong mundo, ang Simbahan ng Panginoon ay kasalukuyang tinatawag na ‘Simbahan ni Mormon.’ Ngunit alam natin bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon kung sino ang namumuno rito: si Jesucristo mismo. …
“… Maaaring sumunod o hindi sumunod ang buong mundo na tawagin tayo sa tamang pangalan. Ngunit hindi matapat ang mainis tayo kung tinatawag ng halos buong mundo ang Simbahan at mga miyembro nito sa mga maling pangalan kung gayon din ang ginagawa natin.”1
Hindi mo maiisip kung gaano ako kagulat at kasaya! Napakalinaw ng mensahe ni Pangulong Nelson, at nadama ko na nasagot ang aming mga dalangin. Labis-labis ang pasasalamat ko.
Ang karanasang ito ay nakadagdag sa aking patotoo na sinasagot ang mga dalangin at na binibigyang-inspirasyon nga ng Ama sa Langit ang Kanyang mga propeta. Na ito ang Simbahan ng Panginoon, at na alam Niya kung ano ang gagawin sa Kanyang Simbahan. Kahit ang website ng Simbahan, na inakala kong imposibleng baguhin, ay ginawang ChurchofJesusChrist.org.
Alam ko na si Pangulong Nelson ay tinawag ng Diyos. Alam ko rin na hindi pinangalanan ni Propetang Joseph Smith ang Simbahang ipinanumbalik sa pamamagitan niya. Kahit ni Mormon. Ang Tagapagligtas mismo ang nagsabing, “Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (Doktrina at mga Tipan 115:4).