Digital Lamang
Turuan ang Inyong mga Anak na Mahalin ang Templo
Matuturuan ninyo ang inyong mga anak na maghanda para sa templo kahit bata pa sila.
Sa kanyang unang mensahe sa publiko bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagsalita sa atin si Pangulong Russell M. Nelson mula sa Salt Lake Temple annex, kasama ang lahat ng Apostol. Ang lokasyong ito ay mahalaga—isang simbolo na “magsimula na nasa isipan kung paano makakamtan ang mithiin,”1 isang pagtutuon sa landas ng tipan at sa gawain ng Diyos na dakilain ang mga pamilya.
“Ngayon, sa bawat miyembro ng Simbahan,” sabi niya, “manatili sa landas ng tipan. Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.”2
Nagpatuloy siya sa pagsasabi na, “Ang mga ordenansa ng templo at mga tipang ginagawa ninyo ang susi sa pagpapalakas ng inyong buhay, pagsasama ninyong mag-asawa at pamilya, at ng kakayahan ninyong labanan ang mga pagsalakay ng kaaway.”3
Sa pamamagitan ng mga templo, maaaring magkaisa ang buong pamilya ng tao. Kapwa bata at matanda, kapwa mga buhay at mga patay. Ang lahat ay mapagpapala ng kapangyarihan ng templo.
Ang pagtulong sa ating mga anak na maghanda para sa templo ay maaaring maging isang natural at normal na bahagi ng ating buhay. Kapag mahalaga sa atin ang templo at ang mga pagpapala nito, ang ating mga kilos at ating mga salita ay magtuturo sa ating mga anak na mahalin din ang templo. Kapag nauunawaan ng mga bata ang kahalagahan ng paggawa ng mga tipan sa Diyos, malamang na mag-ibayo ang hangarin nilang maghanda para sa mga tipang iyon.
Narito ang ilang simpleng ideya para matulungan ang ating mga anak na matutuhang mahalin ang templo habang naghahanda silang gumawa at tumupad ng mga tipan doon.
Para sa mga 3–7-taong-gulang:
-
Magdispley ng isang larawan ng templo sa inyong tahanan.
-
Mag-usap-usap kayo tungkol sa templo.
-
Kung maaari, bisitahin ang bakuran ng templo, hipuin ang templo, o tingnan ang mga larawan ng templo online.
-
Magdrowing o bumuo ng isang modelo ng inyong templo gamit ang mga materyal na madaling makuha tulad ng mga bato at putik, luwad, play dough, o blocks. Kalaunan, gawin itong muli para sa ibang templo.
-
Sumali sa mga aktibidad ng pamilya na nasa FamilySearch.org/discovery.
-
Isadula ang makabuluhang mga kuwento tungkol sa pamilya o gumawa ng tradisyonal na mga resipe ng pamilya. Ipaliwanag ang kahalagahan ng pag-alam tungkol sa ating mga ninuno.
Para sa mga 8–11-taong-gulang:
-
Bilang isang pamilya, regular na basahin at talakayin ang mga tanong sa interbyu para sa temple recommend. Hikayatin ang inyong mga anak na maging karapat-dapat sa recommend kahit kailan pa sila makadalo sa templo.
-
Magturo tungkol sa kapangyarihan, proteksyon, at kahalagahan ng pagtupad ng mga tipan at pangako.4
-
Sama-samang rebyuhin ang impormasyon at mga video sa temples.ChurchofJesusChrist.org, tulad ng virtual tour ng Rome Italy Temple.
-
Magbahagi ng personal na mga karanasan sa templo o ng mga kuwento mula sa mga kapamilya, kabilang na ang mga kamag-anakan.
-
Kapag nag-10 o 11 taong gulang ang inyong anak, gumawa ng simpleng kalendaryo para bilangin ang mga araw, linggo, o buwan hanggang sa makapasok sila sa templo.
-
Sama-samang talakayin ang kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa Tagapagligtas na nasa templo sa edad na 12 (tingnan sa Lucas 2:42–51).
-
Gumawa ng plano na paghandaan ang unang pagbisita ng inyong anak sa templo. Hangga’t maaari, gawin itong isang aktibidad ng pamilya. Para matulungan ang inyong anak na maging mas komportable, pag-usapan din ang praktikal na mga aspeto ng mga binyag at kumpirmasyon sa templo, tulad ng kung ano ang isusuot papunta at sa loob ng templo, saan sila papasok sa bautismuhan, sino ang tutulong sa kanila, paano isinasagawa ang mga binyag at kumpirmasyon, at ang pagkakasunud-sunod ng mangyayari sa loob.
-
Matutong gumawa ng family history at maghanda ng mga pangalan ng kapamilya na dadalhin sa templo.
Mga Pagpapala ng Gawain sa Templo at Family History
Marami nang propeta at apostol ang nagsalita tungkol sa kahalagahan ng gawain sa templo at family history at sa mga pagpapalang maihahatid nito kapag nakibahagi tayo sa gawaing ito, kabilang na ang pagpapalakas sa ating mga anak at pamilya. Halimbawa, nagsalita si Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa nag-ibayong pang-unawa tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, impluwensya ng Espiritu Santo para madama natin ang lakas at patnubay, pananampalataya, kagalakan, mga pagpapala sa pamilya, pagmamahal at pagpapahalaga, kapangyarihang makahiwatig, at proteksyon mula sa kaaway.5 Matutulungan natin ang ating mga anak na matanggap ang mga pagpapalang ito kapag inanyayahan natin silang makibahagi sa gawain sa templo at family history na kasama natin.
Ang gawain sa templo at family history ay bahagi ng iisang gawain ng kaligtasan at kadakilaan. At malaki ang tungkuling maaaring gampanan ng gawain sa family history sa paghahanda sa templo.
Sabi ni Pangulong Nelson: “Ang bahay ng Panginoon ay isang bahay ng pagkakatuto. Doon, nagtuturo ang Panginoon sa Kanyang sariling paraan. Doon, bawat ordenansa ay nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas. Doon, natututuhan natin kung paano hawiin ang tabing at makipag-ugnayan nang mas malinaw sa langit. … Dapat [ay] nasasabik tayo na maparoon upang humanap ng kanlungan.”6
Magsimula Ngayon
Sa lahat ng edad, maghahatid ng mga pagpapala ang gawing normal at natural na bahagi ng ating buhay ang templo at family history. Mag-usap-usap tungkol sa templo habang sama-sama kayong naglalakbay. Isama ito sa pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at sa iba pang mga talakayan tungkol sa ebanghelyo sa inyong pamilya. Ituro sa inyong mga anak na maaari silang maging lalong katulad ng Tagapagligtas habang naghahanda sila para sa pagpasok sa Kanyang templo. Bawat isa sa mga bagay na ito ay tutulong sa inyong mga anak na matutong mahalin ang bahay ng Panginoon at maghandang pumasok dito.
Sabi ni Sister Joy D. Jones, dating Primary General President: “Dalangin ko araw-araw na madama ng ating mga kabataan at ng kanilang pamilya ang pagmamahal ng Tagapagligtas at makilala at sundin ang Kanyang Espiritu. Alam ko na aakayin Niya sila patungo sa Kanyang banal na templo at sa mga pagpapala ng kawalang-hanggan na matatagpuan sa pagtanggap ng mga ordenansa at paggawa ng mga tipan sa ating Ama sa Langit.”7
Matuturuan ninyo ang inyong mga anak tungkol sa templo kahit bata pa sila.
Kapag nag-ukol tayo ng oras na ibahagi ang ating mga karanasan sa ating mga anak, pag-usapan ang kapangyarihan at proteksyong nagmumula sa pagtupad ng mga tipan, ituro sa kanila ang kahalagahan ng templo, patotohanan kung ano ang nadarama natin sa loob ng mga pader nito, at magkuwento tungkol sa ating mga ninuno, mahihikayat natin silang mahalin ang templo habang bata pa sila. Kapag tinuruan ninyo ang inyong mga anak na mahalin ang templo at maghanda para rito, maibibigay ninyo sa kanila ang isa sa pinakadakilang mga kaloob na kaya ninyong ibigay—isang kaalaman na ang mga pamilya ay walang-hanggan at isang hangarin na gumawa at tumupad ng mga tipan na magbubuklod sa kanilang pamilya para sa kawalang-hanggan.