Magiging Kabilang Kaya Ako?
Habang kumakanta ako sa wika na iba sa lahat, pakiramdam ko ay isa akong tagalabas.
Noong Enero 2009, lumipad kaming mag-asawa patungong Germany. Tumanggap siya ng trabaho roon, at isang linggo kaming namalagi sa Berlin para maghandang ilipat ang aming pamilya.
Agad kong nadama ang mga pagkakaiba ng Germany at ng Estados Unidos. Nang gabing iyon, hindi ako naglakas-loob na lumabas ng hotel namin.
Pero kinaumagahan, Linggo, nagtipon ako ng lakas ng loob na dumalo sa sacrament meeting. Pagpasok namin sa chapel, napansin ng isang mabait na lalaki na mga Amerikano kami at binigyan kami ng himnaryong Ingles. Nang maupo ako sa likuran at kumanta gamit ang mga salita na iba sa lahat, pakiramdam ko ay isang akong tagalabas.
Nag-alok ang ward ng pagsasalin sa Ingles at binigyan kami ng mga headphone. Sa kalagitnaan ng pulong, gusto ko nang tanggalin ang [headphone ko] at magbalik sa ward ko sa Amerika. Pero nang kantahin ko ang ikalawang talata ng “Saligang Kaytibay,” inantig ng Espiritu Santo ang puso ko.
Sa ibayong dagat man o sa ’ting tahanan,
Sa t’wing may pangangailangan, … ayon sa pangangailangan ang s’yang laan.1
Pakiramdam ko isang mensahe ang himno mula sa Panginoon. Umagos ang mga luha sa aking mga pisngi nang magmadali akong lumabas ng foyer, kung saan binigyan ako ng isang lalaking maaamo ang mata ng kanyang maaasahang pakete ng tissue. (Walang sinuman sa ward ang wala nito.)
Tatalon tayo ng tatlo’t kalahating taon pagkatapos nito. Sa chapel ding iyon isang Linggo ng umaga ng Hunyo, nagsimulang tumugtog ng isang himno ang organista. Binuksan ko ang aking himnaryong German at nagsimula akong kumanta.
Noon ako muling pinuspos ng Espiritu Santo. Muli kong kinakanta noon ang “Saligang Kaytibay,” pero iba na ang lahat.
Tumingin ako sa paligid. Sa halip na mga estranghero, mga kaibigan ang nakita ko. Nakaupo sa likuran ko ang dati naming stake president, na mabilis na natandaan ang mga pangalan namin. Sa upuan sa harapan, katabi ng anak kong deacon ang mga kabataang lalaking bumisita sa kanya sa ospital nang masuri siyang may diabetes. Nakaupo malapit sa kanila ang ward Young Women leader, na nagturo sa anak kong babae na magluto ng masarap na potato pancakes.
Nakaupo sa buong chapel ang mga kabataang naturuan at minahal ko sa isang English-speaking institute class, ang matatapat na visiting teacher ko, at iba pa na masayang sumali sa mga klase ng ward ballroom dance na hiniling ng bishop na turuan ko.
Pinalabo ng mga luha ang paningin ko, pero sa pagkakataong ito ay hindi ako tumakbo palabas ng chapel. Sa halip, hinalughog ko ang bag ko para sa sarili kong maaasahang pakete ng tissue.
Walang sinuman sa ward ang wala nito.