Pagtanda nang May Katapatan
“Alam Mo ba Kung Gaano Kalaki ang Pasasalamat Ko?”
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Isang gabi habang inaalagaan ko ang isang matandang sister, may natutuhan akong isang panghabambuhay na aral tungkol sa pasasalamat.
Alam ni Dorothy na malapit na siyang mamatay. Araw-araw ay may iba pang nawawala sa kanya—hindi mga bagay na nahahawakan, kundi mga kakayahan. Ang kakayahang maligong mag-isa. Ang kakayahang maghanda ng sarili niyang pagkain. Ang kakayahang maglakad papuntang banyo nang hindi natutumba. Ang kakayahang buksan ang pinto sa likod ng bahay at pulutin ang diyaryo. Ang kakayahang sumulat nang maikli sa isang mahal sa buhay.
Pero may ilang bagay naman na hindi pa nawawala sa kanya. Ang kanyang determinasyon. Ang talas ng kanyang isip. Ang kanyang pasasalamat. Dahil diyan, nakagagalak makasama si Dorothy. Tila malugod na tinatanggap ang mga panauhin sa bahay niya mula sa magkabilang panig ng tabing.
Isang gabi, ako ang panauhing ward Relief Society na nakasama niya—na dapat na tumutulong sa kanya. Bumagyo isang tagsibol, at nawalan ng kuryente nang mga alas-11:00 n.g. Natuklasan namin na nawalan ng kuryente nang subukan kong sindihan ang mga ilaw para matulungan ko siyang magpunta sa banyo. Pinindot ko ang switch, pero walang nangyari. Gayunman, nakahanda si Dorothy. May dinukot siyang maliit na flashlight mula sa bulsa ng walker niya, at kahit paano sa kakaunting liwanag na iyon ay maingat kaming nakababa sa pasilyo. Pagkatapos ng mabagal na paglakad pabalik sa kanyang upuan, ngumiti siya at sinabing, “Alam mo ba kung gaano kalaki ang pasasalamat ko?”
Nang gabi ring iyon, mga alas-12:30 n.u., may gumising sa akin. Narinig ko ang pahiwatig: “Kailangan ni Dorothy ang portable oxygen niya.” Napansin ko na tumigil ang pagbula ng regular na oxygen machine ni Dorothy. Wala pa ring kuryente. Nagmadali akong kunin ang portable oxygen niya. Isinuot ko ito sa kanya, na sinisikap na hindi siya magising. Nang ikabit ko ang mga tubo paikot sa mukha niya, dumilat siya at muling sinabing, “Alam mo ba kung gaano kalaki ang pasasalamat ko?”
Mabuti na lang, nang mag-text ako sa Relief Society president namin nang ala-1:00 n.u., sumagot siya. “Hindi nawalan ng kuryente sa bahay ko,” wika niya. “Tatawagan ko ang power company.” Ang tawag niya siguro ang nakatulong, dahil noong ala-1:30 n.u., nagdatingan ang mga trak at sinimulang ibalik ng mga lalaki ang kuryente sa bahay ni Dorothy. Nang magising siya nang alas-2:30 n.u. para muling maglakad nang mabagal papuntang banyo gamit ang flashlight, sumilip siya sa bintana ng kusina. Nakita niya ang lahat ng trabahador at sinabing, “Sana alam nila kung gaano kalaki ang pasasalamat ko.”
Umalis ang mga trabahador nang alas-5:30 ng umagang iyon, nang eksaktong maubusan ng baterya ang portable oxygen niya. Pero sumindi na ulit ang mga ilaw. Pagkatapos ng isa pang mabagal na pagpunta sa banyo, nakita namin na bumubula na ulit ang kanyang regular na oxygen machine. Tinulungan ko siyang makabalik nang maayos sa upuan niya. Bago siya pumikit, sinabi niya sa akin na may nakita siyang tatlong iba pang bisita noong nagdaang gabi—mga kapamilyang dumating para bigyan siya ng kapanatagan at kapayapaan. Pagkatapos ay ibinulong niyang muli, “Alam mo ba kung gaano kalaki ang pasasalamat ko?”
Nilisan ko ang bahay ni Dorothy nang alas-8:00 n.u. ng Sabado nang dumating ang isa pang sister mula sa ward namin para mag-alaga sa kanya. Habang nakaupo ako sa kotse ko, nagsimulang mamuo ang mga luha ko. Nakadama ako ng malaking pagmamahal kay Dorothy, ng malaking pasasalamat sa magigiliw na sandaling nagugol ko sa piling niya.
Nag-alay ako ng panalangin ng pasasalamat gamit ang kanyang mga salita na nadama ko sa puso ko: “Ama sa Langit, alam po ba Ninyo kung gaano kalaki ang pasasalamat ko?”
Bagama’t matanda na si Dorothy at nangailangan ng tulong, pinagpala ako ng kanyang simpleng halimbawa ng pasasalamat noong gabing iyon. At patuloy akong pinagpapala nito. Bagama’t pumanaw na siya, madalas kong naiisip sa sarili ko, “Alam ba ng mga tao kung gaano kalaki ang pasasalamat ko?” At tuwing naiisip ko ito, sinisikap kong ipahayag ang pasasalamat na iyon.