2021
Sulit Ito! Ang Templo ay Isang Pagpapalang Nagpapabago ng Buhay
Oktubre 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Sulit Ito! Ang Templo ay Isang Pagpapalang Nagpapabago ng Buhay

Dahil sa pandemyang COVID-19, naharap kami ng nobyo ko sa maraming oposisyon sa pagpunta sa templo, at nagsimula akong mag-isip kung talaga nga bang makakapasok kami sa loob nito.

bagong kasal na mag-asawa sa labas ng templo

Larawang kuha na ginamitan ng mga modelo

Nahirapan kaming mag-asawa na makasal sa templo—at hindi dahil sa ayaw namin! Maraming bagay ang pumigil sa amin na gawin ang sagradong tipang ito.

Ngunit sa panahong ito ng paghihirap, paglago, at pagmamahal, nagkaroon ako ng mas malakas na patotoo tungkol sa templo at sa mga pagpapalang maihahatid ng sagradong lugar na iyon sa aming buhay.

Napakaraming Problema

Naging mahirap ang mga bagay-bagay matapos kaming magkasundong pakasal. Sa maikling panahon, maraming nakalulungkot na pangyayaring humadlang sa amin para ituloy ang kasal sa templo. Kaya pagkaraan ng tila walang hanggan, sa wakas ay itinakda namin ang petsa ng aming endowment at pagbubuklod sa Mayo 2020. Halos lahat ay planado na. Dumating na rin ang panahon!

Pero tinamaan ng pandemyang COVID-19 ang mundo, at ini-lockdown ang aming bansa, ang South Africa.

Minsan pa, ipinagpaliban ang kasal namin sa templo.

Naisip ko na hindi ako makakapasok sa templo kailanman. At inisip ko kung sulit nga ba ang lahat ng pagsisikap. Ni hindi pa namin natanggap ng asawa ko ang aming endowment, at pinanghinaan ako ng loob dahil matapos paghandaan nang halos buong buhay ko na maging karapat-dapat na pumunta, hindi pa rin maayos ang lahat.

Pero naisip ko ang lahat ng itinuro ng mga propeta tungkol sa kahalagahan ng pagdalo sa templo at sa maraming pagpapalang tinatanggap natin kapag gumagawa tayo ng mga tipan sa Panginoon. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang pinakadakilang mga pakinabang ng pagiging miyembro ng Simbahan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng nagpapadakilang mga ordenansa sa templo.”1

Kaya determinado pa rin akong pumunta sa tamang panahon.

Sulit ang Paghihintay

Nang sumunod na ilang buwan, nag-ayuno kaming mag-asawa, nanalangin, at nanampalataya na mananatili kaming karapat-dapat at makakasal kami sa templo. At himala na noong Setyembre 2020, nabuksan nang may mga limitasyon ang Johannesburg South Africa Temple na naging daan sa aming mag-asawa na matanggap ang aming endowment.

Hindi maipahayag sa mga salita kung gaano ko nadama na mas napalapit ako sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas sa loob ng mga pader ng templo. Iyon ay isang espirituwal na sandali na hinding-hindi ko malilimutan. At naging sulit ang paghihintay.

Hindi nagtagal, nabuklod kaming mag-asawa sa wakas para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan sa bahay ng Panginoon.

Napakasagrado ng araw ng aming pagbubuklod. Kami lamang ang mag-asawa sa templo noon, na gumagawa ng walang-hanggang tipang iyon sa isa’t isa at sa Panginoon. Napakasaya ko. Nadama ko na parang katabi naming dalawa sa upuan ang Tagapagligtas, na nagsasabing, “Nalulugod ako sa inyong pananampalataya—sa wakas ay nagawa ninyo ito!”

At sabik kaming magsimula ng bagong paglalakbay nang magkasama, kung saan makakabalik kami sa templo nang paulit-ulit.

Ang mga Pagpapala ng Templo

Bagama’t hindi madaling makapunta ang lahat sa mga templo, kapag inuna natin ang pagbisita sa bahay ng Panginoon at sinikap nating manatiling karapat-dapat sa temple recommend, maaanyayahan natin ang mga pagpapala sa lahat ng aspeto ng ating buhay.

Tulad ng itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dalangin ko na parangalan natin ang Tagapagligtas at baguhin natin ang kinakailangang baguhin upang makita ang ating sarili sa loob ng Kanyang mga sagradong templo. Sa paggawa nito, maisasakatuparan natin ang Kanyang mga banal na layunin at maihahanda ang ating sarili at ating pamilya sa lahat ng pagpapalang maipagkakaloob ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.”2

Tuwing iniisip ko ang aking mga tipan sa templo o dumadalo ako sa templo, mas napapalapit ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at nalilimutan ko ang mga bagay ng mundo at naaanyayahan ang kapayapaan sa buhay ko. Dahil sa mga pagpapala ng templo, nagugunita at nakikita naming mag-asawa ang kamay ng Ama sa Langit na pumapatnubay sa aming buhay at nadagdagan ang aming pananampalataya na ginagabayan Niya kami araw-araw.

Nagpapasalamat ako sa endowment sa templo, na tumutulong sa atin na malaman kung paano makabalik sa Ama sa Langit, at sa pagkakataong mabuklod tayo sa mga mahal natin sa buhay magpasawalang-hanggan—isang di-maipaliwanag na pagpapala sa atin dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Lahat tayo ay maaaring maging karapat-dapat sa mga pagpapalang iyon habang inihahanda natin ang ating sarili at tinutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas—sa kabila ng anumang mga hamon o problemang maaaring dumating sa atin.

Sulit ang pagsikapang makarating doon. Maniwala kayo sa akin.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Endure and Be Lifted Up,” Ensign, Mayo 1997, 72.

  2. Quentin L. Cook, “Tingnan ang Inyong Sarili sa Templo,” Liahona, Mayo 2016, 100.