Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Paano tayo huhugot ng lakas sa mga kapangyarihan ng langit?
Sa Doktrina at mga Tipan 121:36 nalalaman natin na “ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.” Ang mga talata 40 at 41 ay nagbibigay ng ilang halimbawa ng mabubuting alituntunin. Ang matutong mamuhay ayon sa mga alituntuning ito ay tutulong sa ating humugot ng lakas sa mga kapangyarihan ng langit sa lahat ng aspeto ng ating buhay.
Ano ang ibig sabihin ng maging matiisin?
Ang isang kahulugan ng matiisin ay pagkakaroon ng kakayahang magtiis sa pagbibigay ng pagmamahal, kahit nadarama natin na tayo ay nag-iisa, nasasaktan, o bigo. May kilala ba kayong ibang mga tao na mga halimbawa ng pagiging matiisin? Paano ninyo matutularan ang kanilang halimbawa?
Paano ako makakapagpakita ng kaamuan?
Bahagi ng pagiging maamo ang pagkilala sa mga tagumpay ng iba.1 Mayroon bang tao sa buhay ninyo na taos ninyong mababati o mapupuri?
Taos ba akong nagpapakita ng pagmamahal?
Ang banal na pagmamahal ay tunay. Paano kayo magkakaroon ng mas tunay na pagmamahal para sa mga tao sa paligid ninyo? Itinuturo sa kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo kung paano magkaroon ng mga katangiang katulad ni Cristo at may listahan doon ng ilang talata sa banal na kasulatan na maaari ninyong pag-aralan tungkol sa pagmamahal.2