Para sa mga Magulang
Mga Templo, ang Pangalan ng Simbahan, at Pagsasali sa Iba
Mahal na mga Magulang,
Sa isyung ito matututuhan ninyo ang tungkol sa paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan, kahalagahan ng mga templo, at pagsasali sa iba. Magagamit ninyo ang mga artikulong ito at ang mga ideya sa ibaba para masimulan ninyong pag-usapan sa inyong pamilya ang mga bagay na magagawa natin para sumulong sa landas ng tipan.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
Sa Ganito Tatawagin ang Aking Simbahan
Nagsalita si Pangulong Henry B. Eyring kung bakit natin ginagamit ang buong pangalan ng Simbahan at anong mga pagpapala ang natatanggap natin sa paggawa nito (tingnan sa pahina 6). Maaari ninyong basahin ang artikulong ito bilang isang pamilya at talakayin kung paano naging isang paraan ang paggamit ng buong pangalan ng Simbahan para maibahagi ang ating patotoo.
Ang Templo
Gamitin ang mga artikulo sa mga pahina 10–17 at ang mga kuwento sa magasing Kaibigan para matulungan ang inyong pamilya na matuto tungkol sa templo. Isiping tanungin ang inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng templo para sa kanila. Gamitin ang resources ng Simbahan para tulungan kayong sagutin ang anumang mga tanong nila tungkol sa templo.
Pagiging Kabilang
Kung may mga anak kayo na may edad-edad na na nagdaranas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian o may mga kaibigang ganito, sama-samang basahin ang artikulo sa pahina 20. Pagkatapos ay talakayin kung paano ninyo matutulungan ang inyong mga anak o ang kanilang mga kaibigan na mas madama na kabilang sila at kung paano ninyo maibabahagi ang pagmamahal ng Diyos sa kanila.
Mga Kabatiran sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Tingnan sa mga pahina 26–29.
Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Bigat ng Pagdurusa
-
Magtipon ng ilang bagay na mabigat, tulad ng mga bato o malalaking aklat.
-
Paupuin nang pabilog ang lahat.
-
Magpakita ng isang larawan ni Joseph Smith sa Liberty Jail.
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 122:5–7.
-
Sa bawat pagdurusang binanggit sa mga talatang ito, maglagay ng isang bato sa gitna ng bilog.
-
Sabihin sa bawat miyembro ng pamilya na magdagdag ng isa pang bato sa tumpok para kumatawan sa isang pagsubok na napagdaanan nila.
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 122:8–9.
-
Sino ang nasaktan sa lahat ng pagsubok na ito? Isipin kung ano ang magiging pakiramdam ng pasanin ang lahat ng ito.
Talakayan: Sa anong mga paraan tayo nauunawaan, tinutulungan, at ginagawa ng Panginoon na maging mga karanasan ang ating mga pagsubok na “para sa [ating] ikabubuti”? (Doktrina at mga Tipan 122:7).
Kanlungan mula sa Bagyo
Subukan ang aktibidad na ito para ituro kung paano tayo pinalalakas at pinoprotektahan ng pagtitipun-tipon bilang mga Banal sa mga Huling Araw.
-
Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 115:6: “Ang pagtitipong sama-sama sa lupain ng Sion, at sa kanyang mga istaka, ay maaaring maging isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa.”
-
Magpagulong ng dice o pag-isipin ang isang kapamilya ng isang numero sa pagitan ng 1 at 10.
-
Kung ang numero ay odd, bumanggit ng isang bagay na poprotekta sa inyo mula sa isang pisikal na bagyo (halimbawa: payong, jacket, bahay).
-
Kung ang numero ay even, bumanggit ng isang bagay na poprotekta sa inyo mula sa isang espirituwal na bagyo (halimbawa: mga banal na kasulatan, panalangin, pagsunod, ating mga pamilya).
-
Maghalinhinan sa pag-iisip ng mga sagot.
-
Kung may mga anak kayo na may edad-edad na, maaari ninyong talakayin ang kahulugan ng Sion mula sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan: “Dalisay na puso” (Doktrina at mga Tipan 97:21). Paano tayo pinoprotektahan ng sama-samang pagtitipon nang may dalisay na puso?
Talakayan: Ano ang ilan sa mga pisikal at espirituwal na bagyong kinakaharap natin? Paano tayo magtitipun-tipon kay Cristo? Paano tayo maaaring “bumangon at magliwanag”? (Doktrina at mga Tipan 115:5).