2021
Ang mga Pagpapala ng Pagiging Isang Temple Worker
Oktubre 2021


Mga Young Adult

Ang mga Pagpapala ng Pagiging Isang Temple Worker

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Dahil sa paglilingkod sa templo, naging mas espesyal sa akin ang mga ordenansa at pagbabasbas.

hand opening a door

Larawang kuha mula sa Getty Images

Noong una akong pumunta sa templo, namangha ako sa karingalan ng bahay ng Panginoon. Nalinawan ko kung sino ako, bakit ako narito sa lupa, at saan ako maaaring ihantong ng aking landas kapag nagtuon ako kay Cristo.

Katatawag pa lang sa akin na magmisyon sa England, at sabik akong makapasok sa templo bago ako umalis. Bago pa man, naghanda na ako sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa mga ordenansa sa templo at paghahanda sa aking sarili na makipagtipan sa Panginoon.

Pagkatapos, nalaman ko na gusto kong pumunta roon palagi habambuhay. At nakaimpluwensya rin ang desisyong iyon sa hangarin kong maglingkod bilang isang ordinance worker.

Pagsasakripisyong Maglingkod

Tulad ng itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pagdalo sa templo ay nagdaragdag sa ating pang-unawa sa Panguluhang Diyos at sa walang-hanggang ebanghelyo, sa ating tapat na pangakong ipamuhay at ituro ang katotohanan, at sa ating kahandaang sundin ang halimbawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.”1

Gusto kong anyayahan ang mga pagpapalang iyon sa buhay ko, kaya nang makauwi ako mula sa aking misyon, kinausap ko ang bishop ko tungkol sa pagiging isang temple worker. Kalaunan ay tinawag akong maglingkod nang ilang buwan sa Washington D.C. Temple habang nagtatrabaho ako upang makaipon ng pera para sa pag-aaral ko.

Naglingkod ako sa templo sa shift na alas-6 n.g. tuwing Biyernes ng gabi. Sa iskedyul na ito, kinailangan kong umalis nang maaga sa trabaho ko at magbiyahe nang dalawang oras. Ito ay isang malaki at kung minsa’y mahirap tuparing pangako linggu-linggo.

Noong panahong iyon, nagtatrabaho ako nang mahabang oras sa paggawa ng maraming pisikal na trabaho, kaya kadalasan ay pagod na pagod ako para sa shift ko sa templo. Madalas ding pagod ang utak ko sa paghahandang bumalik sa kolehiyo at pag-iisip kung ano ang gagawin ko sa buhay ko.

Pero sa mga shift ko, lagi akong sabik na matuto pa tungkol sa mga ordenansa. At kahit palagi akong hapo at napakahaba ng listahan ng mga gagawin ko, kahit paano ay nakasumpong ako ng kapayapaan sa templo. Palagi akong nakadarama ng pasasalamat sa pagkakataong maglingkod sa Panginoon doon, at espirituwal akong napapanibago sa pagtatapos ng bawat shift kapag nagtuon ako sa Tagapagligtas. Ang kapayapaang nadama ko ay nakatulong din sa akin na mahanap ang direksyon at mga sagot para sa buhay ko.

Paglalaan ng Oras

Natapos ang paglilingkod ko sa templo nang umalis ako para mag-aral sa kolehiyo. At masyado akong naging abala at nahirapan sa pag-aaral ko kaya hindi ako nakadalo sa templo nang kasing dalas noon. Unti-unti kong napansin ang hindi maalis-alis na pakiramdam na kailangan kong maglingkod doon ulit, kaya kinausap ko ang bishop ko para hilingin iyon.

Nakatanggap ako ng tawag na maglingkod sa templo tuwing Sabado ng hapon.

Oo, masyado akong abala, pero tuwang-tuwa akong makapaglaan ng oras na maglingkod sa bahay ng Panginoon linggu-linggo. Sa bawat shift, lalo akong napalapit sa Tagapagligtas at sa Ama sa Langit, at natamasa ko ang kapayapaang natatangi sa Kanyang bahay.

Pagtatamasa ng mga Pagpapala ng Templo

Medyo maikli ang paglilingkod ko sa templo, pero mapapatotohanan ko na bumuti ang aking buhay nang maglaan ako ng oras na maglingkod doon.

Dahil sa mga sakripisyong ginawa ko para maglingkod at dahil sa kabutihan ng Panginoon, talagang pakiramdam ko ay natanggap ko ang mga pagpapala ng templo na minsang inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ipinapangako ko sa inyo na ibibigay ng Panginoon ang mga himala na alam Niyang kailangan ninyo habang nagsasakripisyo kayo upang makapaglingkod at makasamba sa Kanyang mga templo.”2

Naranasan ko ang mga himalang iyon. At alam kong kayo rin, kapag ginagawa ninyong mahalagang bahagi ng inyong buhay ang paglilingkod sa templo.

Hindi lahat sa atin ay magkakaroon ng oportunidad na maglingkod bilang isang temple worker. Ngunit sa pakikilahok sa gawain sa templo at family history, pagsunod at pagtupad sa ating mga tipan, at pagdalo sa templo kapag kaya natin, lahat tayo ay maaaring mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at mag-anyaya sa Kanilang patnubay at kabutihan sa ating buhay. At kapag nakatuon tayo sa Kanila, lagi tayong magkakaroon ng kapayapaan sa ating puso, anumang mga hamon ang kinakaharap natin.

Mga Tala

  1. Ronald A. Rasband, “Rekomendado sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2020, 23.

  2. Russell M. Nelson, “Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 114.