2021
Matutulungan Tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na Makarating sa Templo
Oktubre 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Matutulungan Tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na Makarating sa Templo

Naharap ako sa maraming oposisyon bago ko natanggap ang aking endowment, ngunit natulungan ako ng pag-asa kay Cristo na maghandang gawin ang mga tipang iyon.

dalagitang nagdarasal sa labas

Noong bata pa ako, naglakbay ang pamilya ko papunta sa Tokyo Japan Temple. Mahaba ang 12-oras na pagbiyahe sakay ng kotse, pero nagpasalamat kami sa oras na nagkasama-sama kami, at ginugol namin ang biyahe sa pag-uusap tungkol sa kasabikan naming makapunta sa templo.

Noon ay 12 taong gulang pa lang ako, kaya sa temple lobby lang ako nakapasok. Ngunit dahil sa kasagraduhan ng lugar na iyon ay napuspos ng alab ng Espiritu ang puso ko.

Maaari sana akong manatili sa lobby na iyon magpakailanman. Kaya nang oras na para umuwi, nagsimulang tumulo ang aking mga luha. Mabilis na unti-unting lumiit ang templo habang papalayo kami, at nangulila na ako sa malakas na Espiritung nadama ko sa loob niyon.

Naging determinado akong magbalik balang-araw. Kung gayon kalakas ang Espiritu sa lobby, sabik na akong maranasan ang pakiramdam ng talagang makapasok sa loob at magsagawa ng mga ordenansa. Gusto kong gawin ang anumang makakaya ko para maghandang makapasok sa loob niyon balang-araw.

Pagharap sa Oposisyon

Bagama’t lagi kong sinisikap na sundin ang mga kautusan at mamuhay nang marapat, talagang nagsimula akong maghandang tanggapin ang sarili kong endowment bago ako magmisyon.

Kumuha ako ng temple preparation class na napakalaki ng tulong sa akin. Dalawang ministering sister ang nag-alok na sagutin ang mga tanong at tulungan akong malaman kung ano ang aasahan. At nang pakinggan ko ang kanilang mga karanasan at patotoo, tumindi ang pag-asam kong makapasok sa templo.

Ngunit laking gulat ko nang matapos ko ang aking temple prep class at habang papalapit ang araw ng aking endowment, naharap ako sa maraming tukso.

Gayundin, nakakita ako ng maraming oposisyon sa paghahandang maglingkod sa full-time mission. Nabalisa ako nang husto. Nagsimulang manghina ang kalusugan ng aking isipan, at kinailangan kong gumawa ng mga kinakailangang hakbang para harapin ang aking damdamin at sumulong nang may pananampalataya.

Nang mangyari ito, natanto ko na ayaw ng kaaway na gawin ko ang malalaking espirituwal na hakbang na ito.

Pagkakaroon ng Lakas kay Cristo

Para mapaglabanan ang oposisyong ito, araw-araw kong ipinagdasal na mapaglabanan ko ang mga tukso at ang aking pagkabalisa. Umasa ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo nang higit kaysa rati. Nag-ayuno ako, inaral ang mga banal na kasulatan, at naghangad ng paghahayag. Ipinagdasal kong magkaroon ng lakas na gumawa ng mga tamang desisyon, madaig ang aking mga kahinaan, at mapayapa ang puso ko at magkaroon ako ng walang-hanggang pananaw.

Ang maliliit na espirituwal na gawaing iyon ay nakatulong sa akin na mas makilala at masunod ang mga pahiwatig ng Espiritu. Nabawasan din ang pagkabalisa ko. Nagkaroon ako ng mas malalim na pagkaunawa tungkol sa nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo at madalas akong nabalot ng kapayapaan nang bumaling ako sa Kanya.

Ang nakakatawa, sa pagharap sa mga tukso at takot ay doon ako mas napalapit kay Cristo at naihanda ang sarili ko na tanggapin ang aking endowment.

At nang pumasok ako sa Sapporo Japan Temple, naroon ang pamilyar na Espiritung nadama ko sa Tokyo Temple lobby noong bata pa ako, ngunit sa pagkakataong ito ay mas malakas iyon, tulad ng inasahan kong mangyayari noon pa man.

Matapos matanggap ang aking endowment, tahimik akong naupo sa celestial roon o silid-selestiyal at nagdasal, na itinatanong sa Ama sa Langit kung ano ang nais Niyang malaman ko.

Inihayag sa akin ng Espiritu na kilala ako ng Ama sa Langit at alam Niya ang aking sitwasyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:2). Alam ko na nalugod Siya sa akin sa paggawa ng mga tipan at nais Niya tayong pumunta sa Kanyang bahay—isang bahay na tunay na maglalayo sa atin mula sa abalang mundo habang pinalalakas tayo at mas inilalapit sa Kanya at kay Jesucristo.

Nadama ko ang pinakamatinding kapayapaan sa puso ko. At natanggap ko rin ang paghahayag na kailangan ko para magkaroon ng kumpiyansa sa desisyon kong magmisyon.

Alam ng Ama sa Langit ang Nilalaman ng Ating Puso

Natanto ko sa aking paglalakbay na alam ng Diyos ang mga hangarin ng ating puso at na matutulungan Niya tayong magtagumpay. Kung susundin natin Siya nang may pananampalataya at aasa sa Kanya para sa patnubay at lakas, matutulungan Niya tayong ihanda ang ating sarili na mamuhay nang marapat at makapasok sa Kanyang sagradong bahay.

Magiging mas espesyal sa iyo ang mga ordenansa sa templo kapag inihanda mo ang iyong sarili na pumasok at kapag patuloy kang bumabalik at naglilingkod doon. Alam ko na nais ng Ama sa Langit na tumanggap tayo ng mga ordenansa at gumawa ng mga tipan upang makapiling natin Siyang muli. At kahit hindi tayo makadalo sa templo nang madalas, kapag nagsisikap tayong manatiling marapat sa temple recommend, karapat-dapat tayo sa lahat ng pagpapalang inaalok Niya sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga tipan sa templo.1

Alam ko na kapag tinutupad natin ang ating mga tipan at sinisikap nating sundin si Jesucristo, mapapalakas tayo upang mapaglabanan ang bawat hamon at tuksong kinakaharap natin. At maaanyayahan natin ang Espiritu at ang mga pagpapala at kagalakang dumadaloy mula sa templo sa ating sariling puso at tahanan.

Tala

  1. Tingnan sa Ronald A. Rasband, “Rekomendado sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2020, 22–25.