2021
Pagpapakilala sa Templo sa Ating mga Kaibigan
Oktubre 2021


Pagpapakilala sa Templo sa Ating mga Kaibigan

Ang awtor ay naninirahan sa Quebec, Canada.

Labis ang kagalakang nadama ko nang sumama sa akin ang dalawa sa mga kaibigan ko sa pagdalo sa temple open house.

Montreal Quebec Temple

Montreal Quebec Temple

Larawan ng templo na kuha ni David Richer-Brulé

Nang muling ilaan ang Montreal Quebec Temple matapos ang malalaking renobasyon noong 2015, nag-organisa ng mga open house ang mga lokal na lider namin. Naging magandang pagkakataon iyon para mag-anyaya ng mga kaibigan na pumunta at tingnan ang templo.

Agad kong naisip ang dalawang mabubuti kong kaibigan sa kolehiyo na nagtanong na sa akin tungkol sa Simbahan at sa aking mga paniniwala. Noong araw, pumayag na sila pareho na dumalo sa sacrament meeting noong Kapaskuhan. Inanyayahan ko rin sila sa kasal ko dalawang taon na ang nakararaan. Naging pagkakataon iyon para ipaliwanag sa kanila kung bakit maaari silang dumalo sa reception pero hindi sa seremonya ng pagbubuklod sa templo.1

Gayunpaman, kahit nakausap ko na sila dati tungkol sa Simbahan, nag-atubili akong anyayahan sila. Natakot akong malagay sa alanganing sitwasyon kung tumanggi sila. Sa huli, nagkaroon ako ng lakas ng loob at tinanong ko sila sa telepono: “Gusto mo bang makita ang lugar kung saan ako ikinasal? Bukas ang templo sa publiko para sa mga guided tour. Kung interesado ka, maaari tayong sabay na pumunta.”

Ang sagot nila pareho ay isang mabilis na “Oo! Gusto ko iyan.”

Dumating ang isa sa mga kaibigan ko na kasama ang kanyang dalawang anak, at ang isa naman ay dumating na kasama ang kanyang asawa. Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon. Labis ang kagalakang nadama ko na naibahagi ko sa kanila ang pagmamahal ko sa templo.

Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2020 na, “Rekomendado sa Panginoon,” ipinaalala sa atin ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa labas ng bawat templo sa Simbahan ay ang nababagay na mga salitang ‘Kabanalan sa Panginoon.’ Ang templo ay ang bahay ng Panginoon at isang banal na kanlungan mula sa mundo. Binabalot ng Kanyang Espiritu ang mga sumasamba sa loob ng mga banal na pader na iyon. Itinatakda Niya ang mga pamantayan sa pagpasok natin bilang Kanyang mga panauhin.”2

Ang templo ay nagsisilbing kanlungan mula sa mga kasamaan ng mundo. Kapag naaalala ko iyan, nauunawaan ko kung bakit kailangang mamuhay ang mga taong pumapasok doon ayon sa mga turo ng Panginoon na matatagpuan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa katunayan, lahat ay inaanyayahang madama ang kagalakan ng paggawa ng mga sagradong tipan sa Diyos. Ngunit upang magawa ito, kailangang makatugon tayo sa pamantayang itinakda Niya upang maging karapat-dapat para sa isang recommend. Nasa bawat isa ang pagpapasiya kung susundin natin ang Kanyang mga batas.

Kapag ipinaliliwanag natin sa ating mga kaibigan ang kaibahan sa pagitan ng templo at ng meetinghouse, maaari nating sabihin lang sa kanila na:

  1. Ang templo ang bahay ng Diyos. Ito ay isang payapang lugar kung saan maaaring gumawa ang matatapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ng mga sagradong pangako sa Diyos na mamumuhay sila nang naaayon sa Kanyang mga utos. Isang lugar ito kung saan namin natututuhan ang iba pa tungkol sa aming layunin sa buhay at kung saan maaaring mabuklod nang sama-sama ang mga pamilya magpakailanman. Sa templo ay maaari kaming magsagawa ng mga ordenansa ng ebanghelyo, tulad ng binyag, para sa aming mga ninuno na hindi nagkaroon ng pagkakataong matanggap ang mga ito noong nabubuhay pa sila.

  2. Ang mga meetinghouse ay kaaya-ayang mga lugar kung saan nagtitipon ang mga miyembro tuwing Linggo upang matuto tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at tumanggap ng sakramento. Sa mga karaniwang araw, ginagamit namin ang mga meetinghouse para sa mga social o sports activity. Malugod naming tinatanggap palagi ang mga bisita sa aming mga meetinghouse, tuwing Linggo at sa mga karaniwang araw.

Ang simpleng pagbabahagi ng aming mga patotoo sa mga kaibigan namin tungkol sa kahalagahan ng templo sa amin ay makakatulong sa kanila na madama ang Espiritu. Patototohanan nito sa kanila ang kabanalan ng lugar na ito.

Malaki ang paggalang at pasasalamat ko sa templo. Kapag pumaparoon ako, pakiramdam ko ay lumalawak ang pananaw ko sa buhay. Nalilimutan ko ang mga hamong kinakaharap ko at nagkakaroon ako ng malinaw na ideya kung ano ang dapat kong pagtuunan ng pansin araw-araw. Nadarama ko na mas malapit ako sa Diyos at sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo, gayundin sa mga miyembro ng aking pamilya, kapwa ngayon at noong araw.

Sister and Brother Glowa in front of the temple

Sina Sister at Brother Vega sa harapan ng templo sa araw ng kanilang pagbubuklod.

Larawan ng mag-asawa na kuha ni Juan B. Rodriguez

Ang mga paborito kong pagbisita sa templo ay ang mga pagkakataong magkasama kaming mag-asawa. Tumitibay ang aming pagmamahalan kapag naaalala namin ang mga tipang ginawa namin sa ating Ama sa Langit at sa isa’t isa nang ibinuklod kami para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan.

Mga Tala

  1. Para sa mga sagot dito at sa katulad na mga tanong, bisitahin ang temples.ChurchofJesusChrist.org at tingnan sa Shanna Butler, “Paano Pag-uusapan ang Tungkol sa Templo,” Liahona, Ene. 2006, 41–42.

  2. Ronald A. Rasband, “Rekomendado sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2020, 23.