Ano ang Kahulugan ng Templo sa Akin
Ang awtor ay naninirahan sa Tasmania, Australia.
Ang pagkakaroon ng current temple recommend ay tumitiyak na patuloy ang kasigasigan kong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Naninirahan kaming mag-asawa sa Tasmania, ang island state sa timog ng mainland Australia. Ang “lokal” na templo namin ay ang Melbourne Australia Temple, mga 300 milya (480 km) ang layo.
Mapalad kaming makadalo nang ilang araw sa Melbourne Temple noong Nobyembre 2019. Hindi namin inakala na iyon ang magiging huling pagbibiyahe namin sa loob ng mahabang panahon. Bago nagkaroon ng pandemya, dumadalo kaming mag-asawa sa templo kahit saan nang mga isa hanggang apat na beses sa isang taon. Para makarating doon, sumasakay kami sa eroplano o sa isang ferry. May ilang taon na naghirap kami, kaya naging madalang ang pagbibiyahe namin. Ang ilan sa mga pagbibiyaheng iyon ay balikan sa loob ng isang araw; ang iba ay nagtagal nang ilang araw.
Isa akong temple ordinance worker, kaya ang ilang araw na iyon ng pagdalo ko sa templo ay isang natatanging pagkakataon para muling makaugnay sa aking calling, higit na matuto tungkol sa plano ng Ama sa Langit, at maglingkod sa iba at makita silang maranasan ang kagalakan at kaligayahan sa templo.
Nang magsara ang templo at mga hangganan ng aming estado nang magkaroon ng pandemyang COVID-19, inisip ko kung paano ko mapapanatiling isang makabuluhang bahagi ng aking buhay ang templo. Pinalakas ako ng mga pahiwatig ng Espiritu Santo na kahit sarado ang templo, hindi ipinagkait sa akin ang mga pagpapala ng aking mga tipan sa templo. Nadama ko na mas napalapit ako sa Panginoon, lalo na nang magtuon ako sa paglilingkod sa iba, sa sarili ko mang pamilya o sa mga pinaglilingkuran ko.
Gumugol ako ng oras na balikan sa aking isipan ang mga tipang nagawa ko, ang mga damdaming naranasan ko sa templo, at ang kaalamang aking natamo. Binalikan ko sa aking isipan ang mga salita sa mga ordenansa. Patuloy kong sinaliksik ang aking family history, ipinasok ang mga pangalan at sources sa FamilySearch, at ibinahagi ang mga pangalang iyon sa templo. Inaasam kong makita na magsimulang makumpleto ang listahan ng mga pangalang ibinahagi ko kapag nagbukas nang muli ang mga templo.
Ilang taon na ang nakararaan, ibinahagi sa akin ng isang butihing sister sa aming ward na dahil umabot nang halos dalawang oras ang isang endowment session at malayo sa templo ang kanyang tirahan, nagpasiya siyang maglaan nang hindi kukulangin sa dalawang oras sa isang linggo sa gawain sa family history. Gusto niyang ipakita sa Panginoon na tapat siya sa gawain sa templo, kahit malaking hamon para sa kanya ang pagpunta sa templo. Talagang naantig ako sa kanyang mithiin, kaya nagtakda ako ng mithiin ding iyon para sa aking sarili.
Ipinaalala sa akin ng mensahe ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2020 ang matagal nang mithiing iyon. Sabi niya: “Ginagawa natin ang gawain sa templo kapag sinasaliksik natin ang ating mga ninuno at isinusumite ang kanilang mga pangalan para sa mga ordenansa. Bagama’t nakasara ang ating mga templo, nasasaliksik pa rin natin ang ating mga pamilya. Taglay ang Espiritu ng Panginoon sa ating puso, alang-alang sa kanila ay tumatayo tayo para sila ay maging ‘rekomendado sa Panginoon.’”1
Ang ika-20 anibersaryo ng paglalaan ng Melbourne Temple ay nangyari noong 2020, na naghatid ng nag-uumapaw na magigiliw na alaala ng mga pagpapalang natanggap ng aming pamilya sa pagdalo rito at sa iba pang mga templo simula nang ilaan ito noong 2000. Ang templo ay naging pundasyon ng lakas at patotoo ng aming pamilya. Kasama ang aming apat na anak, nakadalo na kami sa ilang templo sa buong mainland Australia para makita ang aming mga anak na magsagawa ng mga binyag, tumanggap ng kanilang endowment, at mabuklod sa kani-kanilang asawa.
Ang pagkakaroon ng current temple recommend ay tumitiyak na patuloy ang kasigasigan kong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga interbyu para sa pagpapanibago ng aking recommend ay naging mga panahon ng pagbubulay. Nabigyan ako nito ng pagkakataong ipahayag ang aking patotoo. Natulutan ako nitong palakasin ang aking paniniwala na manatiling tunay at tapat sa “napakaraming pagpapala” (Doktrina at mga Tipan 104:2) na ipinangako ng Panginoon na natanggap ko at ng aking pamilya at nagpalakas sa amin.
Ang pagkakaroon ng current temple recommend ay tungkol sa aking pananampalataya, sa aking katapatan sa ebanghelyo ni Jesucristo, sa aking kagalakan, sa aking pag-asa, sa aking pasasalamat, sa aking pagsunod, at sa aking pagmamahal sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo at sa aking Ama sa Langit.