Digital Lamang: Mga Young Adult
Ang Aming Kagalakan para sa Isang Bagong Templo sa Vanuatu
Ibinahagi ng mga young adult sa pulong bansang ito ang kanilang kagalakan at katuwaan sa balitang magtatayo ng templo sa kanilang bansa.
Naaalala Niya Kayo, Ako, at ang Lahat ng Pulo ng Dagat
“Naaalala ko na narinig ko ang salitang templo sa unang pagkakataon noong walong taong gulang ako at tinuturuan ng mga missionary. Pinalaki ako sa iba’t ibang relihiyon, at bagama’t hindi ko naunawaan ang buong kahulugan ng salitang templo sa konteksto ng ebanghelyo ni Jesucristo, nalaman ko kalaunan kung ano ang mga templo, bakit napakahalaga ng mga ito, at paano tayo makapaghahandang magsagawa ng mga ordenansa sa loob nito.
“Noon pa man ay mahilig na akong magbasa ng mga magasin ng Simbahan tungkol sa napakaraming magaganda at mahimalang karanasan mula sa mga miyembro ng Simbahan na nakapunta na sa templo. Napalakas ng kanilang mga karanasan ang hangarin kong mamuhay nang marapat, kahit walang templo sa aking pulong bansa. Nakikiramay rin ako sa iba na walang templo na malapit sa kanila, na katulad ko. Pero napakahalaga sa akin na saanman kayo nakatira, palaging darating ang mga pagpapala ng templo sa sariling takdang panahon ng Panginoon.
“Noon pa man ay alam ko nang hindi titigil ang Panginoon sa pagbubuhos ng Kanyang mga pagpapala sa atin kapag tayo ay tapat sa Kanya, meron man o walang templong malapit sa atin. At labis-labis ang pasasalamat ko sa kasimplehan ng maliit na hakbang ng pananampalataya—na tapat tayong matututo at matiyagang maghihintay sa Panginoon nang ‘taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin’ (2 Nephi 28:30). Kinikilala at pinupuri ko ang takdang panahon ng Panginoon at ang Kanyang dakilang gawain kung saan nais Niyang maging kabahagi ako.
“Nang ibalita ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2020 na magkakaroon ng templo sa Port Vila, Vanuatu, nakadama ako ng labis na kapayapaan.
“Hindi ko malilimutan ang mga luha ng aking kagalakan. Dahil mahal Niya ang Kanyang mga anak at alam Niya ang nangyayari sa kanila, ‘naaalaala [pa rin Niya] yaong mga nasa pulo ng dagat’ (2 Nephi 29:7).
“Pinatototohanan ko na ang Panginoon ay may natatanging mga layunin at plano para sa lahat ng bansa sa buong mundo. Alam Niya ang mga hangarin ng Kanyang mga anak na matanggap ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo, kabilang na ang mga nagmumula sa templo. Para sa mga wala pang templo, inaanyayahan ko kayo na matiyagang maghintay, manatiling tapat, at asamin ang mga pagpapalang darating para sa inyo. Mahal na mahal ko ang ebanghelyong ito dahil sa kabuuan ng kabanalan at liwanag nito.”
Louisette Desire Waiane, Port Vila Stake, Vanuatu
Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang Gawain, at Narito Ako para Tumulong
“Hindi mailarawan ang damdamin at ang sandaling itatangi ko habambuhay nang ibalita ni Pangulong Nelson na isang templo ang itatayo sa Vanuatu. Hindi inaasahan ang balitang iyon, pero nagtitiwala ako sa Panginoon, sa Kanyang takdang panahon, at sa Kanyang gawain.
“Natanto ko na pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain sa Kanyang sariling karunungan.
“Nang ibalita iyon, ang tanging naisip ko ay ang aking pamilya, mga kaibigan, mga lider, at lahat ng iba pang nagsakripisyo para tumulong na maitayo ang kaharian ng Diyos sa Vanuatu. Lalo kong pinahalagahan ang sarili naming mga pioneer na naghawan ng landas. Alam ko na pumanaw na ang ilan sa kanila at ngayo’y masaya na sa kabilang panig ng tabing. Nagpapasalamat ako sa kanila!
“Nakadarama ako ng pagpapakumbaba na malaman na maaari na ngayong makibahagi ang aking pamilya sa mga pagpapala at ordenansa sa templo. Ngayon mismo, ang mga miyembro ng Simbahan sa Vanuatu ay nagsasakripisyo nang husto para lamang makapunta sa templo sa Fiji o sa New Zealand. Ang ilan ay minsan lang nakakadalo sa buong buhay nila. Ngayo’y mapalad kami na magtatayo ng bahay ng Panginoon sa sarili naming lupain. Habampanahon akong magpapasalamat dahil diyan.
“Nais kong anyayahan tayong lahat na espirituwal na maghanda para sa panahon na malugod nating tatanggapin ang mga bahay ng Panginoon sa sarili nating lupain. Gagawa tayo ng mga walang-hanggang tipan at makikibahagi sa gawain ng kaligtasan sa magkabilang panig ng tabing. Alam ko na kapag sinikap nating maging marapat sa palagiang patnubay ng Espiritu Santo, magiging mas handa tayong pumasok sa banal na bahay ng Panginoon.
“Ngayon mismo’y naglilingkod ako bilang district clerk. Nahikayat akong tulungan ang ating district president at ang mga anak ng Diyos na naipagkatiwala ng Ama sa Langit sa ating pangangalaga na maghanda para sa dakilang araw na iyon na mabubuksan ang Vanuatu Temple. At dalangin ko na ang Espiritu ring iyon na nadama ko noong sandaling ibalita ito ay magiging pangganyak sa pagtulong sa akin na sumulong.
“Nagpapasalamat ako sa pagkakataong ipahayag ang aking mga ideya at damdamin tungkol sa dakila at makasaysayang balitang ito. Ang tanging masasabi ko ay salamat sa Ama sa Langit, at kay Pangulong Nelson sa pagiging tagapagsalita ng Panginoon sa lupa ngayon.”
Dack Tivles, Luganville District, Vanuatu
Ang Templo ay Nagbibigay sa Atin ng Isang Sulyap sa Langit
“Lahat ay naghahanap ng isang bagay na magbibigay-inspirasyon o magpapagaling sa kanila, kapwa sa espirituwal at sa temporal, sa buhay na ito. Para sa akin, iyon ay ang pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Mula nang sumapi ako sa Simbahan 12 taon na ang nakararaan, hindi ko kailanman pinagsisihan ang aking desisyon. Napagpala nito ang aking buhay sa napakalaking paraan.
“Nang mabinyagan ako, nagsimula akong makarinig ng maraming kuwento tungkol sa templo. Laging pinag-uusapan ng iba pang mga miyembro kung gaano kahalaga iyon sa kanila. Isang bagay iyon na laging naghahatid ng kapayapaan sa puso ko at naghikayat sa akin na sumulong. Alam ko na gusto kong pumunta roon balang-araw at maranasan ang kagalakang nadama nila.
“Kalaunan, pinili kong magmisyon at tinawag ako sa Australia Brisbane Mission. Ang pagpasok sa Hamilton New Zealand Temple sa unang pagkakataon ang pinakamagandang pakiramdam sa lahat. Hinding-hindi ko malilimutan ang karanasang iyon. Ang mga salitang gagamitin ko para ilarawan ang nadama ko ay kagalakan, kapayapaan, at kaligayahan. Talagang nadama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa akin, at malakas ang Espiritu. Hinikayat ako nito na laging manatiling matatag sa buong misyon ko at pagkatapos nito.
“Bilang mga miyembro ng Simbahan sa Vanuatu, noon pa namin pinangarap na magkaroon ng templo sa aming bansa, pero nang ibalita iyon ni Pangulong Nelson, parang nagkatotoo ang aming mga pangarap.
“Ang pagkakaroon ng templo rito sa Vanuatu ay nangangahulugan na magiging mas abala ang aming buhay, pero sa magandang paraan, dahil magkakaroon kami ng kakayahang gumawa ng mas maraming gawain sa templo at family history.
“Naaalala ko na narinig ko ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa laging pagkakaroon ng templo sa abot-tingin ninyo.1 Kapag ginawa ninyo ito, mayroon kayo ng sagisag na iyon—lagi kayong magkakaroon ng isang bagay na aasamin.
“Tinutulungan tayo ng templo na panatilihin ang pananaw na ang buhay ay hindi nalilimitahan ng mga problema. Ang walang-hanggang pananaw doon ay makagaganyak sa atin na patuloy na magsikap, patuloy na maniwala, patuloy na manampalataya, at patuloy na magtiwala. Para sa akin, ang pagkakaroon ng templo rito sa Vanuatu ay isang malaking pagpapala—isang sulyap sa langit.”
Eunice Hoiesi James, Port Vila Stake, Vanuatu