Pag-unawa at Pagsasali sa mga Kapatid Nating LGBT
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Makakatulong tayong lahat na mapagkaisa ang ating mga ward at komunidad.
Sa unang ilang buwan matapos akong tawagin bilang bishop, nagulat ako nang lihim akong lapitan ng tatlong pares ng mga magulang sa aming ward para ipaalam sa akin na may anak sila na itinuring ang kanilang sarili na bakla o transgender. Sa bawat sitwasyon, nagpahayag ng taos na pagmamahal ang mga magulang para sa kanilang anak na may kasamang iba’t ibang tindi ng pag-aalala na baka hindi umakma ang kanilang anak sa komunidad ng ward.
Kalaunan, ibinahagi rin sa akin ng iba pang mga pamilya ang gayon ding impormasyon, at napagtanto ko na kahit hindi ako gaanong pamilyar sa mga karanasang ito, bilang isang bishop ay may pribilehiyo akong tulungan ang lahat ng miyembro ng aking ward na bumuo ng mas nagkakaisang komunidad, anuman ang nararanasan nila.
Agad kong napagtanto na para maging mas epektibong bishop, kailangan ay handa akong sikaping unawain ang mga karanasan ng mga miyembrong itinuturing na LGBT at ng kanilang mga pamilya. Kaya, sa pamamagitan ng taos-puso at tapatang mga pag-uusap, pagsubok ng solusyon at pagkatuto sa mga pagkakamali, maraming pag-aaral, at pag-asa sa Panginoon para makaunawa, marami akong natutuhan kung paano ako makapagbibigay ng mas malaking suporta sa mga miyembro sa mga sitwasyong ito habang sinisikap nilang lumapit kay Cristo.
Napagtanto ko ang pangangailangang magkaroon ng pagkakaisa at pagkakaunawaan, at natuto ako ng ilang aral na nakatulong sa akin bilang bishop na lumikha ng isang kapaligirang tumutulong sa mga tao na makaugnay sa lahat ng kapatid nating LGBT. Sana, habang binabasa ng mga lider at iba pa ang natutuhan ko, makakita sila ng ilang ideyang makakatulong sa sarili nilang mga sitwasyon.
Lesson 1: Sundin ang Buhay na mga Apostol
Agad kong natuklasan ang halaga ng pagiging pamilyar sa pinakahuling mga turo ng mga apostol tungkol sa paksang ito.
Ang isang magandang katotohanan tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay na pinamumunuan tayo ng buhay na mga apostol at propeta (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:30). At para sa akin, ang salitang buhay ay nagpapahiwatig na may patnubay tayo sa ating panahon kung paano naaangkop ang ebanghelyo sa mga pangangailangan ng ating panahon. Samakatwid, kung umaasa lamang tayo sa wika ng nakaraan, maaaring hindi natin makita ang maganda at mahalagang patnubay na ibinibigay ng Panginoon sa pamamagitan ng ating kasalukuyang mga propeta.
Ang isang resource na nakatulong sa akin na rebyuhin ang mga turo ng mga apostol kamakailan ay ang bahaging Life Help sa website ng Simbahan, lalo na ang mga pahinang may pamagat na “Same-Sex Attraction” at “Transgender.” Kabilang sa ilang pahayag na partikular na namukod-tangi sa akin ang mga sumusunod:
-
Sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagkakaiba-ibang nakikita natin ngayon sa Simbahan ay maaaring simula pa lamang. Tahasan kong sinasabi, sa tingin ko ay lalo pang darami ang makikita nating pagkakaiba-iba. … [A]ng katotohanan na maaaring maghatid ang mga tao ng iba’t ibang kaloob at pananaw at iba’t ibang uri ng pagkakaiba at mga pinagmulan at hamon na kinakaharap ng mga tao ay magpapakita sa atin kung ano talaga ang mahalaga sa ebanghelyo ni Cristo. At na marami sa iba pa, na marahil ay nakagawian na sa paglipas ng panahon at mas may kinalaman sa kultura kaysa sa doktrina, ang hindi na kakailanganing sundin, at matututo talaga tayo na maging mga disipulo.”1
-
Ipinaabot ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang paanyaya na “manguna sa pagpapahayag ng pagmamahal, habag, at paglilingkod. Huwag nating hayaang hindi isali o igalang ng mga pamilya ang mga taong pumipili ng ibang estilo ng pamumuhay bunga ng kanilang damdamin tungkol sa sarili nilang kasarian.”2
Para mahikayat ko ang aming ward na pag-aralan ang mga pinakabagong turo ng mga apostol tungkol sa paksang ito, inilaan namin ang isa sa aming pinagsamang mga lesson sa ikalimang Linggo para talakayin kung paano namin higit na masusunod ang mga tuntunin. Ang lesson na iyon ay naging isang karanasan na lubhang nakakatulong, nakakaantig, at nagpapasigla.
Lesson 2: Piliing Sumampalataya Kaysa Matakot
Maaaring nakakatakot ang mga bagay na hindi pamilyar. Bilang isang bagong bishop, natakot akong lumapit sa isang miyembro ng aming ward na itinuturing ang kanyang sarili na bakla at nangailangan ng espirituwal na tulong. Naging hamon ang mamuno sa mga talakayan tungkol sa paksang ito at payuhan ang mga magulang ng mga kabataan na nahihirapan sa kanilang pagkatao.
Pumapasok sa isipan ko ang nakababahalang mga ideya:
“Paano kung mali ang masabi ko?”
“Paano kung masyadong makaluma o masyadong mahigpit ang dating ko sa kanila?”
“Sapat na nga ba ang alam ko para makatulong?”
Isang araw habang pinagbubulayan ko ang aking mga pangamba, naisip kong pag-aralan ang mga talata sa banal na kasulatan na bumabanggit sa takot. Nakadama ako ng kapayapaan nang mabasa kong, “Ang ganap na pag-ibig ay nagwawaksi ng lahat ng takot” (Moroni 8:16), at na “walang takot sa pag-ibig kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot” (1 Juan 4:18).
Ipinaalala sa akin ng mga katotohanang iyon na kung kikilos ako nang may taos na pagmamahal, makakaasa akong tumanggap ng patnubay at tulong mula sa Panginoon.
Mapapatotohanan ko na kapag ako ay handa at sapat na mapagpakumbaba para sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo, kahit pakiramdam ko ay may kakulangan ako sa mga sitwasyong hindi pamilyar, naranasan ko ang pangako ng Diyos na “gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas” (Eter 12:27).
Lesson 3: Gumamit ng mga Simpleng Gawi—para sa mga Lider
Sa paghingi ng payo mula sa mapagkakatiwalaang resources tungkol sa paksang ito, natuklasan ko ang ilang praktikal na mungkahi na nagkaroon ng positibong impluwensya sa kakayahan ko bilang bishop na bumuo ng isang komunidad na kasali ang lahat. Habang umaasa kayo sa Espiritu, maaari ninyong gamitin ang ilan sa sumusunod na mga mungkahi para tugunan ang mga pangangailangan sa mga sitwasyon ng inyong ward:
-
Makipag-ugnayan sa mga indibiduwal na pamilyar sa mga isyu ng LGBT para matulungan kayong malaman at maunawaan ang kanilang mga pananaw. Maaaring kabilang dito ang inyong stake president, inyong ward council, iba pang mga bishop sa inyong lugar, pinagkakatiwalaang mga kaibigan, at mga miyembro ng inyong ward na itinuturing ang kanilang sarili na LGBT at ang kanilang mga pamilya. Ang web page ng Simbahan na “Same-Sex Attraction” (ChurchofJesusChrist.org/topics/gay) ay makapagbibigay rin ng patnubay. Napakaraming tulong sa ating paligid, at walang isa man sa atin ang nag-iisa sa pagtupad sa ating mga tungkulin.
-
Mapagpakumbabang ibahagi ang inyong patotoo, at huwag ding matakot na magtanong tungkol sa mga bagay na hindi ninyo lubos na nauunawaan. Sumusuporta tayo maging sa pamamagitan ng pagiging handang makinig at matuto.
-
Huwag matakot na humingi ng paumanhin kung may nasabi o nagawa kayong nakakasakit, kahit hindi ninyo ito sinasadya. Ang pagiging tapat sa isa’t isa ay nagtatatag ng pagtitiwala.
-
Kung ang isang kaibigan o miyembro ng ward ay gumagawa ng mga komentong hindi nakakatulong o masakit tungkol sa mga indibiduwal na LGBT, isipin kung ano ang pinakamainam na paraan ng pagtugon. Kadalasa’y nagmumula ang mga komentong ito sa kawalan ng karanasan at hindi nilayong magpakita ng kawalang-galang. Makakatulong ang pagbibigay ng pribadong patnubay.
-
Mag-ingat upang ang inyong pananalita sa lahat ng anak ng Diyos ay umayon sa inyong mga tipan at calling, sinuman ang kausap ninyo.
-
Kapag nagbabahagi ng kanilang mga karanasan ang mga miyembro ng ward, napakapersonal nito. Huwag ibahagi ang kanilang pribadong impormasyon nang walang pahintulot nila.
-
Tandaan na ang nadarama ng isang tao at kung paano niya pinipiling tumugon sa mga damdaming iyon ay hindi magkapareho. Ipinaliliwanag sa isang sanaysay sa Mga Paksa ng Ebanghelyo: “Magkaiba ang pananaw ng Simbahan sa pagkaakit sa kaparehong kasarian at sa homoseksuwal na gawain. Ang mga taong naaakit sa kapwa lalaki o kapwa babae o itinuturing ang kanilang mga sarili na bakla, tomboy, o bisexual ay maaaring gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos at lubos at karapat-dapat na makibahagi sa Simbahan. Ang ituring ang sarili na bakla, tomboy, o bisexual o naaakit sa kapwa lalaki o kapwa babae ay hindi kasalanan at hindi nagbabawal sa tao na makibahagi sa Simbahan, magkaroon ng mga tungkulin, o dumalo sa templo.”3
-
Mag-ingat na huwag limitahan ang mga oportunidad ng mga miyembro na mag-ambag kung itinuturing nila ang kanilang sarili na bakla o transgender. Lahat ng miyembro ng inyong ward ay may natatanging mga karanasan at pananaw na maaaring kapaki-pakinabang sa inyong ward. Ayon din sa itinuro ni Elder Christofferson, “Ang isang taong sumusunod … sa mga pamantayan, [sa] mga turo ng ebanghelyo ni Cristo, bagama’t maaaring naaakit sila sa kaparehong kasarian, ay wala talagang dahilan para hindi sila lubos na makalahok, para hindi sila maaaring maging ganap na miyembro ng Simbahan, at magkaroon ng mga calling, at magsalita, at pumasok sa templo, at maglingkod doon, at lahat ng iba pang mga oportunidad at pagpapalang maaaring magmula sa pagiging miyembro ng Simbahan ay maaaring mapasakanila.”4
Pagpapatuloy na Matuto at Magmahal
Mula nang tawagin ako bilang bishop, lumakas ang paniniwala ko na bawat isa sa ating mga kapatid ay may maganda at natatanging kontribusyong maiaambag sa ebanghelyo ni Jesucristo, sa ating mga komunidad, at sa sarili nating buhay. At anuman ang ating tungkulin sa ward, pinagpalang responsibilidad at pribilehiyo ang bumuo ng mas nagkakaisang komunidad sa pamamagitan ng paghahangad na mas mahalin, unawain, at suportahan ang bawat isa sa ating espirituwal na mga kapatid.
Tulad ng pinatotohanan ni Pangulong Jean B. Bingham na Relief Society General President: “Kung pananatilihin ninyong bukas ang inyong isipan at bukas ang inyong puso, natutuklasan ninyo ang maraming magagandang bagay tungkol sa mga tao na maaaring hindi ninyo inaasahan. Kapag naranasan na ninyo, kapag nakita na ninyo, kapag binuksan na ninyo ang inyong puso sa ibang mga tao, nakikita ninyo na lahat tayo ay kabilang.”5