2021
Paano Naaangkop ang Biyaya ng Tagapagligtas Kapwa sa Akin at sa Aking Kapamilyang May Kapansanan
Oktubre 2021


Digital Lamang

Paano Naaangkop ang Biyaya ng Tagapagligtas Kapwa sa Akin at sa Aking Kapamilyang May Kapansanan

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang paglaki sa piling ng isang kapatid na babaeng may kapansanan ay nagpapahirap sa buhay kung minsan, ngunit mas napalapit ako sa aking Tagapagligtas sa lahat ng ito.

dalawang magkapatid na babae sa tabi ng Christmas tree

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Mayroon akong matalik na kaibigan. Ang pangalan niya ay Barbara. Mahilig kaming manood at sumabay sa pagkanta sa mga palabas sa pelikula. Magkasama kaming naglalakad at tumitingin sa mga bulaklak sa bakuran ng templo. Magkasama kaming nagbabasa ng mga kuwento tungkol sa mga prinsesa gabi-gabi. Kapag kasama ko si Barbara, maaari akong kumilos nang natural. Hindi ko lamang siya pinakamamahal na kaibigan, kundi kapatid ko rin siya.

Si Barbara ay may cerebral palsy, isang kondisyong nakakaapekto sa kanyang katawan at isipan. Hindi siya makalakad, at kailangang paraanin sa tubo ang pagkain niya. Mahilig siyang kumanta ngunit hirap siyang sabihin ang kanyang damdamin, gusto, at mga pangangailangan. At kahit 29 na taong gulang na si Barbara, para siyang batang paslit kung mag-isip.

Pagtanggap ng Malaking Responsibilidad

Kahit apat na taon ang tanda sa akin ni Barbara, pakiramdam ko palagi ay ako ang “ate.” Umiikot sa kanya ang buong mundo ng pamilya ko. Siya ang araw, at kami ang umiikot na mga planeta. Kahit kung minsa’y may kamangha-manghang mga benepisyo ang sitwasyon—tulad ng hindi na pagpila sa mga amusement park—sa ibang pagkakatao’y nangangahulugan ito ng pagsasakripisyo, tulad ng hindi pagpunta sa ilang aktibidad o pangangailangang maghanda sa mga kaganapan sa aming tahanan. Bawat araw nirerebyu namin ang aming iskedyul para matiyak na laging may nag-aalaga kay Barbara at nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan.

Para matulungan ang mga magulang ko na alagaan siya, mabilis na tumanda ang isipan namin ng kuya ko. Kinailangan naming matutuhan kung paano matukoy kapag nagkakaroon ng seizure si Barbara at kung ano ang gagawin, paano paraanin sa tubo ang kanyang pagkain, paano palitan ang kanyang diaper, at kung paano ihanda ang kanyang mga gamot noong batang-bata pa kami. Bagama’t nakatulong sa akin ang maagang pagtandang ito ng isipan na magkaroon ng tiwala sa sarili, nahirapan ako talaga nang husto na makisalamuha sa mga tao.

Lubhang kakaiba ang pakiramdam ko sa lahat ng kaedad ko. Kahit inanyayahan akong sumama sa mga kaibigan at hinikayat ako ng mga magulang ko na sumama, nahirapan akong magsaya dahil nakokonsiyensya ako na maraming kailangang gawin ang mga magulang ko sa bahay. Sa ibang mga pagkakataon nahirapan akong magsayang mag-isa noong nahihirapan si Barbara sa kanyang kalusugan. Kadalasan, gusto ko lang maupo sa tabi ko ang isang kaibigan at makinig.

Pagdaig sa Kalungkutan

Kung minsan pakiramdam ko walang nakakaunawa sa pinagdaraanan ko. Ngunit nakatulong ang ilang bagay para malunasan ang kalungkutang iyon. Nagpasiya ako na sisikapin kong tulungan ang mga taong maaaring ganito rin ang pakiramdam. Nang magpunta nga ako sa mga aktibidad o sa simbahan, sinikap kong isama ang mga taong nakaupong mag-isa o mukhang hindi maganda ang araw nila. Tulad ng itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Nangyayari ang mga himala kapag nagmamalasakit tayo sa isa’t isa tulad ng gagawin Niya.”1 At nakita kong dumating ang mga himala sa buhay ko. Naging mas komportable akong magpunta sa mga aktibidad at naging mas masaya nang mahalin ko ang iba.

Ang isa pang bagay na nakatulong ay ang malaman kung gaano talaga ako naunawaan ng Tagapagligtas. Natanto ko na alam Niya ang mismong pinagdaraanan ko at lagi akong sasamahan. Mas nagtuon ako sa pagkilala sa Kanya sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at panalangin. Kung minsan kapag nagdarasal ako, iniisip ko na katabi ko Siya at ang Ama sa Langit sa upuan at nakikinig. Kapag nahihirapan ang damdamin ko at parang nadaraig ako sa pag-iisip na tila hindi makatarungan ang sitwasyon ni Barbara, naaalala ko na tutulungan ako ni Cristo na magkaroon ng kapayapaan at katiyakan. Lubos itong ipinaliwanag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol nang sabihin niyang, “Sa mga di-makatarungang sitwasyon, ang isa sa ating mga gagawin ay magtiwala na ‘lahat ng di-makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.’”2

Pag-asa sa Biyaya ng Tagapagligtas

Ang pagkakaroon ng isang mahal sa buhay na may kapansanan ay maaaring mangailangan ng sobrang lakas ng tao. Nakakaapekto ito sa inyong buhay sa pisikal, mental, emosyonal, pinansyal, at espirituwal na paraan. Sa nakaraang 29 na taon, halos araw-araw na nagigising ang mga magulang ko nang alas-2:00 ng madaling-araw para alagaan si Barbara. Regular kaming nagpupuntang lahat sa gym para magkaroon ng sapat na lakas na buhatin at kargahin si Barbara kapag kailangan. At napakaraming iba pang responsibilidad ang maaaring magkaroon ng masamang epekto sa ating lahat.

Paano natin posibleng magagawa ang lahat?

Mailalarawan ito sa isang salita: biyaya.

“Ang biyaya [ay] ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan at espirituwal na pagpapagaling na inihahandog sa pamamagitan ng awa at pagmamahal ni Jesucristo. …

“Tinutulungan tayo ng biyaya ng Diyos sa bawat araw. Pinalalakas tayo nito upang magawa ang mabubuting bagay na hindi natin magagawa nang mag-isa.”3

Ano ang pinakagusto ko tungkol kay Barbara? Sa piling niya marami pa akong natutuhan tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas para sa atin. Hindi mo mapipigilang madama ang Kanyang pagmamahal kapag kasama mo si Barbara. Sa kabila ng lahat ng kanyang paghihirap, lagi siyang nakangiti, kumakanta, at nagpapatawa sa amin. Gayunman, may mga araw din na pakiramdam ko wala akong magawa, kapag tila walang makatulong na gumanda ang kanyang pakiramdam. Ngunit dahil sa aking mga karanasan, alam ko nang may katiyakan na nauunawaan ng Tagapagligtas ang pinagdaraanan namin ni Barbara. Anuman ang ating mga pagsubok sa mundo, ang isang magandang aspeto ng nagpapalakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay na hindi lamang tayo mabibigyan ng lakas na maranasan at madaig ang mahihirap na bagay kundi magagawa rin natin ito nang may kagalakan.

Mga Tala

  1. Gerrit W. Gong, “Silid sa Bahay-Tuluyan,” Liahona, Mayo 2021, 27.

  2. Dale G. Renlund, “Nakagagalit na Kawalang-Katarungan,” Liahona, Mayo 2021, 43.

  3. Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Biyaya,” topics.ChurchofJesusChrist.org.