2021
Ang Kirtland Temple—Isang Lugar ng Kabanalan
Oktubre 2021


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 109–110

Ang Kirtland Temple—Isang Lugar ng Kabanalan

Ang natutuhan ko tungkol sa templo noong isa pa akong binatang missionary ay nagpala sa akin simula noon.

Kirtland Temple

Paglalarawan ni David Green.

Maraming missionary ang nagbubukas ng kanilang mission call habang napapalibutan ng pamilya at mga kaibigan. Nag-iisa ako talaga nang buksan ko ang sa akin sa isang taniman ng patatas. Estudyante ako noon sa Ricks College (na kalaunan ay naging Brigham Young University–Idaho). Wala pa kaming social media o internet noon, at malayo ako sa aking pamilya. Kaya nagpunta ako sa bukid, nag-alay ng panalangin, at binuksan ko ang sulat.

“Inaatasan kang maglingkod sa Ohio Cleveland Mission,” nakasaad doon. Naisip ko na lalong nakasisiya na ang Kirtland, Ohio, ay bahagi ng misyon, bagama’t hindi ko nauunawaan ang kahalagahan nito noon.

Maligayang Pagdating sa Ohio

Ang unang assignment ko ay sa Ashtabula Ward, na bahagi ng Kirtland stake. Papunta sa una kong area, tumigil kami ng kompanyon kong si Elder Shawn Patrick Murphy sa tindahan ni Newel K. Whitney sa Kirtland. May isang malaking visitors center na roon ngayon, pero noon ay isang maliit na lugar iyon. Natatandaan ko na umakyat ako ng hagdan papunta sa silid sa itaas ng tindahan kung saan idinaos ni Joseph Smith ang Paaralan ng mga Propeta. Kakaunti ang alam ko tungkol sa kasaysayan ng lugar, pero may malinaw pa rin akong nadama pagpasok namin sa payak na silid na iyon na may mga simpleng bangkong yari sa kahoy.

Ang direktor ng center ay isang dating mission president, si President Brewer. Nang magsalita siya tungkol sa lugar na ito kung saan sama-samang nag-aral at natuto ang mga Kapatid, damang-dama ko ang Espiritu. Unti-unti kong nakita ang papel na ginampanan ng Kirtland bilang isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Simbahan.

Isang Lugar ng Paghahanda

Noong mga unang taon ng 1830s, tinukoy ang Independence, Missouri, bilang lugar ng Bagong Jerusalem. Nagsimula nang manirahan doon ang mga Banal. Pero pagkatapos ay sapilitan silang pinalayas dahil hindi nila nakasundo ang iba pang mga residente ng Missouri at tutol ang mga iyon sa mga paniniwala ng mga Banal. Noong 1834, nagbuo si Joseph ng isang grupo ng mga 230 kalalakihan, kababaihan, at mga bata, na tinawag kalaunan na Kampo ng Sion. Maglalakbay sila mula Ohio patungong Missouri upang tulungan ang mga Banal na mabawi ang lupain na legal nilang binili. Hindi nagtagumpay ang 900-milyang (1,450 km) paglalakbay sa pagbawi sa lupain, pero lumikha iyon ng isang sitwasyon na nakatulong na ihanda ang magiging mga Pangulo ng Simbahan sa hinaharap na sina Brigham Young at Wilford Woodruff at iba pang mga pinuno, kabilang na ang mga Apostol at Pitumpu.

Hindi lamang ang paghahanda sa mga pinuno ang mahalaga—ang nagpapabanal na epekto ng Kampo ng Sion ay naghanda sa isang grupo ng mga taong may pagnanais na magsakripisyo upang magtayo ng isang templo.

Sa Kirtland, nakatanggap ang Propeta ng sunud-sunod na paghahayag tungkol sa organisasyon ng Simbahan, lahat bilang paghahanda para sa magiging pinakamahalagang tagumpay—ang pagtatayo ng templo.1 At ang sakripisyo ay literal na naghatid ng mga pagpapala ng langit.2 Napakadukha ng mga Banal kaya halos hindi nila makayang bilhin ang mga pangangailangan sa buhay. Subalit inilaan nila ang kanilang oras, mga talento, at ari-arian—ang mismong tipan na ginagawa natin sa templo ngayon—upang itayo ang bahay ng Panginoon.

Ang Espiritu ng Templo

Ang Kirtland Temple ay pag-aari at pinatatakbo na ngayon ng ibang simbahan—ang Community of Christ. Nang ilibot kami ng isang gabay mula sa simbahang iyon sa buong gusali, nadama ko ang Espiritu nang bumanggit siya mula sa mga journal ng mga taong nakasaksi ng kagila-gilalas na mga pangyayari sa paglalaan ng templo. Ang mga pangyayaring ito ay kinabilangan ng pagkakita sa mga anghel at sa templo na tila nagniningning sa liwanag.3 Pinagtibay sa akin ng Espiritu na naging bahay nga ito ng Diyos.

Naglingkod ako sa Ashtabula Ward nang pitong buwan. Halos kada araw ng paghahanda, isinama namin ang mga tinuturuan namin para bumisita sa tindahan ni Newel K. Whitney at pag-usapan ang tungkol sa Kirtland Temple. Maraming ulit naming binigkas ang nagbibigay-inspirasyong salaysay tungkol sa pagpapakita ni Cristo sa templo:

the Savior appearing in the Kirtland Temple

The Lord Appears in the Kirtland Temple [Nagpakita ang Panginoon sa Kirtland Temple], ni Del Parson

“Ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; ang buhok sa kanyang ulo ay puti gaya ng busilak na niyebe; ang kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw; at ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig, maging ang tinig ni Jehova, na nagsasabing:

“Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama” (Doktrina at mga Tipan 110:3–4).

Bukod sa Tagapagligtas, may iba pang bumisita sa templo—sina Moises, Elias, at Elijah. Ipinagkatiwala nila kay Joseph ang mga susi para sa pagtitipon ng Israel, ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, at ang gawain sa templo at family history. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:10–16.)

Sakripisyo at mga Pagpapala

Dahil napakahalaga ng mga pagbisitang ito, palagay ko hindi natin napapansin kung minsan ang kahalagahan ng iba pang mga bagay na naganap din. Sa panalangin ng paglalaan, tinawag ni Joseph Smith ang Panginoong Diyos ng Israel, “na siyang tumutupad sa tipan at nagpapakita ng awa,” at nagsumamo sa Panginoon na “tanggapin ang paglalaan ng bahay na ito sa inyo, ang gawa ng aming mga kamay, na aming itinayo sa inyong pangalan” (Doktrina at mga Tipan 109:1, 78).

Sa pagpapakita bilang sagot sa panalanging iyon, ipinakita ni Jesucristo, bilang tagapagsalita ng Diyos Ama, na tinanggap Niya ang Kanyang bahay, ang mga ordenansang isasagawa roon, at ang mga tipang gagawin doon. Ang pagtanggap na iyon ay naipagkaloob sa bawat templong nailaan simula noon, gayundin sa mga tipang ginawa at mga ordenansang isinagawa sa mga templong iyon.

Sa panalangin ng paglalaan, partikular ding hiniling ni Joseph sa Panginoon na pagpalain ang mga naglingkod sa mga panguluhan, gayundin ang kanilang mga pamilya. Ngayon, ipinaaabot ang mga pagpapalang iyon sa mga Relief Society president, quorum president, Young Women president, stake president, mission president, at iba pa. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:71.) Pagkatapos ay hiniling ni Joseph sa Panginoon na “alalahanin ang inyong buong simbahan, O Panginoon, kasama ang lahat ng kanilang mag-anak … nang ang inyong simbahan ay lumabas mula sa ilang ng kadiliman, at magliwanag” (Doktrina at mga Tipan 109:72–73).

Humiling ng partikular na mga pagpapala si Joseph para sa mga panguluhan at kanilang mga pamilya, para sa mga miyembro at kanilang mga pamilya, at para sa buong Simbahan. Regular nating nasasaksihan ang katuparan ng mga pagpapalang iyon habang nagniningning ang Simbahan na tulad ng isang liwanag sa dilim.

Tatlong Mahahalagang Katotohanan

Ang paglalaan ng Kirtland Temple ay halimbawa para sa akin ng tatlong mahahalagang katotohanan:

  1. Pinagpapala tayo kapag naghahanda tayo para sa templo. Kinailangang maghanda ang mga Banal para maitayo ang Kirtland Temple. Kinailangan nilang magsakripisyo, dalisayin ang kanilang sarili, at maging handa ang kanilang puso. Kailangan nating gawin din iyon upang maging mas handa tayong tumanggap ng mga pagpapalang inilalaan ng Panginoon sa atin.

  2. Maaari tayong tumanggap ng paghahayag sa bahay ng Panginoon. Ang mga pangitaing nakita nina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple ay nagbigay ng gabay, patnubay, at pang-unawa. Para sa bawat isa sa atin, magkakainspirasyon din tayo kapag nagpunta tayo sa templo para maghanap ng mga kasagutan.

  3. Makatatagpo tayo ng kanlungan sa templo. Sa panahon ng pag-uusig at karukhaan, natuklasan ng mga Banal sa Kirtland na ang bahay ng Panginoon ay isang santuwaryo mula sa mga alalahaning nakapaligid sa kanila. Totoo rin iyan sa atin ngayon.

Mga Pagpapala ng Templo

Sa paglipas ng mga taon, napagtanto ko na ang mga bagay na natutuhan ko tungkol sa templo noong ako ay isang binatang missionary sa Ohio ay nagpala sa aking pamilya at sa akin. Halimbawa, sa templo isang taon matapos kaming ikasal, nakatanggap kami ng asawa kong si Amy ng isang impresyon na panahon nang magkaanak kami. Mga estudyante pa kami noon, at dahil kakaunti ang pera namin natukso akong balewalain ang pahiwatig. Pero inihahanda kami noon ng Panginoon.

Tatlong beses nakunan ang asawa ko nang sumunod na dalawang taon, at naisip ko, “Bakit may pahiwatig na kailangan na kaming magkaanak kung hindi kami makabuo?” Pagkatapos ay lumipat kami sa California, nagpatulong sa isang fertility specialist, at sa wakas ay isinilang ang aming panganay na anak na si Mackenzie.

Sa pagsunod sa inspirasyong natanggap namin sa templo, sinimulan namin ang isang proseso na umabot nang tatlong taon. Kung hindi namin sinunod ang pahiwatig nang matanggap namin iyon, malamang ay tatlong taon pa ang nadagdag bago isinilang ang aming panganay na anak. Itinuturing namin ang karanasang iyon bilang isang pagpapala ng paghahanda at paghahayag.

Nagkaroon kami ng pangalawang anak, si Emma, pero pagkatapos ay muling nakunan ang asawa ko at namatay ang aming anak na lalaki na si Stewart. Sa sumunod na mga buwan at taon, sa paghahanap namin ng kapayapaan, nalaman namin na karamihan sa mga simbolo sa templo ay itinuturo kami sa Tagapagligtas at sa nagpapagaling na balsamo na tanging ang Kanyang Pagbabayad-sala ang makapagbibigay.

Nagpapasalamat ako sa mga pagpapala ng templo. Pinatototohanan ko sa inyo na ito ay isang lugar ng paghahanda, paghahayag, at kapayapaan.

Mga Tala

  1. Apatnapu’t anim na paghahayag na inilathala sa Doktrina at mga Tipan ang natanggap ni Joseph Smith sa o malapit sa Kirtland.

  2. Tingnan sa “Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21.

  3. Tingnan sa History of the Church, 2:428.