Digital Lamang: Mga Young Adult
Paano Pinagpapala ng Templo ang Ating Pang-araw-araw na Buhay
Abalang-abala ang buhay ko, pero alam ko na ang pag-uuna sa templo ay magpapala sa aking pamilya at sa akin.
Mahal ko ang templo. Noon pa man.
Ang gustung-gusto ko tungkol sa templo ay ang paraan na pinatitibay nito ang pagmamahalan naming mag-asawa, ang bigkis na nagbubuklod sa amin sa aming anim na anak, at ang kabuuang katahimikan sa aming tahanan. Talagang naranasan ko ang kapangyarihang nagmumula sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa templo at sa kanlungang ibinibigay sa amin ng mga banal na gusaling ito mula sa mga tukso at kaguluhan ng mundo.
Nang ikasal kaming mag-asawa sa Tokyo Japan Temple 10 taon na ang nakararaan, nagtakda kami ng mithiin na magkasamang dumalo sa templo kahit minsan lang sa isang buwan. Ngunit hindi nagtagal, tinawag ako ng Tokyo Temple presidency na maglingkod bilang temple worker tuwing Biyernes.
Tuwang-tuwa akong makapaglingkod, pero medyo abala rin ang buhay noong panahong iyon. Nasa senior year ako noon sa unibersidad, at mahirap balansehin ang pag-aaral ko at part-time job ko sa isang law firm, ang buwanang temple trip naming mag-asawa, at ngayon ay ang nadagdag na temple shift tuwing Biyernes.
Sa gitna ng lubhang abalang panahong ito, mapanalangin naming pinag-usapan ito bilang mag-asawa, at nagpasiya kami na palaging gawing prayoridad ang templo sa aming buhay. Alam namin na mahihirapan kami paminsan-minsan, pero gusto naming panatilihing matatag ang aming relasyon at mag-anyaya ng mga pagpapala at kapayapaan sa aming tahanan.
Sa pamamagitan ng mga sakripisyong ito na maglingkod sa templo, talagang natanto ko kung gaano kalaki ang positibong kaibhang nagagawa ng templo sa buhay ko. Tinutulungan tayo ng templo na espirituwal na umunlad sa kakaibang mga paraan, at walang katulad ang mga pagpapalang inaanyayahan natin sa ating tahanan kapag nag-uukol tayo ng oras na magpunta roon.
Nitong mga nakaraang taon, nabigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng templo sa ating buhay: “Ang mga pagsalakay ng kalaban ay lalong nadaragdagan, sa tindi at iba’t ibang uri. Ang pangangailangan sa malimit na pagpunta natin sa templo ay mas lalo nang napakahalaga sa ngayon. Nakikiusap ako sa inyo na mapanalanging tingnan kung saan ninyo ginugugol ang inyong oras. Mamuhunan ng oras sa inyong hinaharap at sa inyong pamilya. … Ipinapangako ko sa inyo na ibibigay ng Panginoon ang mga himala na alam Niyang kailangan ninyo habang nagsasakripisyo kayo upang makapaglingkod at makasamba sa Kanyang mga templo.”1
Dahil nagsakripisyo kami para makadalo sa templo nang regular, patuloy akong pinagpapala ng Panginoon at ang aking pamilya sa mga himalang ito.
Nalaman ko na binibigyang-diin ng ating mga propeta at apostol ang kahalagahan ng templo sa ating buhay dahil alam nila ang mga pagpapalang inaalok sa atin ng Panginoon kapag pumapasok tayo sa Kanyang banal na tahanan, mga pagpapalang matatanggap lamang natin sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo. Ang pagbisita nang madalas—o, kung hindi tayo makabisita, ang pagtupad sa ating mga tipan at pagsisikap na manatiling karapat-dapat sa temple recommend2—ay makatutulong sa atin na espirituwal na lumago at makasumpong ng kapayapaan, kahit lalong gumugulo ang mundo.
Nagpapasalamat ako sa mga tipang nagawa ko at kung paano ako tinutulungan ng templo na madama na malapit ako sa Panginoon. At nagpapasalamat ako lalo na sa espirituwal na lakas na hatid ng templo sa relasyon ko sa aking pamilya at sa loob ng aming tahanan. Kapag inuuna ninyo ang templo sa inyong buhay at nagsisikap kayong maging “rekomendado sa Panginoon,”3 mararanasan ninyo ang kagalakan at mga himalang naipangako sa atin ng propeta.