Digital Lamang: Mga Young Adult
Hindi Ko Gusto Noon ang Gawain sa Family History. Pero Nakaranas Ako ng mga Himala
Walang gaanong impormasyon ang pamilya ko sa Taiwan tungkol sa aming family history, pero sa pagsampalataya, nasaksihan ko ang mga himala.
Noong ako ay 10 taong gulang at naninirahan sa Taiwan, ipinakilala ng lola ko ang mga missionary sa aming pamilya. Nabinyagan ako ng tatay ko, pati na ang nanay ko, at kapatid kong lalaki. Gayunman, hindi nagtagal matapos kaming mabuklod sa templo, tumigil sa pagsisimba ang iba pang mga kapamilya ko.
Kaya, natural, napunta sa akin ang responsibilidad na gumawa ng family history. Pero kailanma’y hindi naging madali ang gawaing iyon para sa akin.
Sinikap kong sundin ang mga paanyaya ng mga lider namin ng Simbahan na gawin ang sagradong gawaing ito, pero dahil sa iba’t ibang problema, tumigil ako sa pagsisikap.
Una, kailanma’y hindi ginusto ng mga magulang ko ang ideya na gumawa ng gawain sa templo para sa mga patay. Nadama nila na kami ang nagdedesisyon para sa aming mga ninuno na tumanggap ng mga ordenansa at na kawalang-galang iyon sa kalayaan nilang pumili.
Nahirapan din akong maghanap ng impormasyon tungkol sa aking mga ninuno. Karamihan sa mga pamilyang Chinese ay nagtatago ng aklat ng genealogy na tinatawag na zupu na naglalaman ng mga talaang natutunton hanggang 2000 B.C. Pero wala sa zupu ng pamilya ko ang mga taon ng kapanganakan at kamatayan ng aking mga ninunong lalaki o anumang impormasyon tungkol sa aking mga ninunong babae, kaya hindi ako makapagsumite ng mga pangalan sa templo o makapagsagawa ng mga ordenansa para sa aking mga ninuno.
Dahil sa mga problemang ito, sumuko ako sa mga pagsisikap kong gawin ang aking family history.
Pagsisimulang Muli
Nang magkolehiyo na ako, matagal kong hindi naisip ang tungkol sa family history. Pagkatapos, isang semestre, hinikayat kami sa stake na magtakda ng mithiin na magdala ng pangalan ng isang kapamilya sa templo. Pinangakuan kami ng mga lider namin sa stake na kung magdarasal kami bago kami magsimulang gumawa ng family history, aakayin kami sa mga ninunong gustong maisagawa ang kanilang mga ordenansa.
Noong una, hindi talaga ako natuwa sa paanyayang ito. Nasubukan ko na at nabigo na ako dati.
Gayunman, nang ipagdasal ko araw-araw na magtagumpay sa paggawa ko ng aking family history at sa hangaring patuloy na sumulong sa aking mga pagsisikap, lumambot ang puso ko. At hindi nagtagal, unti-unti ko ngang nadama ang hangaring magsimulang muli.
Isang gabi, nadama ko ang malakas na pahiwatig na buksan ang aking family tree sa FamilySearch at saliksikin ang isang partikular na linya ng mga ninuno. Matapos mabigong saliksikin ang ilang iba’t ibang pangalan sa isang search engine, nakakita ako ng web page para sa isa sa aking mga ninuno.
Malinaw na bantog ang ninunong ito noong rebolusyon sa Taiwan, at lahat ng impormasyon tungkol sa kanya ay nakatala sa page na ito, na lakip ang mga pinagmulan. Mula roon, nakakita ako ng iba pang impormasyon tungkol sa kanyang mga anak at magulang.
Sa pamamagitan ng random na paghahanap sa internet, nakahanap at nakapagsumite ako ng anim na pangalan sa templo nang araw na iyon, at sa loob ng isang buwan ay nakapagsumite ako ng mahigit 50 pangalan.
Kamangha-mangha iyon.
May Nagagawa ba Akong Kaibhan?
Hindi nagtagal nakapagdala ako ng maraming pangalan sa templo, pero nagduda pa rin ako kung tinatanggap ng aking mga ninuno sa kabilang panig ng tabing ang mga ordenansang ito. Inisip ko kung may nagagawa akong kaibhan.
Kaya ipinagdasal ko na magkaroon ako ng katiyakan. At nang magpunta akong muli sa templo, habang tinatapos ko ang pagbubuklod para sa isa sa aking mga ninuno, bumaling sa akin ang temple sealer na may luha sa kanyang mga mata. Sinabi niya sa akin na nadarama niya ang katuwaan ng aking ninuno sa pagtanggap ng ordenansa.
Alam ko na sinagot na ng Diyos ang aking dalangin at na may nagagawa ngang kaibhan ang pagpo-proxy ko.
Sa paglipas ng panahon, hindi pa rin gaanong gusto ng mga magulang ko ang ideya tungkol sa family history. Ngunit nadama ko na pinapanatag at sinusuportahan ako ng aking mga ninuno, lalo na kapag nalulungkot ako dahil ako lamang ang aktibong miyembro sa aking pamilya. Nadarama ko na tumutulong din silang palambutin ang puso ng aking mga magulang.
Itinuro ni Elder John A. Widtsoe (1872–1952) ng Korum ng Labindalawang Apostol na “sinumang naghahangad na tulungan ang mga nasa kabilang panig ay tumatanggap ng tulong kapalit nito sa lahat ng usapin sa buhay.”1
At nadama ko na ang tulong na iyon mula sa kabilang panig ng tabing.
Ang family history ay isa sa pinakapana-panabik at kapaki-pakinabang na mga gawaing nagagawa natin bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Habang tinitipon natin ang Israel sa kabilang panig ng tabing, tinitipon natin ang isang “hukbo ng mga anghel” para suportahan tayo sa buhay sa mundong ito, kumokonekta tayo sa langit, at mas napapalapit tayo kay Cristo. At, tulad ng pinatotohanan ni Sister Wendy Watson Nelson, “Ang gawain sa family history ay maghahatid ng mga himala sa buhay ninyo at ng inyong mga mahal sa buhay.”2
Alam ko na iyon ay totoo.