2023
Kayo po ba ang Tatay Ko?
Disyembre 2023


“Kayo ba ang Tatay Ko?,” Liahona, Dis. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Kayo po ba ang Tatay Ko?

“Wala nang kagalakang hihigit pa sa paglilingkod sa iba,” sabi sa akin ni Nelson.

nakabalot na mga regalo sa Pasko

Larawang-guhit ni Anastasia Suvorova

Ilang taon na ang nakararaan, tinawagan ako ng anak kong si Nelson sa Bisperas ng Pasko. Noong linggo bago iyon, nahilingan siya ng isang abugadong hindi nagsasalita ng Spanish na maging interpreter. Humihiling ang kliyente ng abugado, isang matandang lalaking hindi nagsasalita ng Ingles, ng kustodiya sa kanyang mga apo.

Pagkatapos ng paglilitis, binati ni Nelson ang kliyente ng maligayang Pasko. Sumagot ang lalaki na magiging malungkot ang Pasko sa taon na iyon. Wala siyang pera para suportahan ang kanyang pamilya. Bukod pa rito, kamamatay lang ng kanyang 29-na-taong-gulang na anak na babae, at iniwan ang limang maliliit na bata, na ang bunso ay dalawang taong gulang pa lang. Nakabilanggo ang kanilang ama, kaya kukunin ng kliyente at ng asawa nito ang kanilang mga apo.

Naantig sa sitwasyon ng lalaki, ipinasiya ni Nelson at ng abugado na huwag siyang singilin para sa serbisyo nila. Pagkatapos ay hiningi ni Nelson ang mga pangalan at edad ng mga bata at ang address ng lalaki.

Noong gabing iyon, hindi makatulog si Nelson dahil iniisip niya kung paano niya matutulungan ang pamilya. Habang nakaluhod siya at taimtim na nagdasal tungkol sa kanila, nahikayat siyang sumulat ng liham, na ipinaliliwanag ang sitwasyon ng pamilya, ibinabahagi ang mga pangalan at edad ng mga bata, at humihingi ng mga donasyong regalo. Kinabukasan ipinamigay niya ang mga kopya ng liham sa mga hukom, abugado, at iba pang mga empleyado sa korte.

Napakaraming tumugon kaya hindi nagtagal ay napuno niya ng mga regalo ang kotse niya. Ang mga taong walang oras para bumili ng mga regalo ay nagbigay ng donasyong pera para sa pamilya.

“Mamá,” sabi ni Nelson, “maraming mabubuting tao sa mundo. Kung makikita mo lang ang pagtugon nila! Humiling ako ng isang regalo para sa bawat bata, pero marami pang nagbigay.”

Dumating si Nelson sa bahay ng pamilya sa Bisperas ng Pasko. Tuwang-tuwa at masaya ang mga bata nang tulungan nila siyang kunin ang mga regalo mula sa kotse niya. Napailing ang kanilang lolo’t lola at hindi makapaniwala.

Nang umupo si Nelson para magpahinga sandali bago umalis, nilapitan siya ng dalawang-taong-gulang na bata at umupo sa kanyang kandungan. Pagkatapos, habang magiliw nitong hinahaplos ang mukha ni Nelson, itinanong nito, “Kayo ba ang tatay ko?”

Dahil doon, napaiyak si Nelson, na nagpapasalamat sa mga nakatulong na pasayahin ang Pasko ng pamilya.

“Mamá,” sabi niya, “Wala nang kagalakang hihigit pa sa paglilingkod sa iba. Nagpapasalamat ako na naging kasangkapan ako sa mga kamay ng Diyos para pagpalain ang butihing pamilyang ito.”

Mababanaag sa kagalakan ni Nelson ang turo ng Tagapagligtas na “higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap” (Mga Gawa 20:35).