2023
Ang Himala ng Berdeng Christmas Stocking
Disyembre 2023


Digital Lamang

Ang Himala ng Berdeng Christmas Stocking

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Paano mo mahahanap ang isang stocking sa gitna ng mahigit 165 na mga kariton na umaapaw sa inambag na mga produkto?

Larawan
isang berdeng Christmas stocking

Noong Pebrero habang naglilinis ako ng garahe ko, nagpasiya akong punuin ang likod ng kotse ko ng iaambag na mga Pamaskong dekorasyon, dahil malalaki na ang lahat ng mga anak ko. Mga dalawang linggo matapos ko silang ihatid sa thrift store, binanggit ko ang mga donasyon sa anak kong si Kim. Sabi niya, “Inay, nasa inyo pa po ba ang berdeng Christmas stocking ko?” Ang malungkot, kinailangan kong sabihin sa kanya na naipamigay ko na iyon!

Ginawa ko ang mga stocking para sa anim naming maliliit na anak at gawa iyon sa felt. Nakasulat ang mga pangalan nila sa silver glitter na nakapaikot sa ibabaw. Iginiit ni Kim na gusto niya ng berdeng Christmas stocking kahit pula ang gusto ng lahat. Hindi ko natanto pagkaraan ng maraming taon na napakahalaga pa rin nito sa kanya. Nalungkot ako na naipamigay ko na ang stocking niya, kaya nagpasiya akong tawagan ang thrift store para alamin kung puwede kong bawiin iyon kahit paano.

Itinanong ni Tara, ang manager, kung nakalagay iyon sa isang silver o blue cart. Hindi ko alam dahil worker ang kumuha ng mga kahon at supot sa kotse ko, at hindi ko napansin kung sa anong mga cart niya inilagay ang mga iyon. Sabi niya, mga isandaang silver cart at 68 blue cart ang punung-puno at hindi nakasalansan nang maayos! Sabi ni Tara, sa ppaglipas ng maraming taon ng pagtatrabaho niya roon, wala siyang kilalang sinuman na nakahanap ng isang bagay matapos siyang magkamaling ipamigay iyon. Pero masaya siyang samahan ako para maghanap sa sorting room.

Nagpunta ako sa thrift store na taos-pusong nagdarasal na tulungan ako ng Ama sa Langit na mahanap ang berdeng Christmas stocking, na alam ko na magiging napakahalaga nito sa anak ko. Tutal, inutusan tayong “magsumamo sa kanya sa inyong mga tahanan, oo, sa lahat ng inyong sambahayan. … Hayaan na ang inyong mga puso ay mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa kanya para sa inyong kapakanan, at para [din] sa kapakanan nila na nasa paligid ninyo” (Alma 34:21, 27).

Tulad ng itinuro ni Elder Juan A. Uceda ng Pitumpu: “Sa sandaling sabihin nating, ‘Ama sa Langit,’ [pin]akikinggan Niya ang mga panalangin natin at inuunawa ang ating mga pangangailangan. At ang Kanyang mga mata at tainga ay nakatuon na sa inyo. … Makikita Niya kayo nang may pagmamahal at awa—pagmamahal at awa na hindi natin lubos na maunawaan. Ngunit ang pagmamahal at awa ay nasa Kanya na sa mismong sandaling sabihin ninyo ang, “Ama sa Langit.’”1

Sinimulan kong tingnan ang mga Christmas item sa mga istante sa pangunahing bahagi ng thrift store, pero wala roon ang stocking. Nakipagkita ako kay Tara, at sinamahan niya ako sa sorting room.

Saan magsisimula! Habang dinaraanan namin ang mga hanay ng mga silver cart na mas matataas pa sa amin, sinikap kong suriin nang mabilis ang mga laman ng bawat isa. Kumuha ng random cart si Tara at iniusog iyon para makita ko ang tagiliran ng cart na katabi nito. Tumingala ako at agad kong nakilala ang isang karton na may sulat-kamay ko sa tagiliran (“electric lights at adapter”). Ibinaba iyon ng security guard para sa akin, pero Dutch oven lang na ipinamigay ko ang naroon.

Inikutan ko ang cart hanggang sa kabila nito. Sa ibabaw ng isa pang kahon, nakita ko ang berdeng felt Christmas stocking na nakausli sa isang puting plastic bag. Sa pagkamangha ng lahat, natagpuan namin ang hinahanap ko!

Sabi ni Tara, “Kailangan mong kunan iyan ng retrato mula sa itaas para makita ni Kim ang himalang nangyari!”

Sa lahat ng lugar na maaari naming paghanapan, dumiretso kami sa lugar na kinailangan naming puntahan. “Suwerte,” maaaring sabihin ng ilan. Hindi. “Nagkataon lang?” Hindi. Katibayan ito na tayo ay may mabait at mapagmahal na Ama sa Langit na sumasagot maging sa pinakamaliit pero taos-pusong mga panalangin ayon sa Kanyang karunungan at kalooban? Talaga! Bagama’t hindi lahat ng panalangin ay sinasagot kaagad-agad o sa paraang ating inasam, isang himala ito para sa amin sa araw na iyon!

Ngayon, bawat taon sa pagdiriwang namin ng pagsilang ng ating Tagapagligtas, ang pagsasabit sa tsiminea ni Kim ay magiging isang magiliw na paalala ng himala ng berdeng Christmas stocking—katibayan ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak.

Print