“Ang Regalong Hinding-Hindi Ko Malilimutan,” Liahona, Dis. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Regalong Hinding-Hindi Ko Malilimutan
Naramdaman ko ang isang malinaw na impresyon na ito ang pamilyang kailangan naming tulungan.
Isang taon para sa Pasko, nagpasiya ang pamilya ko na ibigay sa isang pamilyang nangangailangan ng kaunting tulong ang perang gagastusin sana namin sa mga regalo para sa aming sarili. Ipinagdasal kong malaman kung sino ang tutulungan. Inilagay ko ang pera sa isang sobre sa pitaka ko para maging handa ako kapag dumating ang pahiwatig.
Ilang araw bago sumapit ang Pasko, nag-sled ang mga anak ko. Pagdating ko sa burol para sunduin sila, nanood ako habang minsan pa silang masayang nagpadulas pababa ng burol.
Hindi nagtagal, napansin ko ang dalawang batang babae na hindi nakadamit-pangginaw. Nakasuot sila ng mga botang pang-ulan, pantalong may butas sa mga tuhod, jacket na pang-tagsibol, at tig-isa sila sa isang pares ng guwantes. Masaya silang nagpapadulas pababa ng burol sakay ng isang pirasong karton.
Habang pinanonood ko silang tumakbo paakyat ng burol papunta sa kanilang ina, nakaramdam ako ng malinaw na impresyon na ito ang pamilyang kailangan naming tulungan. Lumapit ako para kausapin ang ina. Nang lumingon siya, nagulat akong matanto na kilala ko siya.
Sampung taon na ang nakararaan, ako ang visiting teacher ng sister na ito. Noon, habang nagluluto ako ng tinapay isang araw, nadama ko na dapat ko siyang bigyan ng tinapay. Pero nang magpunta ako sa bahay niya, napansin ko ang isang di-pamilyar na kotse sa garahe niya. Naisip ko na baka may bisita siya, at ayaw kong makaistorbo. Kaya, umatras ako at umuwi.
Pagkaraan ng kalahating oras, tumawag ang Relief Society president para magtanong kung puwede akong pumunta sa bahay ng sister na ito at bantayan ang mga anak niya. Nasa ospital siya, at dumating ang kanyang ina para samahan ang mga bata pero sabik ang matanda na masamahan ang kanyang anak. Nagmadali akong magpunta pero nahiya ako na hindi ko sinunod ang naunang pahiwatig. Simula noong araw na iyon, sinikap ko nang sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu, pero sumasagi pa rin sa alaala ko ang karanasang ito.
Nagpapasalamat ako na muli kong nakaugnayan ang mabait na sister na ito. Noong araw na iyon, hindi lamang sinagot ng Ama sa Langit ang mga dalanging naialay ng aking pamilya na makahanap ng pamilyang paglilingkuran, kundi biniyayaan din Niya ako ng pagkakataon na patawarin ang sarili ko sa nauna kong pagkakamali. Hindi ko inasahan ang regalong ito, pero hinding-hindi ko ito malilimutan.