2023
Ang Pinakadakila sa Lahat ng mga Kaloob ng Diyos
Disyembre 2023


“Ang Pinakadakila sa Lahat ng mga Kaloob ng Diyos,” Liahona, Dis. 2023.

Ang mga Himala ni Jesus

Ang Pinakadakila sa Lahat ng mga Kaloob ng Diyos

Kapag inoobserbahan ko ang diwa ng Pasko, tatlong kaloob ang maiisip ko.

sina Jose at Maria na nasa background ang kalangitan sa gabi

Noon pa man ay natutuwa na ako sa pariralang “ang diwa ng Pasko.” Sa buwan ng Disyembre, sa mga bansang Kristiyano, umiiral ang kapansin-pansing kabaitan, kapayapaan, at pagmamahal. Kami ng asawa kong si Marcia ay nanirahan na sa Estados Unidos, Finland, Chile, Mexico, New Zealand, at Pilipinas. Saanman kami nanirahan, nalaman namin na sa buwan ng Disyembre, nararamdaman ng mga bansa, komunidad, at indibiduwal ang diwa ng Pasko.

Gumugol ako ng 30 taon bilang isang trial lawyer. Lagi akong interesadong obserbahan kung ilang tao ang nagpapaliban sa paglilitis o sinusubukang ayusin ang kanilang legal na kaso o iurong ang kanilang demanda sa buwan ng Disyembre. Mayroong hangarin na huwag makipagtalo sa Pasko. Marami ang nagsikap na magkamit ng kapayapaan. Napansin ko na sa buwan ng Disyembre mas mababait ang aming mga kapitbahay; mas matulungin ang mga clerk sa mga tindahan, bangko, at post office; at may diwa ng kabaitan at kapayapaan habang ipinagdiriwang natin ang Kapaskuhan.

Ano ang Diwa ng Pasko?

Nang pagnilayan ko ang tanong na ito, naisip ko ang sarili naming personal na karanasan sa himala ng pagsilang ng Tagapagligtas. Itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan ang ating premortal na buhay at ang Malaking Kapulungan sa Langit.1 Naroon kayo at ako nang ilahad ng ating Ama ang Kanyang plano para sa atin na pumarito sa mundong ito, magtamo ng katawan, at masubukan at mapatunayan. Ipinaliwanag sa atin ng ating Ama na magkakasala tayo at na kakailanganin natin ang isang Tagapagligtas na magbabayad para sa ating mga kasalanan. Nagtanong ang ating Ama, “Sino ang isusugo ko?” Sinabi ni Jesucristo, “Narito ako, isugo ako” (Abraham 3:27; tingnan din sa Moises 4:1–4). Nang ilahad sa atin ng Ama ang planong ito at nalaman natin ang kahandaan ng Tagapagligtas na pumarito sa mundong ito, naghiyawan tayong lahat sa galak (tingnan sa Job 38:7).

Sa ating premortal na buhay, nalaman natin na upang tayo ay magtamo ng buhay na walang hanggan, malinis mula sa kasalanan, at makabalik sa Ama, kailangang isilang ang Tagapagligtas at magsagawa ng Pagbabayad-sala, kabilang na ang Pagpapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli.

Sa kalagitnaan ng panahon, nang sa wakas ay isinilang ang Tagapagligtas, tila makatwirang ipalagay na sumama tayo sa hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos at nagpapasalamat sa pangyayaring ito na inasam na nating lahat. Itinala ito ni Lucas sa ganitong paraan:

“At biglang sumama sa anghel ang isang malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos at nagsasabi,

“Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:13–14).

Dahil tayong mga naninirahan sa mundong ito ngayon ay mga saksi sa ating premortal na buhay sa planong inilahad ng Ama at dahil posible na naobserbahan natin noon ang pagsilang ng Tagapagligtas, hindi nakapagtataka na sa Kapaskuhan kapag ipinagdiriwang natin ang Kanyang pagsilang, numinipis ang tabing at pinupukaw ng himala ng pagsilang ng Tagapagligtas sa kalooban ng kaluluwa ng bawat Kristiyano ang pagmamahal sa Diyos at sa kanilang kapwa-tao.

mga pastol

Annunciation to the Shepherds [Pagbabalita sa mga Pastol], ni Del Parson

Mga Himala sa Oras ng Pagsilang ng Tagapagligtas

Maraming iba pang himala ng pagsilang ng Tagapagligtas na umiimpluwensya sa mga Kristiyano sa Kapaskuhan. Kabilang sa mga ito ang:

  1. Nagpakita kay Maria ang isang anghel para ipaalam sa kanya na makikibahagi siya sa isang mahimalang panganganak ng isang birhen (tingnan sa Lucas 1:26–35).

  2. Nagpakita kay Jose ang isang anghel para pagbilinan siya tungkol sa papel ni Maria sa pagdadala sa Tagapagligtas sa mundo at sa pangangailangan ni Jose na alalayan at suportahan ito (tingnan sa Mateo 1:20–24).

  3. Ang himala ng panganganak ng isang birhen (tingnan sa Lucas 2:7).

  4. Ang himala ng pag-unawa ni Elizabeth na ipinagdadalantao ni Maria ang Tagapagligtas ng sanlibutan (tingnan sa Lucas 1:39–44).

  5. Ang pagpapakita ng isang anghel sa mga pastol na iyon sa parang na nagbabantay sa kanilang mga kawan sa gabi (tingnan sa Lucas 2:8–12).

  6. Ang katuparan ng propesiya ng anghel na makikita ng mga pastol ang Tagapagligtas na nakabalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban (tingnan sa Lucas 2:12, 16).

  7. Ang bituing lumitaw sa kalangitan na hindi lamang nakita sa Jerusalem at sa mga komunidad sa paligid kundi nakita rin ng mga tao sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Mateo 2:1–2, 9; 3 Nephi 1:21).

  8. At sa huli, isang hukbo ng langit, na posibleng kinabilangan ko at ninyo, na nakikiisa sa anghel sa pagpuri sa Diyos, sinasabing, “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (tingnan sa Lucas 2:13–14).

Ang himala ng Kanyang pagsilang ay humantong sa huli sa himala ng ating pagsilang na muli at buhay na walang hanggan, “ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7). Habang pinagninilayan natin ang kaloob na iyan, tama lamang na nakatuon ang ating isipan sa mahimalang pagsilang ng Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala. Ang kaloob ng Tagapagligtas sa atin ay kamangha-mangha at mahirap unawain.

Ang Pagmamahal ng Ama sa Langit

Ang isa pang mahalagang kaloob na sumasagisag sa diwa ng Pasko ay ibinigay ng Ama, na nagkusang magtulot sa sakripisyo ng Kanyang Bugtong na Anak. Itinuro sa atin ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan na ang kaloob na ito ay nakaganyak ng pagmamahal ng Ama para sa bawat isa sa atin: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16). Ang kaloob na iyan na buhay na walang hanggan ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob ng Diyos.

Pagnilayan sandali ang malalim at di-maunawaang pagmamahal ng Ama para sa inyo. Ang pagmamahal na iyon ang nagtulak sa Ama na hilingin sa Kanyang Anak na taglayin sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan at kahinaan.

Dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin, minasdan ng Ama ang Kanyang Anak na labasan ng dugo sa bawat butas ng balat sa Halamanan ng Getsemani (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:18); hagupitin (tingnan sa Mateo 27:26); lagyan ng koronang tinik sa Kanyang ulo (tingnan sa Mateo 27:29); duraan (tingnan sa Mateo 27:30); at ipako sa krus (tingnan sa Mateo 27:35).

Pareho sana itong napigilan ng Ama at ng Anak anumang sandali, pero dahil sa pagmamahal sa atin, tinulutan Nila itong magpatuloy, batid na upang matugunan ng awa ang katarungan, upang pagbayaran ang ating mga kasalanan at kahinaan, kinailangang ito ang maging “dakila at huling sakripisyo” (tingnan sa Alma 34:14–16). Isipin sandali ang kaginhawahang nadama ng Ama nang sambitin ng Kanyang Bugtong na Anak ang Kanyang huling mga salita bilang mortal, “Natupad na” (Juan 19:30), at iniyuko ang Kanyang ulo at nilisan ang Kanyang mortal na katawan.

Ano ang hinihinging kapalit sa atin ng Ama sa napakagandang kaloob na ito? Sinagot ni Haring Benjamin ang tanong na iyon nang sabihin niyang, “Ang hinihingi lamang niya sa inyo ay sundin ang kanyang mga kautusan” (Mosias 2:22). Sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan kapag mahal natin Siya at mahal natin ang ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–39). Kung mauunawaan natin ang dakilang kaloob ng Ama at ang dakilang kaloob ng Anak, malalaman natin na, “dahil biyaya sa [atin] ay kay rami, sa [ating] kapwa’y dapat lang magbahagi.”2

Ang diwa ng Pasko ay naipamalas nang ang biyaya ng Ama at ang biyaya ng Anak ay nagwakas sa araw na pinakahihintay, ang araw na isisilang ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Patuloy ang mga himala sa buhay ng bawat isa sa atin habang ginagawang posible ng pagsilang ng Tagapagligtas ang himala ng ating pagsilang na muli. Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, magagawa tayong ganap kay Cristo (tingnan sa Moroni 10:32). Ang kaloob ng Ama at ang kaloob na Anak ay naghahatid sa atin ng buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob ng Diyos.

Sa Paskong ito habang inoobserbahan ko ang diwa ng Pasko, tatlong kaloob ang maiisip ko: (1) ang kaloob ng Anak nang kusang-loob Niyang pagbayaran ang walang-hanggang halaga para sa mga kasalanang hindi Niya ginawa at pasanin ang bigat ng mga kalungkutang hindi Siya ang dahilan (tingnan sa 1 Corinto 7:23); (2) ang hindi kapani-paniwalang kaloob ng Ama nang tulutan Niya ang sakripisyo ng Kanyang Bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan; at (3) ang kaloob na kailangan kong ibigay bilang kapalit kapag sinusundan ko ang Kanilang banal na halimbawa.

Nawa’y bumaling ang ating isipan sa Kanila sa Paskong ito. Nawa’y sundan natin Sila habang pinagninilayan natin ang kaloob na ibinigay Nila sa atin at tanggapin ang biyayang lubos Nilang ibinibigay sa atin.3