2023
Si Jim ang Aming Naging Pamasko
Disyembre 2023


Digital Lamang

Si Jim ang Aming Naging Pamasko

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Wala akong nakitang dahilan para bumisita sa Paskong ito. Pero napakalaki ng naging epekto nito!

Larawan
mga namamasko na may hawak na piyesa ng musika

Habang patapos ang karaniwang mga kasiyahan ng pamilya sa Bisperas ng Pasko, nadama ko na hindi na ako makapaghihintay hanggang umaga sa kasabikan!

Walong taong gulang ako noon at panganay na apo sa aking malaking angkan. Bawat ilang minuto, isang magulang, tita, o tito ang nagbubukas ng pinto at bumubulalas na nakarinig siya ng mahinang kalansing ng mga kampanilya o kuliling. Halos hindi na ako makapaghintay na dumating si Santa! Subalit iginiit pa rin ni Lolo na mag-caroling muna kami—isang tradisyon ng pamilya. “Hindi darating si Santa kahit kailan!” naisip ko.

Nang sumakay kami sa mga kotse naming natatabunan ng snow o niyebe, natanto namin na gabing-gabi na kaming nakaalis kaysa rati. Ang munting bayan na tinirhan namin sa Idaho ay napakatahimik at maginaw. Nag-alala ang ilang kapamilya na hindi kami dapat mag-caroling nang gabing-gabi na, pero iginiit ng lolo ko na dapat kaming bumisita sa ilang bahay.

Habang nagbibiyahe kami pababa sa maliit na kalye na puno ng mga puno, wala kaming makitang nakasinding ilaw sa maliit na bahay na yari sa troso na pag-aari ni “Matandang Jim.” Si Jim ay isang mabuting kaibigan, at napakabait na tao. Balo na siya mula nang makilala ko.

“Siguradong walang pakialam si Jim kung hindi kami bibisita!” Umangal ako. Siguradong hindi namin aabutan si Santa Claus!

Pero nagpilit ang butihin kong lolo: “Tahimik lang tayong magtipon sa tabi ng bintana ng kuwarto at magsimulang kumanta ng ‘Munting Bayan ng Betlehem.’”

Mahina ang boses namin noong una, pero malakas dahil marami kami, at hindi nagtagal ay naging maganda at maayos ang himig ng musika.

‘Sinilang ang liwanag

Sa ‘yong kadiliman.

Ang pag-asa at pangamba

Ngayo’y [natugunan].

Wala pa ring nakasinding ilaw sa bahay ni Jim, pero patuloy kaming kumanta.

O tala ng umaga,

Balita’y itanghal.

Purihin n’yo ang Haring Diyos

Nating minamahal.1

Bumukas ang pintuan ng bahay.

Sa liwanag ng buwan, nakita naming tumutulo ang mga luha sa pisngi ni Jim. Nang yakapin niya kaming lahat, umiyak siya—talagang umiyak. Pagkaraan ng ilang sandali, pinahid niya ang mga luha ng kagalakan sa kanyang mukha at sinabi sa amin, “Isang buong taon kong hinintay ang pagdating ninyo. Kayo ang aking Pamasko. At pagsapit ng alas-9:30 ng gabi, akala ko nalimutan na ako. Lungkot na lungkot ako. Nahiga na ako sa kama, dahil wala nang dahilan para manatiling gising.”

Nagalak nang lubos ang aming puso. Nang pinapapasok na kami ni Jim sa bahay niya at sindihan niya ang ilaw, nakita namin na talaga ngang inaasahan niyang darating kami. Maganda ang pagkahanda ng kanyang mesa sa kusina, at naroon ang lahat mula sa Christmas cake at cookies hanggang sa mga hiwa ng karne at naghihintay para kainin namin. Bilang na bilang ang mga tasa na magiliw na pinuno ng sweet apple cider, upang “hindi makaligtaan ni isa sa inyo,” dagdag pa ni Jim.

Sabi ni Jim kami ang kanyang naging Pamasko? Hindi ganoon. Si Jim ang aming naging Pamasko.

Ang regalong pagmamahal na natanggap namin sa malamig na Bisperas na iyon ng Pasko ay mas kamangha-mangha kaysa anumang bagay na maiiwan ni Santa sa ilalim ng aming Christmas tree. At ito ay paalala na nais ng Panginoon na maglingkod tayo sa Kanyang mga anak tulad ng Kanyang ginawa—nang isa-isa, na dala-dala ang Kanyang pagmamahal (tingnan sa 3 Nephi 11:15–17; 17:21).

Print