2023
Malugod Siyang Tanggapin sa Ating Tahanan
Disyembre 2023


“Malugod Siyang Tanggapin sa Ating Tahanan,” Liahona, Dis. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Malugod Siyang Tanggapin sa Ating Tahanan

Ipinaalala sa akin ng apo kong babae na mahalagang bigyan si Jesucristo ng espesyal na puwang sa ating pang-araw-araw na buhay.

sabsaban

Larawang-guhit ni Anastasia Suvorova

Isang Kapaskuhan kamakailan, inalagaan ko ang apat-na-taong-gulang na apo ko sa bahay. Malayo sa Simbahan ang kanyang mga magulang.

Sinamantala ko ang pagsasama namin para dekorasyunan naming dalawa ang aking Christmas tree. Habang nakatingin siya sa aking Nativity, na nabuo ko na, nakita ko ang pagkalito sa kanyang mukha. Kaya, sinimulan kong isalaysay sa kanya sa simpleng paraan ang pagsilang ni Jesucristo. Ipinaliwanag ko sa kanya na ang sanggol na si Jesus ang magiging pinakamabuting tao sa mundo, na Siya ay magiging isang dakilang Hari, at na lagi Niya tayong tutulungan.

Sinabi ko sa kanya na dahil hindi nakahanap ng matutulugan sina Maria at Jose, kinailangan nilang manatili sa isang kuwadra na malapit sa mga hayop. Muli siyang naguluhan.

Nang gugulin namin nang magkasama ang maghapon, maya’t maya’y nilalapitan niya ang Nativity at inililipat ang mga pigurin. Hindi niya napansin na tinitingnan ko kung saan niya inilipat ang mga iyon. Sa tuwina, inaalis niya ang pigurin ng sanggol na si Jesus mula sa sabsaban at inilalayo ang mga plastik na manok at iba pang pigurin ng mga hayop sa Nativity scene. Ibinabalik ko ang mga iyon sa kanilang lugar, pero pagkatapos ay bumabalik siya para ilayong muli ang mga iyon.

Nang gabing iyon, nang tulog na ang apo ko, natagpuan ko ang maliliit kong manok sa loob ng kalapit na maliliit na bahay na yari sa karton, ang iba pang mga hayop ay inilabas sa damuhan para kumain, at muling inalis ang sanggol na si Jesus mula sa sabsaban. Naunawaan ko na sa wakas.

Matapos marinig ang kuwento ng pagsilang ni Jesus, naisip ng apo ko na hindi dapat manatili sa isang di-komportable at maruming lugar ang gayon kahalagang bata. Pinuri ko nang husto ang Tagapagligtas kaya hindi siya maiwan ng apo ko sa isang sabsabang napapalibutan ng mga hayop.

Ipinaalala sa akin ng maliit kong apo na mahalagang bigyan ang ating Tagapagligtas ng espesyal na puwang sa ating pang-araw-araw na buhay. Ipinaalala rin niya sa akin na hindi tayo dapat maging katulad ng mga nangangalaga sa mga bahay-panuluyan na walang puwang para sa pamilya ni Jesus. Sa halip, kailangan nating malugod na tanggapin si Jesus sa ating tahanan at puso bilang Prinsipe ng Kapayapaan.