“Ang Aking Tagapagligtas ang Lahat sa Akin,” Liahona, Dis. 2023.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Ang Aking Tagapagligtas ang Lahat sa Akin
Ibinibigay sa atin ni Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo sa simpleng paraan. Inaakay Niya tayo sa daan. Kung susundan natin Siya, magiging maayos ang lahat.
Nakikita ko dati ang mga full-time missionary sa amin sa Sierra Leone, pero hindi ko sila nilapitan dahil iba ang mga paniniwala ko. Kalaunan, nang makausap ko sila sa isang bus stop sa Washington, D.C., nagsimula silang magkuwento sa akin tungkol sa Tagapagligtas at kung gaano Niya ako kamahal. Inanyayahan nila akong magsimba, kaya nagpunta ako.
Ang unang bagay na nagpaalam sa akin na ito ang lugar na dapat kong kalagyan ay ang malugod na pagtanggap ng mga miyembro ng Simbahan. Niyakap ako ng isang babae nang mahigpit kaya narinig ko sa aking isipan na, “Tanggap ka rito. Maaari kang bumalik.” Sabi ko, “OK.”
Kasama ng mga missionary ang Espiritu kapag pumasok sila sa bahay mo, at iniiwan nila iyon sa inyo. Iniimpluwensyahan ka ng Espiritu at binabago ka. Ang aking pagbabago ay nagmula sa katotohanan ng sinasabi sa akin ng mga missionary at sa pagmamahal na nadama ko.
Itinuro ng mga missionary na mahal ako ng Ama sa Langit, na ako ay Kanyang anak, at na nais Niyang magkasama-sama ang lahat ng pamilya magpakailanman. Naniniwala ako dati na pagkamatay ninyo, magkakaiba ang pupuntahan ninyo at magkakahiwalay ang lahat. Pero sa Simbahan, naniniwala kami na makikita mong muli ang iyong pamilya. Naantig nito ang puso ko. Gusto ko iyon para sa akin, at gusto ko iyon para sa pamilya ko.
Kinailangan kong pabalikin sa bahay ang tatlong anak ko at sabihin sa kanila. Gusto kong ibahagi ang pagmamahal na ipinakita sa akin ni Cristo.
“May nakilala akong ilang missionary dito,” sabi ko sa kanila. “Itinuro nila sa akin ito. Itinuro nila sa akin iyon.” Sinabihan ko sila na siyasatin ang Simbahan.
Ang mga anak ko ay nasa Simbahan na ngayon, nabinyagan sa Sierra Leone. Gusto pa ngang magmisyon ng isa sa kanila. Iyan ang kabutihan ni Cristo. Nagsisimba rin ang iba pang mga miyembro ng pamilya, pero atubili ang ilan. Ikinukuwento ko pa rin si Cristo sa kanila.
Ang Bago Mong Pamilya
Nalulumbay ako para sa aking mga anak, at nalulumbay sila para sa akin. Pero sinabi ko sa kanila, “Wala ako sa Sierra Leone, pero nariyan ang Simbahan. Ang Simbahan ang bago ninyong pamilya.” Lumalago riyan Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nang mabalitaan ko na magkakaroon kami ng templo sa Sierra Leone, napatayo ako at napalundag. Napakapayapa ng templo. Ito ang magiging pinakamagandang gusali sa buong bansa.
Mula nang sumapi ako sa Simbahan, labis akong napagpala. Magagawa ko na ngayon ang mga bagay na hindi ko inakalang kaya kong gawin. Kaya kong kumumpas ng musika. Kaya kong magturo sa mga bata sa Primary. Mahal ko sila, at mahal din nila ako. Kaya kong kumanta sa koro. Kumanta pa nga ako sa koro sa sesyon sa Linggo ng umaga ng paglalaan ng Washington D.C. Temple noong Agosto 2022. Hindi ko inakala na makakasama ko sa templo si Pangulong Russell M. Nelson, at kakanta ako para sa kanya. Pero nangyari iyon. Napakalaking pagpapala ang makapiling ang propeta.
Isa sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan ang 2 Nephi 28:30: “Magbibigay ako sa mga anak ng tao [na]ng taludtod sa taludtod, [na]ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon.” Ganyan ako pinasapi ng Diyos—paunti-unti.
Hindi ko nauunawaan ang lahat, pero natututo ako araw-araw. Araw-araw ay binibigyan ako ng Gospel Library app ng Simbahan ng isang talata sa banal na kasulatan. Binabasa at pinagninilayan ko iyon bago ako lumabas. Pagkatapos ay nagdarasal ako sa Ama sa Langit. Ganyan ang pamumuhay ko, na natututo ng kaunti pa sa lahat ng oras. Isang pagpapala ang malaman kung paano tayo dapat mamuhay, anuman ang ating katayuan, mayaman man tayo o mahirap.
Kaya Kang Baguhin ni Jesus
Dahil tao tayo, kung minsa’y gusto nating lumayo, pero kung hahayaan natin Siya, ibinabalik tayo ni Jesus sa ating Ama sa Langit. Ibinibigay Niya sa atin ang Kanyang ebanghelyo sa simpleng paraan. Inaakay Niya tayo sa daan. Kung susundan natin Siya, magiging maayos ang lahat.
Kahanga-hanga si Jesus. Siya ang lahat sa akin. Mahal ko Siya. Ipinadarama Niya sa akin na ako ay minamahal at pinahahalagahan, tulad ng isang anak ng Ama sa Langit. Kaya kang baguhin ni Jesus kapag lumapit ka sa Kanya—sa paraan ng iyong pagsasalita, paggawa ng mga bagay-bagay, maging ang iyong kultura.
Natagpuan ako ng mga missionary, at tinanggap ko si Jesus sa buhay ko. Masaya ako na natagpuan ko Siya. Ginawa Niya akong isang bagong nilalang. Lumipas na ang mga lumang bagay. (Tingnan sa 2 Corinto 5:17.)
Hindi ko alam kung ano ang kinabukasan ko. Ang Ama sa Langit ang nakakaalam niyan. Ang plano ko ay makapag-aral pa at magtakda ng mga mithiin sa Panginoon—maging katulad Niya, mamuhay na katulad Niya, magsalita na katulad Niya, at mas mapalapit sa Kanya. Iyan ang nais Niyang kahinatnan natin.
Inaasam ko na makita Siyang muli.