“Pagdaig sa Espirituwal na Kawalan ng Layunin—Ano ang Gagawin Ko Ngayon?,” Liahona, Ene. 2024.
Mga Young Adult
Pagdaig sa Espirituwal na Kawalan ng Layunin—Ano ang Gagawin Ko Ngayon?
Kapag sumusulong tayo patungo kay Jesucristo, hindi tayo kailanman nawawalan ng layunin.
Ang pagpasok sa young adulthood ay napakasaya para sa akin. Handa akong simulan ang pagkakaroon ng buhay na noon ko pa gusto. Nagmisyon ako sa Brazil at pagkatapos ay nag-aral ako sa unibersidad pag-uwi ko. Tinapos ko ang aking degree, nakahanap ako ng magandang trabaho, at sinikap kong mamuhay bilang disipulo ni Cristo.
At nasa ganitong yugto pa rin ako ng buhay. Ginagawa ko lang ang makakaya ko para makasunod sa Kanya.
Labis akong nagpapasalamat sa mga oportunidad at pagpapalang natanggap ko na. Subalit habang ginugunita ko ang lahat ng tipan na ginawa ko hanggang ngayon (bukod pa sa kasal) at narating ang malalaking pagbabagong matagal ko nang naiplano, kung minsan pakiramdam ko ay hindi ako umuusad—hindi ko tiyak kung paano umunlad, lalo na sa espirituwal.
Nakita ko na nahihirapan din ang mga young adult sa paligid ko. Tinalikuran pa ng ilan ang Simbahan dahil pakiramdam nila ay wala silang layunin o hindi natupad ang kanilang mga inaasahan. Madalas makaragdag ang kanilang mga ginagawa sa listahan ko ng mga tanong sa buhay.
Gayunman, ngayon mismo, ang pinakamalalaking tanong ko para sa Ama sa Langit ay ito: Paano ko madaraig ang damdaming ito ng espirituwal na kawalan ng layunin? Ano ang gagawin ko ngayon?
Habang nahihirapan ako sa mga tanong na ito, natutuhan ko ang ilang mahalagang katotohanang nakatulong sa akin na mamuhay sa panahong ito ng kawalang-katiyakan.
Huwag Hayaang Ilihis Ka ng Landas ng mga Pang-aabala
Sa panahong ito na hindi mo alam kung ano ang susunod na gagawin o ano ang aasahan, napansin ko kung paano madaling magsimulang manguna ang mga pang-aabala ng mundo kaysa sa mga espirituwal na bagay. Sabi ni Sister Rebecca L. Craven, Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency, “Ang mundo ay puno ng mga pang-aabalang maaaring luminlang kahit sa mga hinirang, kaya sila nagiging kaswal sa pagtupad ng kanilang mga tipan.”1
Nakita ko nang mahirapan ang iba pang mga young adult sa kanilang patotoo matapos bumalik mula sa kanilang misyon. Nakita ko na rin kung paano umaabot ang ilan sa mahahalagang pangyayari nila sa buhay tulad ng pagtatapos sa unibersidad o pag-aasawa at kalaunan ay nalilihis ng landas mula sa mga bagay na pinakamahalaga kapag hindi nila binigyan ng puwang ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang bagong karaniwang gawain.
Nagdaan din ako sa mga espirituwal na kasiyahan at kalungkutan. Mahirap kung minsan na magkaroon ng motibasyon at hindi maging tamad pagdating sa mga espirituwal na gawi, lalo na kapag may ilang pagpapalang hindi dumarating nang kasimbilis ng inasahan ko. Gusto ko palaging umunlad at magpakabuti—ayaw kong hindi lumago sa espirituwal. Pero kung minsan pakiramdam ko ay parang sumasabay lang ako sa agos ng buhay nang walang layunin.
Gayunman, kapag naglalaan ako ng oras para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo araw-araw, lalo na sa maliliit at simpleng paraan (tingnan sa Alma 37:6), nararamdaman ko ang kapanatagan at katatagang hatid sa akin ng Kanyang ebanghelyo, kahit hindi matatag ang mundo.
Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nakikiusap ako sa inyo na hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay. Bigyan Siya ng makatwirang bahagi ng inyong oras. Sa paggawa nito, pansinin ang mangyayari sa inyong positibong espirituwal na momentum.”2 Kapag sadya kong pinipiling manampalataya kay Jesucristo araw-araw at mag-ukol ng oras para sa mga espirituwal na gawing iyon na nag-uugnay sa akin sa Kanya, naaalala ko ang aking espirituwal na mga sandali na nagpapatibay at nakadarama ako ng panibagong layunin, pag-asa para sa hinaharap, at pananampalataya.
Maghangad ng Mabubuting Impluwensya
May isa pang pagkakataon na parang wala akong layunin noong huling taon ko sa unibersidad. Mahirap ang buhay. Panahon iyon ng pandemya, kaya nalungkot ako habang nasa mga home finishing class ako. Napakalaki ng kawalan ng direksyon at koneksyon ng buhay ko.
Nahirapan pa nga akong magsimba sa panahong ito. Madalas akong bumangon mula sa kama nang naka-pajama para makinig sa sacrament meeting online dahil iyan lang ang motibasyong kaya kong tipunin.
Sa madilim na panahong ito, humingi ako ng tulong sa aking pamilya at mga kaibigan at ipinaliwanag ko sa kanila kung gaano katindi ang nadama kong kawalan ng layunin at kalungkutan. Pakiramdam ko wala na akong pag-asa para sa hinaharap at hindi ko alam kung paano magiging maayos ang mga bagay-bagay. At noon nila sinabi sa akin na ipinagdarasal at sinusuportahan nila ako kahit malayo sila.
Nang humingi ako ng tulong sa mga mahal ko sa buhay na may malalim na pananampalataya at ipagdasal ko sa Ama sa Langit nang may kakatiting na espirituwal na motibasyon, nakadama ako ng nagpapalakas na suporta at pagmamahal.
Napansin ko na kapag masyado akong nakatuon sa aking mga inaasahang hindi natupad, pagdududa, o paghihirap, nanghihina ang pananampalataya ko. Hindi ko napapansin ang mga pagpapala sa buhay ko. Pero nang aktibo kong paligiran ng kabutihan ang sarili ko sa pagbabasa ng aking patriarchal blessing, pakikinig sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at pag-uukol ng oras sa mga mahal ko sa buhay na umiimpluwensya sa akin na magpakabuti, muli akong nagtutuon sa mahimalang kaibhang ginagawa ng ebanghelyo ni Jesucristo sa buhay ko.
Kahit wala kang malinaw na landas sa iyong harapan kung minsan o hindi umaayon sa plano mo ang mga bagay-bagay, napakarami pa ring kabutihan sa buhay mo at napakaraming pagkakataon na tutulong sa iyo na makausad sa landas ng tipan. Palaging mas marami pang matututuhan at mas maraming silid para lumago, lalo na sa espirituwal. Humingi ng patnubay sa Ama sa Langit. Tutulungan ka Niyang makahanap at makasumpong ng mabubuting impluwensya at oportunidad na nasa paligid mo para lumago at matuto (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).
Patuloy na Magsikap
Ang ating personal na espirituwalidad ay maaaring maging maalon kung minsan—malakas at mahina. Kung minsan maaaring pakiramdam natin ay matatag ang ating pananampalataya at kagalakan sa ebanghelyo. Pero sa ibang mga pagkakataon, maaaring mahirapan tayong malaman kung ano ang susunod na gagawin. Maaaring nahihirapan tayo kapag dumarating ang mga pagsubok, nagkakaroon ng mga tanong, o naaantala ang mga pagpapala, lalo na kapag ginagawa natin ang lahat para ipamuhay ang ebanghelyo. Sa mahihirap na panahong ito, madalas kong makita na tumatahak ang mga tao sa isa sa dalawang landas: ang isa kung saan nagpapatulong sila sa Tagapagligtas, at ang isa naman kung saan hindi sila nagpapatulong.
Kung minsa’y ikinukumpara ko ang mga sandaling ito sa kuwento ni Moises at ng ahas na tanso (tingnan sa Mga Bilang 21:8–9). Nang desperado nang gumaling ang mga Israelita matapos silang tuklawin ng makamandag na mga ahas, binigyan sila ni Moises ng madaling paraan para makaligtas: tumingin lamang sa ahas na tanso na kumakatawan kay Jehova. Iyan lang ang kinailangan nilang gawin. Isang sulyap lang at mabubuhay sila. Pero napakaraming nagpasiyang hindi tumingin at nasawi. (Tingnan sa 1 Nephi 17:41.)
Dahil sa kuwentong ito, naiisip ko kung paano natin dadalhin ang makamandag na bigat ng kabiguan at galit mula sa mga inaasahan nating hindi natupad kung minsan, kapag ang lunas ay nasa harapan na natin!
Ang susi para makadama ng pag-asa, kapayapaan, at pananampalataya para sa ating hinaharap ay ang umasa lang kay Jesucristo (tingnan sa Helaman 8:14–15; Juan 3:14–17).
Noon pa man ay marahas ko nang binabatikos ang sarili ko kapag nagkakamali ako. Pero dahil talagang nagsikap akong matuto tungkol sa at maniwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, alam ko na palagi ko Silang maaasahan sa pagpapatawad, paglago, at paggaling sa mahihirap na panahon. Alam ko na kapag umaasa ako sa Kanila sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, paggugol ng oras sa templo, at pagganap sa aking calling, nakadarama ako ng pasasalamat at pagpapanibago.
Habang hinahanap ko Sila, nakikita ko ang tunay na kahulugan ng ebanghelyo ni Jesucristo: isang kanlungan na nagbibigay sa atin ng kapanatagan, kaligtasan, at paggaling mula sa mga ahas ng mundo.
Magiliw na nagpatotoo si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “‘Ganap na kaliwanagan ng pag-asa,’ [dahil sa] pagmamahal sa Diyos at sa lahat ng tao—iyan ang gusto namin para sa inyo. … Kasama sa maliwanag na pag-asang iyon ang hindi mapag-aalinlanganang tinig na bumubulong na mahal kayo ng Diyos, na si Cristo ang inyong Tagapamagitan, na ang ebanghelyo ay totoo. Ang kaliwanagan nito ay magpapaalala sa inyo na sa ebanghelyo mayroong isang bagong pagkakataon, isang bagong buhay, at isang bagong taon—kada araw, kada oras. Kaylaking himala! Kaygandang kaloob! At dahil sa kaloob ni Cristo, ang pinakamabubuting bagay sa buhay ay mapapasaatin kung patuloy tayong mananalig at patuloy na magsisikap at aasa.”3
Lumapit kay Jesucristo
Ang young adulthood ay naghahatid ng maraming pagbabago, maraming kawalang-katiyakan, at, oo, maging ng mga inaasahang hindi natupad kung minsan. Ngunit ang ebanghelyo ni Jesucristo ay laging tiyak at laging matatag. At ang mga pangako Niya at ng Ama sa Langit ay tiyak habang patuloy tayong nananatili sa landas ng tipan. Dahil sa mundo, maaaring mahirapan tayo kung minsan na manatiling nakatuon sa Kanya. Pero ang paggawa ng anumang hakbang na naglalapit sa atin sa Kanya ay pag-unlad. Kapag lumalapit tayo kay Cristo, hindi tayo kailanman nawawalan ng layunin—sumusulong tayo tungo sa pag-asa, kapayapaan, at kagalakan.
Ang awtor ay naninirahan sa Manchester, England.