Digital Lamang: Mga Young Adult
Paghahanap ng Kabuluhan sa Paghihintay
Binibigyan tayo ni Cristo ng lakas at biyayang magmahal kung saan tayo naroon at umasam sa hinaharap.
Mayroon akong limang ate na nag-asawang lahat noong kakabeinte anyos lang nila. Habang lumalaki ako, inasahan kong matulad ang buhay ko sa kanila—pero hindi. Nagtapos ako sa kolehiyo na walang nobyo o seryosong karelasyon, nagsimula akong magtrabaho, bumalik sa piling ng mga magulang ko sandali, naglakbay, bumili ng bahay, nagkaroon ng mababait na roommate, at nagplano ng sarili kong landas sa buhay. Hindi ko kailanman nadama na hindi ako nabibilang sa pamilya ko, pero may mga pagkakataon na pakiramdam ko ay dalagang-dalaga ako at gusto kong mag-asawa at magkaanak na tulad ng mga ate ko.
At hindi ba iyon din ang nais ng Diyos para sa akin?
Hindi naman ako laging nalulumbay, siyempre. At tiyak ko na hindi ako pinabayaan ng Diyos—marami akong kamangha-manghang pagpapala sa buhay ko. Nakapagtuon ako sa aking espirituwal at mental na kalusugan, nagboluntaryo ako at nakakilala ng kahanga-hangang mga tao, at nagkaroon ako ng panahon at lakas na maglingkod sa kakaibang mga paraan. Nang mawalan ako ng pag-asa, patuloy kong sinabi sa sarili ko na natututo at lumalago ako at na alam ng Diyos ang nangyayari sa akin.
Sulit ang Maghintay
Kalaunan ay nag-asawa nga ako, at talagang sulit ang maghintay. Ilang araw matapos kaming ikasal, malinaw kong naisip ito: “Malaki ang pasasalamat ko na naghintay ako. Hindi ko ito ipagpapalit sa anupaman.”
Talagang medyo nagulat ako sa sandaling ito ng paghahayag. Hindi ko ba gugustuhing makilala ang asawa ko nang mas maaga? Pero para sa akin, naging mas mabuti akong tao at asawa dahil sa lahat ng natutuhan at naranasan ko habang hinihintay ang walang-hanggang pagpapalang ito. Maaaring napalampas ko ang napakaraming pagkakataong lumago kung hindi ako naghintay.
Siyempre, hindi naman mas mabuti o mas masama ang takdang-oras ng isang tao kaysa sa iba. Ang takdang-oras ng pag-aasawa ay nasa inyo at sa Diyos, at maaaring mangyari ang paglago sa anumang yugto ng buhay—may-asawa man o wala, may mga anak man o wala, atbp. At patuloy akong matututo at lalago; malinaw na hindi pag-aasawa ang huling destinasyon sa ating paglago at espirituwal na pag-unlad. Pero para sa akin, may mahahalagang karanasan na malamang na hindi nangyari kung naiba ang sitwasyon, at nagpapasalamat ako na nahubog ng mga ito ang aking pagkatao.
Puwang para sa Kasiyahan at Pag-asa
Isang gabi, ilang taon bago ko nakilala ang mapapangasawa ko, nabasa ko ang talatang ito sa Filipos: “Sapagkat aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan. Marunong akong magpakababa, at marunong din akong magpakasagana; sa [lahat ng dako] at sa lahat ng bagay ay natutunan ko ang lihim sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan” (4:11–12).
Namangha ako sa talatang ito. Ibang-iba ang mga paghihirap na isinulat ni Pablo kumpara sa naranasan ko, pero ang mensahe para sa akin ay na posibleng makadama kapwa ng kapayapaan at kaligayahan sa ating kasalukuyang sitwasyon at ng pag-asa para sa hinaharap—kasabay nito. Maaari akong maging kapwa busog at gutom. Maaari akong mamuhay nang lubos at magpasalamat sa panahong dalaga ako, at maaari akong umasa at magsikap na makapag-asawa. May puwang para sa dalawang ito.
At paano ito naging posible? Nasa sumunod na talata ang sagot: “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13). Binibigyan tayo ni Cristo ng lakas at biyayang magmahal kung saan tayo naroon at umasam sa hinaharap.
Huwag Sayangin ang Paghihintay
Binalik-balikan ko ang mga talatang ito. Hindi lamang ito angkop sa pagiging dalaga. Palagi tayong nasa iba’t ibang panahon ng paghihintay sa ating buhay—paghihintay sa mga pagpapala o sa mga sagot o sa malalaking pagbabago sa buhay. Kaming mag-asawa ay matagal nang naghihintay at umaasang magkakaanak. Namasdan ko ang pagbubuntis at panganganak ng mga ate at kaibigan ko samantalang ipinagdarasal at hinihintay namin na mabiyayaan nito.
Mahirap at kadalasa’y masakit ang paghihintay na ito, pero maraming pagpapala at oportunidad na dumating kasabay nito. Nakatapos ako ng graduate degree, lumago sa aking propesyon, lumikha ng isang tahanan kung saan nadarama ng pamilya at mga kaibigan na sila ay mahal at tanggap, patuloy na naglilingkod sa mga calling at nagboboluntaryo sa Simbahan, at naghahangad ng personal na paghahayag at patnubay. Sinisikap naming mag-asawa na gamitin ang panahong ito para maging ang uri ng mga tao (at sana’y maging mga magulang sa hinaharap) na nais ng Diyos na kahinatnan namin. Hindi namin maaaring paikliin ang paghihintay, pero maaari naming subukang huwag sayangin ito.
Kung minsa’y mahirap panatilihin ang pananaw na ito. Tulad ng isinulat ni Pablo, kung minsa’y “busog” kami at kung minsa’y “gutom.” Sa pamamagitan ni Cristo at ng Kanyang biyaya, napagsasabay namin ito pareho, para maingat na makabalanse sa pagitan ng kasiyahan at pag-asa. Dahil halos ang buong buhay natin ay binubuo ng paghihintay, sinisikap kong huwag palampasin ang mga pagpapala at aral na maaaring dumating kasabay nito.