Lingguhang YA
5 Aral mula kay Nephi Kapag ang Buhay ay Hindi Umaayon sa Plano
Enero 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

5 Aral mula kay Nephi Kapag ang Buhay ay Hindi Umaayon sa Plano

Maaari tayong matuto mula sa mga tugon ni Nephi sa mga hamon at kawalang-katiyakan.

si Nephi na hawak ang kanyang nabaling pana

Ang young adulthood ay isang nakatutuwang panahon ng buhay, na puno ng mga oportunidad para sa paglago at pagbabago. Pero isang yugto rin ito na puno ng mga inaasahan—mga inaasahan natin sa ating sarili, mga inaasahan dahil sa kultura o lipunan, at maging mga inaasahan sa plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Maaaring mayroon tayong partikular na mga ideya kung ano ang dapat nating maging propesyon o pamumuhay sa lipunan o kung kailan tayo dapat makaranas ng mahahalagang kaganapan. At maaari nating ipalagay na ibibigay sa atin ang lahat ng bagay na nais natin kung tayo ay matwid at mananatiling malapit sa Panginoon.

Pero ang totoo, bihirang umayon ang buhay sa paraang inaasahan natin.

Kung hindi umaayon ang buhay sa plano mo, hindi ka nag-iisa. Dumanas din si Nephi, isa sa mga dakilang propeta sa Aklat ni Mormon, ng kabiguan at di-inaasahang mga hamon.

Patuloy ang mga maling pangyayari habang naglalakbay si Nephi at ang kanyang pamilya papunta sa lupang pangako. Pero sa kabila ng malalaking sagabal at pagtanggap ng pang-aabuso at paglaban, nagtiyaga si Nephi nang may tiwala sa Panginoon sa kabila ng masasamang sitwasyon. Narito ang limang bagay na itinuturo sa atin ng halimbawa ni Nephi na gawin kapag hindi umaayon sa plano ang buhay.

Subukang Muli (1 Nephi 4:1–3)

Kasunod ng hindi matagumpay na pagtatangka ni Laman na kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban, muli itong sinubukan ni Nephi at ng kanyang mga kapatid. Sa pagkakataong ito, pinahabol sila ni Laban sa kanyang mga bantay at muntik nang hindi nakaligtas ang magkakapatid. Nang dumating ang isang anghel para parusahan sina Laman at Lemuel sa pananakit kina Sam at Nephi dahil sa kawalan ng pag-asa, inutusan niya sila na muling subukang bawiin ang mga lamina. Sa pangatlong pagtatangkang ito, nagtagumpay si Nephi.

Bahagi ng itinuturo sa atin ng karanasan ni Nephi ay na kahit hindi tayo magtatagumpay sa paraang inaasahan natin, kung patuloy tayong magsisikap, tutulungan tayo ng Panginoon na umunlad, matuto, at lumago habang patuloy tayong nagtitiwala sa Kanya.

Magpatawad (1 Nephi 7:20–21)

Matapos sumama ang pamilya ni Ismael sa pamilya ni Lehi sa ilang, nagrebelde sina Laman at Lemuel at ang ilan sa mga anak ni Ismael laban kay Nephi. Iginapos nila ang kanyang mga kamay at paa at nagplano silang iwan siya para mamatay. Pero, taglay ang lakas mula sa Panginoon, nilagot ni Nephi ang gapos niya. Nang humingi ng tawad sina Laman at Lemuel, hindi sila pinarusahan ni Nephi nang may poot, pagmamagaling, o pamimintas. Mabilis niya silang pinatawad at nagpatuloy sa pagsunod sa Panginoon.

Kung minsan ang huling bagay na gusto nating gawin ay patawarin ang isang taong nanakit sa atin. Pero kapag kinalimutan natin ang kapaitan at hinanakit, tatanggap tayo ng kapayapaan sa ating buhay at hindi na kailangang magdusa pa tayo at ang iba. At maaari tayong patuloy na sumulong nang may pag-asa at kapayapaan kay Cristo.

Kumilos (1 Nephi 16:23)

Habang nangangaso si Nephi at ang kanyang mga kapatid, nabali ang pana ni Nephi, at wala silang nakuhang pagkain. Sinisi nila si Nephi, at maging si Lehi ay nagsimulang bumulung-bulong laban sa Panginoon dahil sa kanilang gutom at pagdurusa. Pero nagpasiyang mag-isa si Nephi at kumilos. Gumawa siya ng kahoy na pana at palaso, pagkatapos ay hiniling niya kay Lehi na magtanong sa Panginoon kung saan sila dapat maghanap ng pagkain.

Tulad ni Nephi, maaari tayong magkusa kapag naharap tayo sa isang problema. Maaari tayong magsikap na baguhin ang ating pananaw sa ating sitwasyon at ihanda ang ating sarili na humingi ng payo sa Panginoon, na nagtitiwala na gagabayan Niya tayo.

Bumaling sa mga Banal na Kasulatan (1 Nephi 17:22–42)

Nang kutyain siya nina Laman at Lemuel sa pagsisimulang gumawa ng sasakyang-dagat, binanggit ni Nephi ang mga banal na kasulatan para ipakita sa kanila ang kahalagahan ng pagsunod sa mga utos ng Panginoon. Ipinaalala niya sa kanyang mga kapatid na si Moises, gamit ang kapangyarihang nagmula sa Panginoon, ay hinati ang Dagat na Pula at tinulungan ang mga Israelita na makatakas mula sa Ehipto.

Kapag nahihirapan tayong unawain ang impluwensya ng Panginoon sa ating buhay, maaari tayong bumaling sa mga banal na kasulatan para magkaroon ng bagong pananaw at inspirasyon kapag nakakita tayo ng mga pagkakatulad sa pagitan ng ating mga karanasan at ng mga karanasan ng mga sinaunang propeta.

Magtiwala sa Panginoon (2 Nephi 4:19–35)

Sa kabanatang ito, lubhang nalungkot si Nephi dahil sa kanyang mga kahinaan, kasalanan, at tukso. Pero tatlong talata lamang ang itinagal ng kanyang kalungkutan. Sa masayang paggunita, naalala ni Nephi “kung kanino [siya] nagtiwala” (talata 19) at sinabi na “hindi [siya] magtitiwala sa bisig ng laman” (talata 34).

Ipinapaalala sa atin ng mga salita ni Nephi na, kapag hindi natin nagawa ang anumang uri ng inaasahan, maaari tayong bumaling sa Panginoon at magtiwala sa Kanyang nakatutubos na kapangyarihan.

Ang buhay ay puno ng mga di-inaasahang pangyayari, at kung minsa’y parang napakahirap tanggapin ng mga pangyayaring mahirap hulaan.

Pero tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Pag-aralan pa ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, Kanyang doktrina, at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ng pagpapagaling at pag-unlad. Bumaling sa Kanya! Sumunod sa Kanya!”1

At saan pa mas maiging bumaling para sa Kanyang pagmamahal at mga turo kaysa sa mga salita ng mga propeta sa Aklat ni Mormon? Ang mga turo mula sa mga sinaunang propetang gaya ni Nephi ay isinulat para sa ating panahon, at lagi tayong makasusumpong ng kapayapaan, kapanatagan, at katiyakan tungkol sa hinaharap mula sa kanilang mga katotohanan sa tuwing tila hindi umaayon ang buhay sa ating inaasam.

Inaanyayahan ko kayo na tunay na pag-aralan ang mga turo at katotohanan ng Aklat ni Mormon ngayong taon.