Lingguhang YA
Bakit Hindi Binabago ng Diyos ang Buhay Ko?
Enero 2024


“Bakit Hindi Binabago ng Diyos ang Buhay Ko?,” Liahona, Ene. 2024.

Mga Young Adult

Bakit Hindi Binabago ng Diyos ang Buhay Ko?

Nang mauwi sa bangungot ang pagsasama naming mag-asawa, nalaman ko ang kapangyarihan ng kalayaang pumili.

kamay na may hawak na bolpen at nagsusulat sa isang bukas na aklat

Noong 23 anyos ako, nabuklod ako sa templo sa lalaking pinangarap kong mapangasawa. Wala akong maalalang mas sasaya pa sa araw na iyon sa buong buhay ko.

Pero lahat ng inasahan ko noon pa man para sa buhay ko ay mabilis na naglaho. Unti-unting lumala ang pisikal at emosyonal na pang-aabuso sa akin ng asawa ko.

Nalito ako at nasaktan. Hindi ko naunawaan kung bakit tila hindi nakagawa ng kaibhan sa pagsasama naming mag-asawa ang katapatan ko. Naglingkod ako sa full-time mission, tinupad ko ang aking mga tipan, sinunod ko ang mga kautusan, at naglingkod pa nga ako bilang temple worker. Pero gaano ko man sinikap na mas mapalapit kay Jesucristo, mas nahirapan lang ako sa pagsasama naming mag-asawa.

Sa pagbabalik-tanaw, natanto ko na kahit pinag-isipan ko na nang may panalangin kung dapat akong magpakasal sa asawa ko at manampalataya na malulutas namin ang mga problema, nabalewala ko ang mga senyales ng mga problemang posibleng lumitaw kalaunan sa aming pagsasama.

Paghahanap ng mga Sagot

Pagkaraan ng limang taon ng kalungkutan at pang-aabuso, nahirapan ako sa relasyon ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Nasira at hindi natupad ang mga inaasahan ko sa buhay.

Nasaktan ako at nawalan ng pag-asa.

Nang malinawan ko na ayaw magbago ng asawa ko, sinimulan kong hilingin sa Diyos na iligtas ako mula sa aking sitwasyon o ipakita sa akin ang tamang landas na tatahakin. Pero nang hindi dumating ang mga sagot na kailangan ko, sinimulan kong isisi sa Ama sa Langit ang pasakit na dinanas ko.

Patuloy akong nagsimba at tumupad sa aking mga tipan, pero puno ng pagdaramdam ang puso ko sa kawalan ng patnubay.

Pagkatapos ay natanto ko isang araw na mayroon nga akong sagot sa sitwasyon ko—kinailangan kong gamitin ang aking kalayaang kumilos at baguhin ang aking sitwasyon. At alam ko kung anong desisyon ang pinakamainam para sa akin sa mithiin kong makabalik sa Ama sa Langit.

Sa wakas ay nagpasiya akong gumawa ng hakbang: kinausap ko ang asawa ko, at himala, tinapos namin ang aming relasyon nang may pagkakasundo.

Ang Kapangyarihang Pumili

Ang mahirap na karanasang ito ay nakatulong sa akin na malaman ang kapangyarihan at malaking kahalagahan ng kaloob na kalayaang pumili na bigay sa atin ng Diyos.

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kung magbabalik-tanaw tayo, makikita natin ang malaking pagkakaibang nagawa ng ilan sa mga pinili natin sa ating buhay. Makapipili tayo nang mas mabuti kung titingnan natin ang mga alternatibo at pag-iisipan kung saan hahantong ang mga ito. Sa paggawa natin nito, masusunod natin ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson na mag-umpisa na ang katapusan o kahihinatnan ang nasa isip. Para sa atin, ang katapusan ay laging nasa landas ng tipan na dadaan sa templo tungo sa buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”1

Natanto ko na hindi hahadlang ang Ama sa Langit sa kalayaang pumili ng sinuman—hinahayaan Niya akong gumawa ng sarili kong desisyon sa pagpapakasal sa asawa ko. Hindi rin niya pipilitin ang asawa ko na magbago, kahit tapat ako sa aking mga tipan, dahil ang walang-hanggang kasal ay nangangailangan ng espirituwal at temporal na pagsisikap ng mag-asawa habang sumusunod sila kay Jesucristo.

Kapag naharap tayo sa mga paghihirap, maaari nating gamitin ang ating kalayaang pumili para baguhin ang ating mga pananaw, ating mga saloobin, at maging ang ating sarili. Iyan ang banal na kaloob na kalayang pumili. Nais ng Ama sa Langit na hanapin natin Siya at ang Espiritu at pagkatapos ay magtiwala na gagawin natin ang pinakamabubuting desisyon para sa ating buhay.

Pagbaling sa Tagapagligtas

Noong una’y inasahan ko na makakalimot din ako at agad na makapagpapatuloy mula sa pang-aabuso ng asawa ko, pero naging mabagal at mahirap ang proseso. Sa pamamagitan ng therapy, pakikinig sa mga mensahe ng mga propeta, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagdama sa pagmamahal at suporta ng mga kaibigan at pamilya, nakadarama ako ng pag-asa para sa mas magandang kinabukasan. Kapag ginagamit ko ang aking kalayaang pumili para makalimot, inaasam ko ang isang buhay na may pagpapatawad at magagandang relasyon sa iba, pati na sa Tagapagligtas.

Sa lumagong pang-unawa kung paano gamitin ang kalayaang pumili sa buhay ko, ang kapaitang nadama ko sa Diyos ay nauwi sa pag-unawa, at naging maayos ang relasyon ko sa Kanya.

Ito ang kahulugan ng ebanghelyo—paggawa ng sarili nating mga pagpapasiya na lumapit kay Cristo, pagkilos ayon sa payo ng mga propeta na naghihikayat sa atin na gamitin ang ating kalayaang pumili na magtiwala sa Panginoon, at magkaroon ng buhay na maganda at puno ng pananampalataya.

Tulad ng itinuro ni Sister Camille N. Johnson, Relief Society General President: “Mangyari pa, ang pinakadakilang alituntunin ng kalayaang pumili ay tayo ang susulat ng sarili nating mga kuwento. … Ngunit si Jesucristo ay handang gamitin tayo bilang mga banal na kasangkapan … upang makasulat ng isang obra-maestra … kung may pananampalataya [tayong] hayaan Siya, kung hahayaan [natin] Siya na maging may-akda ng [ating] kuwento.2

Ang pagtatapos ng pagsasama naming mag-asawa ay isa sa pinakamasasakit na karanasang napagdaanan ko. Pero natutuhan ko na kapag nagdaan tayo sa di-inaasahang mga pagsubok sa buhay, maaari tayong humingi ng espirituwal na patnubay at gumawa ng mga desisyon na nagsusulong sa atin sa landas ng tipan. Sa pagsunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, lagi tayong magkakaroon ng pag-asa sa mabubuting bagay na darating at sa Kanilang ipinangakong mga pagpapala ng kapayapaan at kagalakan.

Ang awtor ay naninirahan sa Chile.