Layunin
Gumawa ng mga simpleng eksperimento para mapag-aralan ang mga likha ng Diyos.
Iminumungkahing Aktibidad
Bilang isang grupo o magkakapartner, gamitin ang sumusunod na eksperimento upang ilarawan ang siyentipikong pamamaraan: gumawa ng isang obserbasyon, magbigay ng hypothesis (o matalinong hula) kung bakit mangyayari ang bagay na iyon, gamitin ang eksperimento para masubukan ang inyong hypothesis, at pagkatapos ay maglahad ng mga konklusyon.
Lulutang ba Ito?
- Punuin ng tubig ang isang timba o mangkok.
- Maghulog ng iba’t ibang bagay sa tubig at talakayin kung ano ang mga bagay na lumulutang at kung ano ang mga bagay na lumulubog.
- Gumawa ng hypothesis tungkol sa kung ano ang nagpapalutang sa isang bagay.
- Gumawa ng maliliit na bangka o balsa na yari sa papel, palara, o iba pang mga materyal. Tulungan ang mga bata na maaaring nangangailangan ng tulong para makasali ang lahat.
- Sabihin sa mga bata na maglagay ng mga bato, beans, o iba pang mga bagay na may timbang sa mga bangka.
- Tingnan kung aling estilo ng bangka ang kayang maglulan ng pinakamabigat na timbang at pag-usapan kung bakit.
Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kailangan upang matiyak na makakasali, makakabilang, at makakatulong ang lahat.
Mga Ideya sa Pag-aangkop
Subukan ang isa sa mga sumusunod na eksperimento bilang karagdagan dito o sa halip na aktibidad tungkol sa pagpapalutang.
- Balanse at Grabidad (Gravity): Pag-usapan kung ano ang nagpapatibay sa gusali o istruktura. Sabihin sa mga bata na bumuo ng mga istruktura na gawa sa mga simpleng materyal, tulad ng tuwid na noodles at marshmallow o mga toothpick (na bilog ang dulo) at clay. Tingnan kung sino ang makagagawa ng pinakamataas at pinakamatibay na istruktura.
- Pagbabago sa Kemikal: Maghanda ng gatas, suka, at baking soda. Sabihin sa mga bata kung ano sa palagay nila ang mangyayari kapag pinaghalo ninyo ang mga sangkap na ito. Pagkatapos ay ihalo ang 1 kutsarang suka (15 mL) sa 7 kutsarang gatas na nonfat (104 mL). Magkukumpol-kumpol ang protina ng gatas dahil sa suka at magiging solido. Salain ang mga solido sa isang telang pansala o paper towel nang ilang minuto. Pagkatapos ay magdagdag ng ¼ kutsarita (1 g) na baking soda (sodium bicarbonate) at masahin para maging luwad (slime). Ang baking soda ang nagnu-neutralize ng asido sa suka, kaya bumabalik sa pagkalikido ang protina ng gatas.
Talakayan
Hikayatin ang mga bata na pag-usapan kung paano makatutulong sa kanila at sa iba ang natututuhan nila para maging mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring gawin ang mga talakayan bago, sa oras, o pagkatapos ng aktibidad at dapat tumagal lamang nang ilang minuto. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
- Paano nakatutulong sa inyo ang pag-aaral ng siyensya para mas maging higit na katulad ni Jesucristo, ang Tagapaglikha?
- Ano ang maituturo sa atin ng proseso ng pag-eksperimento sa siyensya tungkol sa pag-eeksperimento o pagsubok sa salita ng Diyos (tingnan sa Alma 32:27–34)?