Layunin
Matuto ng mga estratehiya para makontrol ang stress.
Iminumungkahing Aktibidad
Tipunin ang mga miyembro ng klase o korum sa cultural hall ng Simbahan o sa ibang maluwang na espasyo. Pag-usapan sa grupo kung ano ang stress, paano ito nagiging mabuti at masama, at bakit mahalagang malaman kung paano kayanin ang stress. Hatiin ang mga kabataan sa ilang grupo at papuntahin sila sa iba’t ibang istasyon kung saan sila matututo ng mga tip at gagawa ng mga aktibidad na makakatulong na mawala ang stress.
Ang ilang istasyon ay maaring magbigay ng mga aktibidad tulad ng sumusunod:
- Matutong harapin ang pakikipagtalo at pakikipagharap sa isang ligtas at bukas na paraan. Subuking gawan ng dula-dulaan ang mga posibleng sitwasyong maaaring kaharapin ng mga kabataan, tulad ng paglutas sa isang di-pagkakaunawaan sa isang kaibigan o isang problema sa paaralan.
- Ang paglilingkod sa iba sa maliliit na paraan ay isang magandang paraan para mawala ang stress. Pasulatin ang mga kabataan ng isang card sa mga miyembro ng ward na naglilingkod sa militar o bilang mga missionary o pagtaliin sila ng mga kumot ng sanggol para ibigay sa isang lokal na ospital.
- Alamin kung paano kilalanin at tanggapin ang mga kawalan ng seguridad o mga alalahanin. Hilingin sa mga kabataan na bumunot mula sa isang mangkok ng mga halimbawang problema at palitan ang mga negatibong pahayag na matatagpuan ng mas mabuting pananalita. (Halimbawa, bumunot ang kabataan ng isang pahayag tulad ng “Lagi akong nagkakamali kapag kailangan kong magsalita sa harap ng mga tao” at nag-isip ng mas mabuting pananalita tulad ng: “Pagdating sa pagbibigay ng mensahe o pagsasalita sa harap ng mga tao, kinakabahan ako. Pero natututo pa ako, at mas matututo ako kung magpapraktis ako.”)
- Bigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na sumubok ng iba’t ibang klaseng ehersisyo at talakayin kung paano makakatulong ang iba’t ibang klaseng regular na pisikal na ehersisyo para guminhawa ang ating katawan at isipan at kayanin ang stress.
- Payagan ang mga kabataan na ipahayag ang kanilang sarili sa malikhaing paraan. Subuking mag-painting, gumawa ng mga collage, magdrowing, o iba pang likhang-sining. Talakayin kung paano makakabawas ng stress ang pagpapahayag ng pagkamalikhain.
- Magpraktis ng pagiging maalalahanin o pagpapahinga sa pamamagitan ng pag-upo nang magkakatabi at pagtuon sa paghinga nang malalim.
Sa katapusan ng aktibidad, muling magsama-sama bilang isang grupo at hilingin sa mga kabataan na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa pagharap sa stress. Hayaang ibahagi ng mga kabataan ang sarili nilang mga mungkahi kung paano magpahinga kapag nai-stress. Pagkatapos ay talakayin ang mga paraan kung paano nila magagamit ang natutuhan nila sa mga susunod na linggo at buwan.
Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kinakailangan para matiyak na ang lahat ay makakasali, makakabilang, at makakapag-ambag.
Mga Ideya sa Pag-aangkop
- Magtuon sa isa sa mga mungkahi sa itaas batay sa mga pangangailangan at interes ng grupo. Sa oras ng aktibidad, bigyang-diin kung paano makakatulong ang mungkahing iyon para mawala ang stress.
- Anyayahan ang isang lokal na eksperto, tulad ng isang psychologist, therapist, o life coach, para kausapin ang grupo at talakayin ang iba’t ibang klaseng pampawala ng stress at sagutin din ang posibleng mga tanong ng mga kabataan.
Talakayan
Hikayatin ang mga kabataan na pag-usapan kung paano makakatulong sa kanila at sa iba ang natututuhan nila para mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring gawin ang mga talakayan bago, sa oras, o pagkatapos ng aktibidad at dapat tumagal lamang nang ilang minuto. Maaari ninyong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
- May naiisip ba kayong anumang mga halimbawa na bumaling ang mga tao sa Tagapagligtas para humingi ng tulong sa mahihirap na bagay?
- Paano makakatulong ang pagsasabuhay ng natutuhan ninyo tungkol sa stress para mas mapalapit kayo sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas?
Kaugnay na Resources
- “Pag-unawa sa Nararamdamang Stress,” Pag-adjust sa Buhay-Missionary (resource booklet, 2013), 5–10
- Lyle J. Burrup, “Anim na Paraan ng Pagtulong sa Isang Kaibigang Nababalisa” (digital na aritkulo), Liahona, Mar. 2017, ChurchofJesusChrist.org