Layunin
Alamin ang tungkol sa mga halaman at kung paano pangangalagaan ang mga ito.
Iminumungkahing Aktibidad
Tulungan ang mga bata na magtanim ng buto o punla sa mga lalagyan (magandang paglagyan ang mga tasa o walang lamang lata) na maaari nilang maiuwi. Kung maaari, pumili ng isang halaman na umuusbong at mabilis tumubo, tulad ng beans o mga ligaw na bulaklak.
- Pag-usapan kung gaano kadalas pasikatan sa araw, gaano karaming tubig, at pataba ang kailangan ng mga halaman.
- Sabihin sa mga bata na i-monitor kung gaano karaming tubig ang idinidilig nila sa halaman bawat araw, kung gaano nila katagal na pinapasikatan ito sa araw, at ano ang epekto nito sa halaman pagkalipas ng isang buwan. (Ang halaman ba ay umusbong, nalanta, o tumubo patungo sa liwanag ng araw?)
Kumustahin ang mga bata sa isang aktibidad kalaunan upang malaman kung ano ang natutuhan nila at kung gaano kagandang tumubo ang kanilang mga halaman.
Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kailangan upang matiyak na makakasali, makakabilang, at makakatulong ang lahat.
Mga Ideya sa Pag-aangkop
- Bisitahin ang isang palengke na pinagbebentahan ng mga magsasaka ng kanilang mga tanim, mga halamanan sa komunidad, mga taniman ng prutas, o supermarket para malaman kung saan itinatanim, inaani, at ibinebenta ang mga prutas at gulay.
- Ideya sa Paglilingkod: Anyayahan ang mga bata na tumulong na magtanim at mangalaga ng taniman ng mga gulay sa tahanan ng isa sa mga bata o lider. Kung maaari, magtanim ng iba’t ibang gulay para makumpara ng mga bata ang pagkakatulad at pagkakaiba nito habang tumutubo. Sa panahon ng anihan, anihin at tikman ang mga gulay. Maaari ding ipamigay ang iba nito sa mga taong nangangailangan.
Talakayan
Hikayatin ang mga bata na pag-usapan kung paano makatutulong sa kanila at sa iba ang natututuhan nila para maging mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring gawin ang mga talakayan bago, sa oras, o pagkatapos ng aktibidad at dapat tumagal lamang nang ilang minuto. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
- Paano nakakatulad ang pangangalaga sa halaman sa pangangalaga ninyo sa inyong sarili?
- Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa daigdig sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga halaman?
- Paano nakatutulong sa atin ang pangangalaga sa ating mundo para mapahalagahan ang mga likha ng Diyos?
- Ano ang pakiramdam na nangalaga at nakapagpatubo ka ng isang halaman?